“Lampin” (OFW-Kuwento Ng Buhay)

lampinSunod-sunod na pagtilaok ng manok mula sa kapitbahay na si Tatay Isko ang nagpagulantang para ako ay gumising sapagka’t tiyak na mahuhuli ako sa pinapasukang pabrika.

At habang naiinip sa biyahe ay natatarantang hinagilap ko ang lampin sa bag ko, nagpalit kasi ako ng bag kahapon kung kaya’t baka hindi ko nailipat.

Laking tuwa ko na nasa bag ko iyon at nataon na nahuli ako ng pagluwas kung kaya’t masikip na ang daan sa trapiko, tiyak na hindi na ako aabot sa eksaktong oras ng pagpasok sa trabaho. Pinilit kong pumikit na lamang ngunit bigla ko na lamang naramdaman ang kirot na dulot ng sakit ng mga pangyayari sa buhay ko noon. Tila ba may kakaibang mangyayari ngayon na hindi ko mawari. May matinding bigat na nakadagan sa dibdib ki na nagiging sanhi ng aking pagkabalisa.

Dalawang taon na rin akong naninirahan ngayon dito sa Pilipinas. Nagdesisyon na manatili na lamang at mamuhay na sa mahal na bansa.

Labing-limang taon na rin akong nasa labas ng bansa at sa mga taon na punong-puno ng pagsusumikap ay masasabi ko pa rin na salat pa rin ako sa kayamanan.

Umuwing laglag ang balikat at hindi nakamit ang magtamo ng limpak na mga salapi para hindi na makaranas ng kahirapan sa buhay. Magsisi man ako ay huli na. Tanging pagtangis sa gabi na lamang ang magagawa at walang tigil na panalangin na sana ay matupad ang matagal ng ipinagdarasal.

Sa edad kong apatnapu’t dalawa, hiwalay sa asawa, mga anak na wala sa aking poder ay dapat walang iniintindi sa buhay. Ngunit ako ay maysakit sa bato at naoperahan na upang matanggal ang isa kong kidney. At may kumplikasyon na mataaas na presyon ng dugo. Ang dialysis ay sinukuan ko na simula ng umuwi ako rito sa Pilipinas.

Nanghihinayang na ako sa gastos at sa tingin ko naman pinipilit ko na lamang dugtungan ang hiram na buhay.

Habang yakap-yakap ng mahigpit ng isang nanay ang sanggol sa aking tapat ay hindi ko namalayan ang lumuha. At kasabay ng mga patak ng aking luha ang mabilis na pagdaloy ng mga mapapait na alaala.

Magtatapos na sana ang kontrata ko noon sa amo kong Arabo ng matuklasan kong nagdadalang-tao ako. Ang ama ay ang manihero sa katabi naming bahay. Nagkakaroon kasi kami ng pagkakataon na magtagpo kasabwat ang mismong manihero namin na Indiano para magtagpo sa kanyang kuwarto kapag dis-oras ng gabi.

Hindi ko alam ang aking gagawin sapagka’t parehas kaming magnobyo na may kanya-kanyang asawa sa Pilipinas, ako ay may isang anak at dalawang taon siya noon ng aking iwan.

Hindi ako mapalagay at lahat ng paraan ay ginawa ko na para masubukang ilaglag ang bata na kahit alam kong malaking kasalanan ay mas natatakot ako sa parusang ipapataw sa aking imoralidad na ginawa sa bansang Arabo.

Lumipas ang mga buwan ay nabigla akong umuwi na pala ng biglaan sa Pilipinas ang nobyo ko at hindi man lamang nagawang pormal na magpaalam.

Lalo akong natuliro at dahil doon ay naglaslas ako ng pulso. Ngunit hindi ko pa panahon na lumisan sa makamundong mundo dahil natagpuan ako ng mismong amo ko bago mahuli ang lahat.

Imbes na ipasuplong ako ay nakaramdam sila ng pagkaawa sa aking sitwasyon at inilihim ang aking kalagayan sapagka’t kapatid ng amo ko ang doktor na sumuri sa akin.

Ang asawa ng Indiyano na manihero ng amo ko ay naninilbihan din sa nanay ng aking Madam at nabalitaan niya ang nais kong pagpapaampon sa bata.

Noong mga sandaling iyon ay halos nais ko ng hilahin ang mga oras at araw upang mailabas na ang bata sa aking sinapupunan.

Sa sobrang sarado ng utak ko ay kahit kusang loob na nag-aalok ang amo ko na ipasuri kung nasa maayos ang aking pagbubuntis lalo na ang kalagayan ng bata, dahil napagalamanan nila na ininuman ko rin ng kung anu-anong gamot kung kaya’t sila ay nag-aalala at nais ipasuri ako.

Ngunit todo tanggi ako at sinabing ayoko na madagdagan pa ang utang na loob ko sa kanila. Hindi nila ako napilit at mismong sa puntong manganganak na ako ay napagtagumpayan na maisilang ko ang bata kahit nasa loob lamang ng pamamahay ng amo ko. Hindi ako pumayag na magpadala sa pagamutan at baka malaman pa ng awtoridad at mailagay ako sa tiyak na kapahamakan. Matiyagang nagpaanak sa akin ang kapatid ni Madam.

