KUNG MAY TANING NA ANG IYONG BUHAY…

“Kung may taning na ang iyong buhay, ano ang gagawin mo?” Sobrang hirap sagutin nitong tanong na ‘lalo na kung hindi mo pa naiiisip ang ganitong bagay at hindi ka pa handa. Bigla ka na lang mangangarag at bigla mong maiisip na sobrang dami mo pa palang gustong gawin sa buhay. Mga bagay na hindi mo naisip noon dahil abala ka sa trabaho at sa ibang tao. Sa sobrang abala mo sa ibang bagay, nakalimutan mo na ang sarili mo. “Buhay mo na ang pinaguusapan ngayon, ano na nga ang gagawin mo?”

Kung ako ang tatanungin, malamang pareho lang din ang mararamdaman at magiging reaksyon ko. Tulad ng ibang tao, hindi pa rin ako handa. Iniisip ko pa lang ngayon ngarag na ngarag na ako. Hindi rin naman ang pagiging handa ang iniisip ko kundi kung matatanggap ko ang sitwasyong yun.

Sa movie na “The Bucket List”, gumawa ang mga bida ng listahan ng mga bagay na gusto nilang gawin bago sila sumakabilang buhay. Mayroong mahirap, meron din namang simple. Siguro minsan kailangan talagang maglista sa isang pirasong papel para malaman mo kung ano talaga ang gusto mo at mahalaga sa buhay mo. At pag nagawa mong lahat na yun, dun mo lang masasabi, “Pwede na ko mamatay. Handa na ako.”

Hindi rin naman ang pagiging handa ng sariling kamatayan ang mahalaga. Wag maging makasarili. Kailangang maging handa rin ang mga tao sa paligid mo, mga taong maiiwan mo. Huwag mo sila patayin sa iyong kamatayan. Di ko alam kung paano mo gagawin to. Di ko rin alam kung paano ko gagawin…

Ang totoo, lahat tayo ay may taning na ang buhay, di lang natin alam kung kailan, saan, at paano tayo mawawala. Ang sigurado, ikaw at ako, dadating din dun.

“Kung may taning na ang iyong buhay, ano ang gagawin mo?” “Handa ka na ba?” “Ako? Hindi pa..”

About khristiansan.ph