Life Change

Photo by Georgie Pauwels
Photo by Georgie Pauwels
Photo by Georgie Pauwels

Saudi Boy! Yan ang tawag sa tatay ko noon.

Sa tuwing uuwi si Tatay galing sa Saudi, naninilaw ang kanyang katawan sa dami ng alahas na kanyang suot suot. Bumabaha ng alak, tsokolate, bagong damit na kalimitan ay may TSEK at BUWAYA (na pag inamoy mo ay may ibang amoy – amoy package na amoy aircon o parang sa isang salita ay amoy state side) mga sapatos, mga laruan,at kung anu-ano pang pasalubong.

Bilang bata, masarap sa paningin ang mga bagay na iyon. Siyempre maporma na naman ako kumpara sa ibang bata sa aming baranggay. Bida na naman ang aking mga laruan lalo na ang ATARI at BABILOS ng aking SHAIDER. Pero ang  higit sa lahat KASAMA ko na ulit ang aking AMA.

Mahirap lumaki nang wala sa tabi ko ang aking magulang. Marami ang kulang. Wala akong mapagsumbungan ng mga nang-aaway sa akin, wala akong mapagkuwentuhan ng mga masasayang pangyayari at wala ‘yung pakiramdam ng pag-aalaga at pagmamalasakit ng isang ama. Kahit gaano pa karami ang mga tsokolate, pagkain, mapormang damit at gamit, latest na mga laruan at gadgets, may kulang pa rin sa pagkatao ko.

Hindi pa uso noon ang computer, cellphone at internet. Sa sulat at overseas call lamang namin nakakausap si Tatay noon na bihira pa kung mangyari kaya ganun na lamang ang aking pangungulila sa kanya.

Alam ko naman na para sa kinabukasan namin kaya mas pinili ni Tatay mag trabaho sa ibang bansa.  Kaya may lungkot at may kulang man habang ako ay lumalaki ay nagkaroon naman ako ng maayos at mabuting buhay dahil na din sa patnubay ng aking butihing Ina.

Nang ako ay magkaasawa at mag kaanak, sinabi ko sa asawa ko na ayokong maranasan ng aming anak ang lungkot, pangungulila at kakulangan na aking nadama noong araw. Sabi ko sa asawa ko, wala sa amin ang mangingibang bansa.

Ngunit isang araw, dumating ang isang malaki at magandang oportunidad sa Dubai. Hindi lamang sa akin kundi sa aming dalawa ng aking asawa. Sarado ang aking isip sa pagtanggap nito. Dahil hindi lang isang magulang ang mawawalay sa aming anak kundi kaming dalawa. Alam ko ang pakiramdam, alam ko ang hirap.

Subalit sabi nga “Opportunity knocks only once”, sayang daw ang oportunidad sa amin kung ito’y palalagpasin at wala nang dumating pa.  “Things Change”, hindi na tulad noong araw na mahirap ang komunikasyon. Marami nang paraan upang kahit nasa ibayong dagat ang isang tao ay maramdaman mo na parang nasa tabi mo lang siya.

Hiningan ko ng opinion ang aking anak ukol dito, alam daw niya na para sa kanya ang gagawin naming sakripisyo. Titiisin muna daw niya ang malayo sa amin at nangakong magpapakabait at mag-iingat habang wala kami sa tabi niya.

Lumipad kaming mag-asawa patungo dito sa Dubai. Naiwan ang aming anak sa pangangalaga ng aking ina.  Mahirap at nakadudurog ng puso ang mawalay sa aming anak. Ngunit ito ay nababawasan at naiibsan sa pamamagitan ng mga araw araw na messages at tawag sa FB. Nawawala ang aming lungkot sa tuwing nakikita at nakakasama namin siya sa pamamagitan ng SKYPE tuwing weekend at walang pasok. Dahil sa technology natin ngayon kahit physically away kami sa aking anak ay para ko pa rin siyang kasakasama.

Isang taon mahigit ang mabilis na lumipas, malapit na kaming magkita ng anak kong mahal.

Katulad ng sa aking ama, pag-uwi ko, tiyak ang pagbaha ng mga pasalubong na tsokolate, bagong sapatos, damit, laruan at kung anu ano pa.

Mahahagkan at mayayakap ko na muli nang mahigpit ang aking anak katulad ng tagpo namin noon ni Tatay, ngunit sa pagkakataong ito, kami ay may pagkakaiba. HINDI na muling MANGUNGULILA ANG AKING ANAK.

Photo by Georgie Pauwels

About kaiganda

I am definitely Filipino sa isip, sa salita at sa gawa. Simple pero ROCK!