Isa siyang malusog na babaeng sanggol at laking tuwa ni Ratna nang masilayan siya.
Pati si Rasheed ay nagagalak na ikinarga ang sanggol na iisang sulyap ko lang tiningnan.

Para akong nabunutan ng tinik na wala na siya mismo sa aking katawan. At kahit isang patak na gatas mula sa aking suso ay ipinagkait ko sa walang kamuwang-muwang na sanggol.

May kuneksiyon ang amo kong lalaki sa gobyerno kung kaya’t mabilis na napagawan ng papeles ang sanggol na pinangalanang “Amala”.

Dahil sa pagtanaw ko ng utang na loob ay nagpasya akong manatili sa poder ng amo ko. Ang asawa ko ay walang kaalam-alam at sadyang inunawa lamang ang ipinagtagni-tagni kong kasinungalingan para siya ay pumayag na hindi ako magbakasyon.

Lumipas ang dalawang taon na kada punta ko sa tahanan ng nanay ni Madam ay nakikita ko si Amala, magaling na siya magsalita ng dalawang lengguwahe, Arabic at Indiyano.

Ramdam ko ang takot ni Ratna kapag nasa paligid ako at kahit hindi niya isatinig ay alam kong nais niyang sabihin na, “Ipinamigay mo na ang anak mo at huwag kang magtatangkang kunin siya sa amin!”.

Kaya naman sinasadya kong umiwas sa lahat ng oras kahit kusang nagpapakita ng giliw sa akin ang bata. Minsan ay talagang itinulak ko siya kahit may nais lamang siyang ipabukas na tubig sa akin.

Kung makikita ko naman kung siya ay matutumba ay parang bulag na hindi siya tinutulungan kahit ako lamang ang nasa paligid.

Isang araw ay nabalitaan ko na nagpaplano ng magbakasyon ang mag-asawa at tuluyan ng nais manumbalik sa kanilang bansa.

Bigla ang pagkirot sa aking dibdib at bigla akong napaluha na hindi namamalayan.
“Magpakatatag ka, Greta! Nalusutan mo na ang tiyak na kapahamakan at nasa maayos na kalagayan si Amala kaya huwag ka ng magpagulo pa!”.

Maghahatinggabi ay may ilang beses na pagtawag sa aking selepono ang nagpagising sa akinh mahimbing na pagtulog. “Greta, Si Ben ito! Mabuti hindi ka pa nagpalit ng numero! Patawarin mo ako! Kinailangan kong umuwi sapagka’t natakot ako sa posibleng parusa sa atin kung nasa piling mo ako noon! Sinubukan kong kalimutan kayong mag-ina pero inuusig ako ng aking konsensya! Nasaan na ang bata? Ayos lamang ba kayo?”

Tanging ang nasagot ko na lamang ay, “Tigilan mo na ako sapagka’t simula noong kami ay iyong tinalikuran, puro pagkamuhi na lamang ang natatanging pagtingin mayroon ako sa iyo!”. Walang kaemo-emosyon kung turan.

“Huwag mo akong binabastos, Greta! Kailangan ko makita kayong mag-ina! Kundi ay sasabihin ko sa walang alam mong asawa ang kababuyan na pinaggagawa natin!” Pananakot sa akin ni Ben.

“Gawin mo, wala akong pakialam! Dahil alam kong bahag namang buntot mo at puro ka salita lamang!” Sagot ko sabay putol ng tawag.

Makalipas ang ilang araw ay laking gulat ko na ipinatawag ako ng mag-asawa kong amo dahil ipinahuli nila si Ben, ginulo raw nito si Rasheed at pinipilit paaminin kung nasaan ang anak namin.

Nakiusap akong palayain na lamang at pangakuin si Ben na hindi manggugulo.

Ngunit masama ang naging dating niyon kay Ben at pagkalayang-pagkalaya ay nakagawa siya ng paraan na makontak ang asawa ko.

Naitabi pala niya ang numero ng asawa ko minsan na nalitawag ako sa kanyang selepono.

Kaya kahit dis-oras na ng gabi ay nagulat akong tumatawag ang asawa ko sa akin.
“Hello, Pa Roger? Bakit ka napatawag?”
masigla kong sagot.

“Totoo bang nabuntis ka riyan at may anak na kaya hindi mo magawang umuwi kahit magiilang taon ka na riyan? Oo o Hindi lamang ang isasagot mo! Huwag kang magsisinungaling dahil may ebedensiya ako!” sigaw ng asawa ko sa kabilang linya.

“Patawarin mo ako, Roger! Pinagsisihan ko na iyon! Ayokong mawala kayo ni Crisanta sa piling ko! Nakikiusap ako, ilang buwan na lamang ay uuwi na ako! Magkikita-kita na tayo!” nagsusumamo kong turan.

“Makinig kang maigi, Greta! Mula ngayon ay magkalimutan na tayo! Kaya ko buhayin si Crisanta na wala kahit kusing na sustento mula sa iyo! Itutuloy ko na ang plano kong sumunod sa pamilya ko sa ibang bansa!” Nagngingitngit niyang sambit sabay pinatay ang tawag.

