Kuya Enforcer

Habang tinatahak ang mahaba at makitid na kalsada, biglang napaapak sa preno si mamang tsuper. Di na ako nagulat sapagkat sanay na akong sa patigil-tigil na biyahe. Uwian kaya madami ang pasaherong akyat-baba. Ngunit nabigla ako sa taong nagpatigil dito. Ang uniporme ng pumara ay may hawig sa pulis ngunit kulay dilaw na may halong dalandan. At sa bandang braso ay may makikitang imahe ng  traffic light.

Walang kaba si mamang tsuper. Alam niya na hindi naman siya huhulihin. Wala siyang helmet sapagkat hindi niya ito kailangan kapag nagmamaneho ng jeep. Hindi rin siya nag-overspeeding. Wala ring nakasindi na sigarilyo sa kanyang kamay at walang usok na binubuga mula sa bibig. Malinaw na wala siyang nilabag na batas.

“Isakay mo nga to!”, wika ni kuyang enfrocer.  Biglang akyat ang isang batang babae na nakasuot ng uniporme sa front seat ng jeep. Sa kabataan ng babae, masasabing siya ay nasa bandang una hanggang ikatlong baitang pa lamang.

Natuwa ako sa simpleng pangyayari na aking natunghayan. Pinasakay ni kuyang enforcer si ate sa jeep.

Dahil sa simpleng kilos na ito, maaaring napawi ang kaba ng isang nag-alalang ina sa kakaisip kung nakauwi na ang kanyang anak. Siguro hindi niya nasundo si ate dahil sa may sakit si junior at si itay naman ay nasa trabaho pa.  Pwede ding parehong magulang ang nagtratrabaho para ihaon sa hirap ang pamilya. O di kaya, baka hindi na sinundo ni inay si ate kasi gusto niya itong matutong umuwi mag-isa. Ang daming pwedeng dahilan kung bakit hindi sinundo si ate at habang ito ay aking iniisip, biglang napalitan ng kunot ng noo ang aking ngiti.

Ang suplado naman ni kuya enforcer. “Isakay mo nga to!”. Wala man lang po o di kaya please. Parang ang kinilabasan ay ang yabang ni kuya enforcer para mag-utos ng ganoon. Subalit ako ay napangiti ulit na parang baliw. Marahil napagod si kuya enforcer sa buong araw na kakatayo at pagbantay ng mga pasaway na jeepney driver at makukulit na mga taong tumatawid. Okay lang kuya enforcer kahit medyo masungit.

Ika-nga ni Aesop, “No act of kindness, no matter how small, is ever wasted.”

About daofinest01

Youngest of 5 children... Walang magawang matino... Iloilo Central Elementary School... Westbridge School Inc.... University of the Philippines Diliman...