Kung Bakit HINDI Nagloloko ang (ibang) mga Lalaki

Photo by Johnhain (Pixabay)

May kasabihan tayo na ang mga lalaki daw ay ipinanganak na maging salawahan o babaero. Mga lalaki raw ay manloloko at kung mabibigyan ng pagkakataon na magloko ay gagawin nito. May nagssabi na kaya daw nagloloko ang mga lalaki ay dahil sila ay mga lalaki at parte na ng buhay nila iyon. Ang pagiging natural na mahilig sa babae ay nagpapatunay na isa siyang macho o tunay na lalaki.

Ang aking sulatin ay binase ko sa isang artikulo na makikita sa Good Men Project na kung saan ay tinanong ang mga mambabasa kung bakit hindi dapat magloko ang mga lalaki.  May mga ilan akong nakita na mga rason na talagang tama naman at hindi ipagkakait sa atin. Ang ilan sa kanilang mga sagot ay:

1. Kung ako ay manumpa, pinaninindigan ko. Ang aking binitawang salita ay importante sa akin, Mayroon akong “honor at dignidad

Mga tunay na lalaki ay may isang salita. Kapag sinabi nila na hindi nila lolokohin o sasaktan ang mga patner nila ay talagang ito ay kanilang tutuparin. Ayaw nilang sabihin na para silang mga babae na may karapatan magpa iba-iba ng isip. Sila ay may isang salita.

2. Gusto kong maging isang mabuting halimbawa sa aking mga Anak.

Siyempre ayaw ng mga tatay na makita ang kanilang mga anak na sira ang mga pamilya lalo na kapag hindi masaya ang mga ito. Lahat ng ama ay gusto ang mga magaganda para sa kanilang mga anak dahil kapag nakikita nila na nahihirapan ang mga anak, mas nahihirapan sila. Kung kaya para maging maayos ang kinabukasan ng isang relasyon ng kanilang anak ay gusto niyang maging isang magandang halimbawa.

3. Ang Panloloko ay paraan ng mga duwag,

Simple lang, kaya ka nagloloko ay dahil hindi mo kaya harapin ang problemang namamagitan sa inyong dalawa. Ayaw mong may kumontra o sumalungat sa iyo. Kaya mas nais mong maghanap ng iba na palaging papaya sa lahat ng gusto mo. Kung meron kayong hindi pagkakaunawaan ay linawin lang at ayusin ninyo. Dahil ang isang relasyon ay tuloy tuloy na pagsisikap para mapabuti ito.

4. Mataas ang respeto ko sa sarili ko para ibale wala ito.

Kung ang sarili ay hindi kayang bigyan ng respeto, paano ba kaya yung para sa ibang tao? Kaya nga kapag may respeto ka sa sarili mo ay hindi mo ito pababayaan dahil ayaw mong masira ka sa paningin ng ibang tao.

5. Ang panloloko ay masyadong maraming kailangan gawin.

Mas madali maging tapat dahil walang kailangan itago. Dahil ang kadalasan, kapag nagloloko ka ay nagiisip ka ng mga paraan para hindi ka mabuko at dapat malinis ang pagkagawa para hindi mabuko. Siyempre dapat lagi kang handa at kapani paniwala ang mga gagawin at bibitawan mng salita. Isang maling galaw, malaking problema.

6. Ayaw kong magloko kasi kung anong meron ako ngayon ay ayaw kong masira o magulo.

Kung maayos naman ang buhay mo at masaya ka ay bakit ka pa maghahangad ng iba samanatalang tahimik naman ang buhay mo. Nanaisin mo bang guluhin ang pinaghirapan mong kunin?

7. Mga manloloko ay hindi nagmamahal o hindi alam kung ano ang pag-ibig o pinabayaan o hindi prayoridad ang pagmamahal.

Dahil kung alam natin na masarap magmahal at kung ano ang pagmamahal at alam natin na ito ang pinakamasarap na pakiramdam, bakit ka magisip na magloko? Karaniwan ay akala nila na may mahahanap pa silang mas hihigit pa sa nakuha nilang pagmamahal. Kung sinasabi natin na nagkamali ako, ay hindi natin talaga alam ang kahulugan ng pag-ibig o hindi natin inalagaan ng husto.

8. Dahil kung ano ang kailangan ko ay nandito na at ang aking asawa ay pinayagan akong maging ako.

Hindi ba ang tunay na pagmamahal ay tanggap ka kasama ang iyong mga pagkukulang at kamalian. Walang perpektong tao pero may taong nakakaintindi ng iyong kahinaan. Pansinin mo, kahit sa mata ng ibang tao ay marami silang puna sa iyo, ang iyong minamahal ay nandiyan sa tabi mo at patuloy na sumusuporta sa iyo. Bakit mo pa pahihirapan ang iyong sarili maging ibang tao kung may tumatanggap sa buo mong pagkatao.

9. Mahal ko talaga ang aking asawa.

Kahit anong sabihin nila, kung mahal mo ang iyong asawa ay hindi mo pababayaan masaktan siya. Ang lagi natin pangako ay hindi kita paiiyakin at ipapakita kong hindi ka nagkamali sa pagpili sa akin. Kaya mo nga siya niligawan o sinagot dahil alam mong siya ang sagot sa iyong katuparan na may mamahalin ka ng tunay at ipagkakatiwala ang iyong buhay.

10. Naniniwala ako na ang aking asawa ang siyang pinakamagandang babae sa buong mundo.

Sino sa atin ang magsasabi na napakapangit ng ating asawa? Lahat tayo ay gandang ganda sa kanila kung kaya nga natin pinakasalan at gustong makasama sila habang buhay. Maski na sa iba na maganda at artistahin. Pero sa ating mata ay may nakikita tayo na kung saan nagpatibok ito n gating puso at nais silang masungkit. Hindi ako naniniwala na bulag ang pag-ibig dahil para sa iyo, ang pag-ibig ay napakalinaw sa iyong paningin. Hindi man nila Makita ang mga nakita mo sa isang babae o lalaki pero sa iyo siya na ang pinaka superstar ng buhay mo.

Walang kahit anong dahilan kung bakit ka magloloko. Oo maraming daan kayong tatahakin at pagsubok pero kung kayong dalawa ay magtutulungan ay hindi malabong malalagpasan ninyo iyan. Mahirap sa simula pero kapag nagsama kayo bilang isa, lahat ng bagay ay possible.

Bakit ko nasasabi ito? Sa loob ng 26 na taon namin na mag-asawa ay masasabi kong kung uulitin man ang buhay ko ay siya pa rin ang pipiliin ko.

Maligayang 26 anniversary, aking Pangga!


Pang 30th anniversary na ngayong 2017!

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.