Tuliro ang utak ko at susugurin sana si Ben ngunit sabi sa akin ni Rasheed ay inilipat daw ng amo nito sa ibang lugar.

Nagpasya akong palitan ang numero ko at itinuon ang atensiyon sa paghingi ng tawad sa aking asawa.

Ngunit patuloy ito sa pagtangging kausapin ako.

Natuloy din ang plano ng mag-asawang Rasheed at Ratna na lisanin na ang Saudi. Sa huling sandali ay pormal silang nagpaalam sa akin at ibinigay ang kanilang numero at eksaktong lokasyon sa India. Kung sakali raw nais kong makibalita ay wala raw problema.

Nakiusap ako sa amo ko na mapauwi sana sa lalong madaling panahon ay mapauwi ako ngunit humingi sila ng palugit na manatili pa ako ng isang taon.

Kaya wala akong nagawa kundi ang pumayag. Ngunit sa loob ng isang taon na iyon pala ang simula ng kalbaryo ko. Hindi ko na makausap ang mag-ama ko at iilang buwan na lamang na sana ng aking pag-uwi ay napagalamanan kong lumisan na rin sila ng Pilipinas. Ibinalita lamang sa akin ng aking kamag-anak.

Umuwi akong walang kadire-direksyon ang utak at pagkabungad sa akin ng tahimik naming tahanan ay saka ko lamang lalo naramdaman ang kahungkagan.

Doon ko pa lamang naalala si Amala at ipinasyang tawagan ang numerong ibinigay ng mag-asawang Indiyano, ngunit makalipas ang ilang beses at araw na pagsubok tawagan ang numero ay sadyang sinasabi ay pare-parehas ng operator, “The number you have dialled is not in service!”

Kaya sinubukan kong sulatan na lamang ang ibinigay na address ngunit makalipas ang ilang buwan na halos makahigit isang dosenang sulat ako ay wala akong natanggap na kasagutan. Ipinapasalin ko pa sa lengguwaheng “Hindi” para matiyak ko na ako ay nauunawaan na nais lamang malaman kung nasa maayos na kalagayan si Amala.

Mabilis na lumipas ang isang taon na sadyang desidido ang asawa ko na ako ay kalimutan dahil kahit mga kamag-anak niya ay hindi sinasabi kung paano ko sika makokontak.

Nagpasya akong mangibang-bansa na itinuon ang pagbibisyo na lamang lalo na at sa Bahrain ay maluwag ang pag-inom ng alak. Kung sinu-sino man ang naging karelasyon ko noon ngunit hindi ko pa rin makalimutan ang asawa ko. Lalong naging makirot ang sugat ng malaman kong nag-asawa na siya sa America. Minsan ay nakagawa ako ng paraan na makuha amg numero niya ay tumanggi pa rin siyang ipakausap sa akin ang aking anak. At nang subukan ko ulit tawagan ang numero ay hindi na ito makontak.

Namuhay ako na sa mga pamangkin itinuon ang atensiyon, sa mga pangangailangan ng mga magulang at kapatid. At nasanay akong mamuhay sa iba’t-ibang bisyo.

Mugtong-mugto na pala ang mata ko at nanlalabo ng mapansin kong malapit na ako sa pinapasukang pabrika. Ipinamunas ang lampin at tahimik na ipinagpatuloy ang paghagulhol.

Ako si Greta, paulit-ulit man magsisi ay sadyang naging huli na. Tanging ang lampin ni Amala ang itinuturing na kayamanan, umaasang sana bago ako tuluyang singilin sa pagpapabaya ko sa aking sarili ay makita ko si Amala at Crisanta. Kaya kahit nabubulok na ang bahay namin mag-asawa noon ay hindi ko magawang lisanin dahil umaasang baka maisipan akong hanapin ng dalawang anak. Patuloy pa rin ako sumusulat sa India at inilalagay ang address ko roon baka mabasa ni Amala ay maisipan akong puntahan. Tiyak kong labing-walong taon na si Amala, si Crisanta naman ay dalawampu’t isang taong gulang.

“Patawarin ninyo ako mga anak! Hindi ako naging mabuting ina at hindi karapat-dapat na matawag na ina ninyong dalawa. Patuloy akong nananalangin at tanging hiling ay kayo ay mayakap kahit isang beses man lang! Ipinagdarasal na sana ay lumaking matiwasay ay may naging masayang buhay.” Iyan ang huling nasambit ni Greta habang kausap ng umagang iyon si Mang Isko na nakitang malungkot na malungkot si Greta habang umiinom ng kape sa balkonahe.

Sapagka’t mismong araw na iyon ay habang nasa banyo ng pabrika ay natagpuan siyang nakahandusay at wala ng buhay habang tangan pa rin ang lampin sa kanyang kamay.

¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤¤
Ang nagpadala ng kuwentong ito ay ang pamangkin ni Greta na madalas saksi sa kanyang pagsisisi at kalungkutan sa mga huling sandali ng kanyang buhay.