Liham…na hindi ko alam kung saan patungo at para kanino

(Credits to:  emergingwritersfestival.org.au)
(Credits to: emergingwritersfestival.org.au)

Dear Kapwa,

Palagi na lang malungkot ang mga sulat ko. Iniisip ko bakit kaya ganito. Siguro, naghahanap ako ng outlet para hindi ako mabaliw.

Pumunta ako ng abroad sa kadahilanan katulad ng rason ibang OFW; ang tumulong sa pamilya. Ang dami kong pangarap and plano.

Kararating ko pa lang dito, ang pag-uwi na ang nasa isip ko.

Bibilhan ko si Papa ng ganito, kakain na kami sa ganito, magsa-shopping kami doon at kung anu-ano pa.

Katatanggap ko pa lang sa trabaho, tumawag ang mama ko, at umiiyak …kasi pinapaalis na kami sa lupang kinatitirikan ng bahay namin. Alam kong masakit ‘yun sa Papa ko kasi pinaghirapan niya ‘yun. Tinayo nilang dalawa ng Mama ko. (Opo,karpintero ang aking Papa).

Ang Papa ko ang nagsilbing Foreman sa pagtatayo ng aming bahay. Sabi ng Mama ko, naiiyak si Papa habang tinatanggal at ginigiba niya ‘yung bahay. Umasa kasi siya na doon na kami. Na aayusin namin ‘yung bahay, palalakihin at pagagandahin.

Siguro hindi niya inaasahan na basta-basta na lang kami paaalisin dun. Umiyak ako nun nang bongga sa hotel kung saan kami nag-seminar. Nahiya na ako sa kasama kong taga-England kasi hindi ko ma-explain sa kanya na may pinagdaraanan akong problema.

Sabi ng Papa ko. “okay lang, magsu-survive daw kami.”

Pinilit kong maging okay. Nagtrabaho ako sa lugar na hindi pamilyar sa akin, kasama ang mga taong ang hirap intindihin(language barrier). sa sulok na bahagi ng banyagang bansa na wala man lang ni isang Pilipino.

July 13, hindi ko malilimutan, nag-chat sa akin ‘yung kapatid ko bandang 2am ng umaga sa oras ko. Patay na raw ang sister ko.

Na-shock ako. Alam ko naman na may sakit siya. At isa siya sa dahilan kung bakit ko pinilit mag-abroad. Pero nagulat pa rin ako. Umiyak ako na parang bata. Wala akong makapitan. Monday ‘yun at may observation pa ako sa mga supervisors ko. Alam mo ba ‘yung kasabihan na “The show must go on”?

‘Yun ang nangyari sa akin. Kahit gaano kasakit ‘yung nangyari, nagtrabaho ako. Nagturo! Nagpasaya ng mga tao. Binangon ko ‘yung sarili ko. Gustong-gusto kong umuwi pero alam kong imposible kasi kakasimula ko pa lang and wala pa akong kapera-pera.

Tiniis ko.

Everytime na tumatawag ako sa amin, ‘yung Papa ko nagsasabi na tatagan ko ‘yung sarili ko kasi ako lang mag-isa dito. Sabi niya, pagsubok lang ito kung hanggang saan ang kaya namin.

Oct 6, a day before ng birthday ko, tumawag si Mama, at ang sabi ipaho-hospital niya raw si Papa kasi hindi maganda kondisyon ng papa ko.

Natakot ako. Lumipas ang mga araw, nalaman namin na malala na pala si Papa. Hindi nakabawi ‘yung katawan niya sa lahat ng nangyayari.

Akala ko kaya niya. Humiling ako sa Taas na sana, huwag naman. ‘Wag naman.

Kinausap ko si Papa. Ang sabi nya “Fight! Fight! Fight!” kami. Umasa ako na malalampasan niya ‘yun, pero nung time na sinabi niyang pagod na siya, alam kong dapat tanggapin ko na na hindi na niya kaya. Alam kong pinipilit niyang lumaban kasi nangako siya. Nangako siyang lalaban kami.

Nang sinabi ng kapatid ko na kawawa na si Papa. Na ang pagpayag ko na lang yata ang hinihintay niya, sobrang sakit.

Paano ba pumayag na iwan ka ng taong mahal na mahal mo sa buong mundo?

Sinabi ko na hindi ako makakauwi kung sakaling iwanan niya kami kasi hindi ayos ang papel ko kaya kung puwede sana lumaban pa siya. Oo, bina-blackmail ko ang Papa ko kasi alam kong hindi niya ako matitis. Mapipilitan siyang lumaban. Pero nung mga sumunod na araw na hindi na siya magising at talagang wala nang pag-asa, ginawa ko na ang pinakamahirap na desisyon sa buhay ko —  ang payagan siyang mamahinga.

