Kung ano ang taas ng lipad… Siya namang lagapak kung bumagsak

(Photo Credit to : flickr.com)
(Photo Credit to : flickr.com)
(Photo Credit to : flickr.com)

“ANAK, MAGANDA KA , GAMITIN MO ANG UTAK MO….’WAG KANG MAG-AASAWA NG BASTA-BASTA LAMANG NA KUKULO-KULO LANG ANG TIYAN HA!”

“OPO, ITAY, SUSUNDIN KO ANG IPINAPAYO NINYO…YAYAMAN TAYO, HAHANGUIN KO KAYO NI INAY SA KAHIRAPAN”.

Ito ang tuwi-tuwina ay sinasabi at inihahabilin ni Mang Kikoy habang inihahatid niya ang kanyang nag-iisang anak na si Elizabeth habang pasakay na sa isang Bus patungong Maynila.

BATA PA LANG NOON si Elizabeth ay nagtataglay na ito ng angking kagandahan at kinakikitaan na siya na mataas ang pangarap na yumaman at lalong higit ay gusto niyang makapag-asawa pa siya ng isang mayaman at ng tingalain siya sa kanilang lugar.

Dahil sa kanyang angking kagandahan at alindog ay marami tuloy ang mga nagbabalak na mamintuho sa kanya, pero hindi nagtatagal dahil sa higpit ng kanyang mga magulang at maging siya kapag nakikita niyang tila kukulo-kulo lamang ang tiyan ay hindi na niya ganap na pinakikiharapan.

KUNG ANG MGA MANLILIGAW AY WALANG TRABAHO sa may gate pa lang ay hindi na patutuluyin ng kanyang mga magulang. Isa pa’y teenager pa lang siya noon kaya mahigpit ang pagbabantay ng kanyang ama sa kanya.

At matuling lumipas ang panahon at hindi nga nagtagal ay naging ganap ng dalaga si Elizabeth at taglay pa rin niya ang kanyang kagandahan.

At dahil nga sa mataas na pangarap na inaasam ay nagsikap siya noon na makatapos ng pag-aaral magmula sa elementary hanggang sa magtapos ng high school ay pinilit niyang maging valedictorian at nakatapos sa college at naging 2nd place pa ito sa pagkuha ng board exam sa kursong tinapos niya .

At ngayon ay magsisimula na siyang magtrabaho sa isang sikat na malaking kompanya sa Maynila

Subsob sa trabaho at kahit baguhan pa lang ay kinakikitaan na siya ng potential na ma-promote sa pinaka-mataas na position.

Dahil pa rin sa ganda nitong taglay at pinag-aralan ay pinagkakaguluhan siya ng mga lalakeng ka-empleyado niya doon.

MINSAN…. isang ka-empleyado niyang binata ang pumansin sa kanya.

“ABA , NGUMITI KA NAMAN DYAN PAMINSAN-MINSAN OH”….pahapyaw at pasaring na pagbati nito

Tumango-tango lamang si Elizabeth at ni bahagyang ngiti ay di niya tinapunan ito at di nito gaanong pinansin ang pagbati nitong si Agoncillo.

“BREAK TIME NA….DI MO BA NADINIG ANG BELL….tara sabay na tayong magmiryenda”…ang ulit at pag-anyaya pa nito.

“AH EH sige busog pa ako….mauna ka na at me tatapusin pa ako”

Hindi napansin ni Agoncillo na parang matabang at napilitan lang na sagutin siya Elizabeth

Maya-maya ay may isang bumati at nag-anyaya ke Elizabeth na isa pa lang executive doon at dali-dali itong sumama.

Ni konting sulyap ay di man lang tinapunan nito si Agoncillo

At dahil dito ay napakamot na lang ng ulo si Agoncillo habang tinatapunan ng tanaw si Elizabeth at tila inakbayan pa ng kanilang executive si Elizabeth na hindi man lang tumututol.

“HUU KOMO BA AKO’Y GANITO LANG”….at di na itinuloy ang sasabihin at napailing na lang.

Si Agoncillo ay halos maglilimang taon na dito sa kompanyang ito at dahil siya’y undergraduate ay hindi siya mataas-taas ng puwesto at pangkaraniwang empleyado lamang siya.

HOLIDAY NOON ay naisipan ni Agoncillo na pasyalan niya si Elizabeth sa kanilang bahay sa probinsiya at dala nito ang kanyang sasakyang second hand na model pa nong mga 1980’s.

PAGKAKITA sa kanya ng ama ni Elizabeth na si mang kikoy ay binikasan ito lalo pa’t nakita nito ang mahinang klase at lumang sasakyan nito ay iiling-iling at saka binulungan ang anak.

“Anak manliligaw mo ba iyan?”

“ABA hindi po…..kasamahan ko po siya sa trabaho , pero palagay ko kaya ako pinasyalan dito ay nagbabalak na ligawan ako”

“ABA ANAK di ba ang sabi ko sayo wag kang tatanggap ng manliligaw mo na kukulo-kulo lamang ang tiyan”.

“AH OPO natatandaan ko po ang habilin ninyo”

At nang magkasarilinan na sila at kahit hindi man sabihin ng tatay niya ito ay talagang tatapatin na niyang kung siya’y liligawan nito ay ngayon pa lang ay binibigo na niya ito.

“DI BA KAYA KA NAGPUNTA DITO ay liligawan mo ako?….ngayon pa lang sinasabi ko sayong hindi kita maiibig”

“HA!..BA..BAKIT..bi-bigyan mo man lang sana ako ng kahit kaunting panahon para mapatunayan kong mahal kita”.

