Letting Go

dfPumayag akong makipaghiwalay noon sa pag-aakalang mas makabubuti iyon para sa ating dalawa. Labis ko iyong ikinalungkot, pero nagpakatatag ako at naging positibo.

Gayunpaman, hindi ako lubusang nakalimot.

Lumipas ang panahon, ngunit ang paghihiwalay natin ay lalo pang nagdulot sa akin ng paghahangad na mapasaakin ka. Nakaramdam ako ng kakulangan nung mawalay sa ’yo, lalo na sa mga oras at araw na nasanay akong ikaw ang aking kasama.

Hinahanap-hanap ko ang tamis ng ngiti mong alam kong sa akin mo lang ipinapakita. Hinahanap-hanap ko ang makukulit nating usapan. Hinahanap-hanap ko ang mga sandaling nauubusan tayo ng oras dahil lang sa kuwentuhan. Hinahanap-hanap ko ang kakaiba mong pagpapa-cute. Hinahanap-hanap ko ang iba’t ibang paraan mo para sabihing mahal mo ako.

Kaya naman, muli akong nagpapansin sa ’yo at nagbigay ng hint na gusto kong bumalik ka sa piling ko. Para akong asong humahabol-habol sa atensyon mo. Umiral ang kakapalan ko ng mukha para sa’yo. Umiral ang pagka-assuming ko sa pagtingin mo, para magpatuloy pa sa misyon ko na muling maging ‘tayo’. Tinapak-tapakan ko na ang pride ko. Nag-adjust ako para maging  babaeng sa tingin mo ay karapatdapat sa ’yo. Hindi mo hinihingi, pero ginusto kong gawin ang mga iyon para sa ’yo.

Naging maluwag sa atin ang pagkakataon at hindi naglaon, ibinigay mo rin sa akin ang ginusto ko na muling maging ‘tayo’. Walang pagsidlan ang saya na idinulot nito sa aking puso. At para mas maging epektibo ang ating relasyon, mas ini-adjust ko ang oras ko na nakalaan para sa ’yo. Mas naging sweet ako. Mas naging affectionate. Mas minahal pa kita.

Sabi nila, love is sweeter the second time around. Nasabik akong maramdaman iyon sa relasyon natin. Ngunit nabigo ako sa parteng iyon.

Kaya pala hindi na sing-tamis ng dati ang mga ngiti mo para sa akin. Hindi na sing-saya ng dati ang mga usapan natin. Hindi na sing-init ng dati mga tingin at sulyap mo para sa akin. Hindi na singdalas noon ang oras na iniuukol mo sa akin. Wala nang dating sa puso ko kapag sinasambit mo sa akin ang katagang ‘mahal kita’. Ni hindi mo na nga yata balak pang sabihin pa iyon, kung hindi pa ipapaalala.

Naisip kong wala sa lugar kung isusumbat ko ang mga iyon sa iyo. Dahil batid ko nang sa pagitan nating dalawa, ako ang siyang nakalimot.

Nakalimutan kong itanong kung ito ba ang gusto mo o ako lang talaga ang may gusto. Nakalimutan kong itanong kung masaya ka pa ba sa piling ko o pinagbigyan mo lang ako. Nakalimutan kong itanong kung mahal mo pa ba talaga ako.

Hindi ako clueless, mas pinili ko lang siguro na hindi punahin. Akala ko kasi sapat na ang mapasaakin kang muli. Akala ko sapat na ang maging ‘boyfriend’ kita. Akala ko sapat nang masaya ako. Akala ko, sapat nang mahal kita.

Habang tumatagal, mas nagiging malinaw na para sa akin ang lahat. Kasabay nito’y unti-unti nang nawawala ang pag-asa kong maibabalik pa ang matamis nating kahapon. Mas masakit nang isipin na naglaho na ang spark sa ating dalawa. Mas masakit na sa dibdib ang malamang hindi ka na masaya sa piling ko. Mas masakit nang tanggapin at maramdamang hindi mo na ako mahal.

Hindi mo na kailangan pang gumamit ng mabubulaklak na salita at rason para iparating sa akin na hindi mo na kayang suklian ang pagmamahal na ibinibigay ko sa ’yo. Naiintindihan kong alam mo na sobrang mahal kita at natatakot ka na masaktan mo ang damdamin ko kung sasabihin mo sa ’kin ang tunay mong nadarama. Kaya hayaan mo sanang ako na ang gumawa nito para sa ‘yo. Ako na lang ang siyang magsasara ng istorya natin.

Dahil gets ko na. Pinalalaya na kita.

About ciarshadow

Mukhang matino, pero 'wag ka...