Sabi ko sa phone, “Pa, kung talagang pagod ka na at hindi mo na kaya, sige, pumapayag na ako. Pumapayag na ako, Pa…”

‘Yung mga salitang ‘yun ang binitawan ko, ang isa sa mga napakahirap banggitin sa tanang buhay ko. Sabi ko sa sarili ko, hindi ako puwedeng maging selfish. Ayaw kong maghirap si Papa. Ang hirap! Natatandaan ko lahat ng sinabi niya. Parang naririnig ko ‘yung mga I Love You niya.

Papa’s girl ako ehh.

Tinatanong ko ang sarili ko kung gaano ba kalaki ang kasalanan ko at nangyayari ito sa amin?

Ito ba ang birthday gift na matatanggap ko? Nawalan ako ng pakpak. Nawalan ako ng rason. Nawalan ako ng isang bahagi ng puso ko. Hindi ko alam kung paano ko naharap ang Pasko at Bagong Taon. Nagkunwari akong masaya at okay. Gusto kung isipin ng Mama ko na matatag ako. Gusto kong makita niya na kaya namin ito.

Akala ko, tapos na.

Feb 16, ‘yung kapatid kong lalaki na nag-chat sa akin nung namatay ‘yung sister ko, ang siya namang pumanaw.

Halos mabaliw ako. Umiiyak ako mag-isa sa bus sa banyagang bansa na ang emosyon ay hindi masyadong pinapakita. ‘Yung nagsisisi ka kung bakit hindi mo siya tinanong kung okay lang ba sila. ‘Yung akala mo ikaw lang ang nahihirapan. Hindi mo akalain na may mas naaapektuhan pa pala kaysa sa iyo.

Nung nasa hospital sila, nagdasal ako. Kinakabahan ako sa sobrang takot. Pero ‘yun pa rin, walang nangyari. Bumitaw pa rin siya.

Sayang! Ang dami pa niyang pangarap. Ang dami ko pang gustong ikuwento. Pero wala na ehh. Lumisan na rin.

Litong-lito na ako. Ano bang nangyayari? Bakit ba ganito? Ano ba talaga ang dahilan bakit nagkaganito?

Simple lang naman ang pangarap ko. ‘Yung maging masaya lang ang pamilya ko.

Mahirap ba yun?

‘Yung titira kami sa bahay na okay na magkakasama at masaya.

Bakit ang hirap-hirap abutin? Bakit ang ilap-ilap marating?

Alam kong wala akong karapatan magreklamo o magdamdam kasi parte to ng buhay. Pero minsan nakakapagod din magtapang-tapangan. ‘Yung akala ng mga tao na kayang-kaya mo ‘yan kasi matapang ka. ‘Yung gusto mo ring umiyak na totoong iyak, pero hindi pwede kasi mas lalong kailangan ka ng pamilya mo ngayon.

‘Yung nagkukunwari ka sa lahat na okay ka, pero sa loob loob mo, gusto mo nang maglupasay sa sakit.

‘Yung alam mong nilalayuan ka na ng mga tao kasi ayaw nilang mahawa sa negatibong buhay mo.

‘Yung alam mong napapagod na ang mga tao sa walang sawang negative moments ng buhay mo.

Na-realize mo na mag-isa ka palang lumalaban. ‘Yung wala ka palang makakapitan. ‘Yung akala mong naiintindihan ka, pero wala pala. Hindi nila maarok ang sakit na nadarama mo.

Ipagdasal n’yo po ako at ang pamilya ko…please.

Kahit gaano man kasakit ang mga pangyayari, ang Mama ko, ang mga kapatid ko at ako ay naniniwalang  may magandang mangyayari pa rin sa buhay na ito.

 

Sumasainyo,

Ang Malungkot na Kaibigan Ngayon

(Jingq27 — How can I reach you? But first of all, let me hug you please.   <3   —   Editor MomJ

 

2 Comments

  1. Oh my goodness. Napakabigat nga naman ng dinaranas mo. Sorry to read them here. Nakakapagaod nga ang maging matapang, maging masaya (kahit kuwari lang), maging “ok lang” kahit sa aktwalidad ay hindi naman talaga. Tao ka pa rin pagkatapos ng lahat. Nasasaktan—kahit hindi mahalata. Sino ba naman ang hindi aaray kung para ka nang pinapalo ng tsinelas ng ilang beses, na sa una ay parang daplis lang, pero paglaon, lumalakas ito at bagkus, mas nakaksakit ang dinudulot sa’yo?

    Siguro, kung anuman ang mga hindi magagandang bagay na nangyayari sa’yo, ay may kapalit na kasaganahan pagdating ng araw. Masyado mang hindi patas ang mga nangyayari, ngunit tama rin ang sinabi ng iyong yumaong ama. Magpakatatag ka. Tibayan mo loob mo. Isipin mo na lang, at gawan ng paraan (bagamat it takes time talaga) kung paano mo papaikutin ang isang mukha ng kalungkutan at gawin itong masaya. At tanging ikaw lamang ang makakasagot niyan.

Leave a Reply

Your email address will not be published.