Liham Ng Isang Construction Worker Na Ama Sa Adik Na Anak

Photo credit: libcom.org

Ang sulat na ito ay di ko makakalimutan bilang misis ng isang Construction Worker, isang OFW na nakipagsapalaran sa ibang bansa. Nawa’y mapukaw ang ating mga puso at isipan bilang magulang at anak ng mga OFW.

Mahal kong Junior,

Isa ako sa pinakamapalad na lalaki sa buong mundo dahil naging isa akong ganap na Ama! Halos di ko alam kung anong klaseng kaligayahan ang aking naramdaman noong ikaw ay isinilang ng iyong Ina. Kung nakita mo lang sana ang mga butil ng luha na dumaloy sa aking mga mata noong una kong narinig ang iyong iyak, walang duda na isa iyong kaligayahan na di kayang pantayan ng mga mamahaling materyal na bagay! Dahil isa kang yaman namin ng iyong Ina, isang biyaya na pinagkaloob sa amin ng atin Panginoon na taos puso namin na pinasasalamatan at ikaw iyon JUNIOR!

Nang ikaw ay lumaki, nawalay ako sa piling mo ng ilang mga taon dahil andito ako sa disyerto na bansa at nakikipagsapalaran para mabigyan kita ng magandang kinabukasan balang araw. Labis kong pinaghihinayangan ang mga araw na wala ako sa piling mo kung kailan kailangan mo ang suporta ng isang Ama!

Sumama ang loob ko nang mabalitaan ko na tinahak mo ang landas na walang kasiguraduhan kasama ang iyong mga walang kwentang barkada na naglugmok lalo sa iyo sa masalimot na landas! Sana inisip mo Junior na hindi yan ang buhay na ginusto namin para sa iyo! Minsan naisip ko na ako ang dapat sisihin sa pagliko mo ng maling daan sa buhay dahil nawala ako sa iyo! Pero di mo lang naiintindihan na ginawa ko ito lahat para sa iyo. Tiniis ko ang LAMIG at INIT na dumapo sa aking balat dahil kailangan kong magsikap para sa iyo! Walang araw na hindi ka laman ng isip ko. Sa tuwing aakyat ako sa mataas na gusali, ang aking isang paa ay nasa hukay ng kamatayan, pero di ko alintana ang disgrasya dahil “PARA KAY JUNIOR ITO!”.

Aking nabalitaan na tuluyan mo nang iniwan ang iyong pag-aaral! Bakit anak? Di mo ba inisip na ang pera na ginamit mo sa paghithit ng droga na tumuyo sa utak mo ay isang buwan kong pinaghirapan dito! DUGO at PAWIS dito sa Gitnang Silanggan na halos di ko na makaya pa, pero bakit winaldas mo lang ito sa USOK na walang kahihinatnan sa buhay mo!

Ito ba ang karangalan na sasalubong sa pag-uwi ko…ang dalawin kita sa REHAS NA BAKAL? Hindi ko kayang tingnan ka sa ganyang kalagayan! Hindi pa huli ang lahat Junior dahil pwede mo pa ituwid ang iyong buhay bago pa mahuli ang lahat! Tumahak ka ulit sa tamang landas Junior, nakikiusap ako sa iyo bilang AMA at KAIBIGAN mo. Paano na lang kung wala na kami ng iyong Ina? Saan ka pupunta?

Kung nagkulang man ako sa iyo, patawarin mo ko Junior, gusto ko lang ibigay sa iyo ang buhay na matiwasay upjang hindi mo danasin ang buhay na mawalay sa pamilya mo balang araw! Sana bago man lang kami pumanaw ng iyong Ina ay makita ka namin na nasa maayos na kalagayan at namumuhay ng matiwasay kasama ang iyong pamilya!.

MAHAL NA MAHAL KA NAMIN JUNIOR! ANAK KO!

Tatay

Enhanced by Zemanta

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)