“O EH BAKIT mahahango mo ba ako sa kahirapan?”…ang diretsahan na nitong sinabi ke Agoncillo

Masakit man sa kalooban ang sinabi at prangkahang sinabi sa kanya ni Elizabeth ay hindi man lang ito kinakitaan ng pagdaramdam at umuwi na lang siyang lulugo-lugo

PERO KAAALIS PA LANG NI AGONCILLO ay may isang magara at luxurious na sasakyan ang huminto sa tapat ng gate nila.

“TAO PO….naririyan po ba si”….at di na naituloy ang sasabihin at agad na sinagot siya ni mang kikoy

“AH EH SINO PO BA SILA” ang tanong ni mang kikoy….pero may ngiti dahil nakikita niyang tila mayaman ito.

Ilang saglit lang dumalaw ang bisitang lalake at makatapos makapagsalita ng ilang pangungusap at nagbigay ng isang mahalagang regalo ke Elizabeth ay umalis na.

“IYAN …IYAN ANAK ANG DAPAT MONG PAKIKIHARAPAN hehehe ….eh anak sino ba talaga iyon eh hindi man lang ipinakilala ang sarili niya ah”.

Hindi alam ni mang kikoy na mayroong ibang mayayaman na kapag nakakahigit sa katangian at katayuan sa buhay ay ganon na lang ang pag-uugali na masyadong minamaliit niya ang kapwa.

At sinagot siya ng kanyang anak

“EH isa pong executive sa aming kompanya at pamangkin po siya ng may-ari ng aming kompanya at balitang mas mayaman pa sa tiyuhin niyang may-ari at tinutulungan lang niyang mapaunlad ang kompanya at sabi po niya ay maghintay-hintay lamang daw ako at ipo-promote niya ako sa pinaka-mataas na position”.

“HA! ANAK SUWERTE MO , MAYAMAN PALA TALAGA…..eh anak nanliligaw ba sayo yon?…..eh kung manliligaw sayo yon ay sagutin mo na at alam mo naman na matatanda na kami ng inay mo at gusto ko namang bago kami mamatay ay makatikim naman ng ginhawa sa buhay” hehehe.

“OPO ITAY MAGHINTAY-HINTAY LANG PO KAYO….eh hindi pa naman ho nagtatapat sa akin ng pag-ibig iyon”.

Hindi pa man ay ipinamamalita na at ipinagyayabang na ni Mang Kikoy na makakapag-asawa ng mayaman ang kanyang anak at makakaahon na raw sila sa hirap

“ABA KASUWERTE MO PARENG KIKOY SA ANAK MO at makakapag-asawa pala ng isang milyonaryo at siyempre parang isip mo milyonaryo ka na rin pare , dahil maambunan ka rin ng anak mo eh di siyempre pa rin araw –araw ka na ring magsasabong niyan” hehehe.

Sumagot naman ang isang kumpare.

“ABA OO NGA KUMPARE eh hindi ka nga nagkamali sa ginawa mong paghihigpit sa anak mo na maligawan lang siya ng mga kukulo-kulo lang ang tiyan sa gawi natin” hahaha.

At bumanat na rin ang pangatlong kumpare

“ABA EH MAGKA-ANAK KA BA NAMAN NG SAKSAKAN NG GANDA eh malaking puhunan na iyon” hahaha

“OO NGA MGA PARE…..O SIGE MGA PARE KO inom lang ng inom at sagot kong lahat iyan at kapag ikakasal na ang anak ko ay kumbidado ang lahat nating kapit-bahay at babaha ang beer at mga stateside na alak dito sa atin” hahaha.

“MABUHAY ANG KUMPARE NATING SUWERTE SA ANAK…..MABUHAY” HAHAHAHAHAHAHA

SAMANTALA kahit na diretsahan ng binigo si Agoncillo ni Elizabeth ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa.

“ANO KA BA NAMAN di ba sinabi ko naman sayo noon na mataas ang pangarap kong makapag-asawa ng mayaman…..eh tingnan mo nga ang sarili mo at katayuan sa buhay , anong klaseng buhay na maibibigay mo sa ating magiging mga anak kung tayo ang magkakatuluyan?”.

“AH EH EH KA-KASI talagang minamahal kita, eh pwede namang mabuhay sa sinusuweldo ko”

“H A ! eh pangkolorete ko lang at pamasahe ay kakapusin pa yan hmp”.

At dahil dito ay labis na nasaktan sa pang-iinsulto sa kanya ni Elizabeth ay napilitan si AGONCILLO na mag-resign upang miwasan na niya si Elizabeth.

SAMANTALA lumipas pa ang mga araw

NAGING USAP-USAPAN NA SA OPISINA ang lagi ng inilalabas ng pamangkin ng may-ari ng kompanya si Elizabeth kahit hindi na ito magtrabaho pero sumusuweldo ito.

LUMIPAS PA ANG ILANG BUWAN at isang araw ay maagang umuwi mula sa opisina si Elizabeth na parang hindi mapakali .

Namangha ang kanyang ama dahil ngayon lamang ito naaga ng uwi at parang sa palagay niya ay iritang-irita at matamlay.

“A-ANAK ba-bakit ka ba napaaga ng uwi at parang tila matamlay ka…A-ANAK ME SAKIT KA BA?”

“WA-WALA PO…..EH I-ITAY MAGPAPAKASAL NA PO KAMI ng pamangkin ng may-ari ng aming kompanya, ka-kahit sa huwes lang”…ang walang paligoy-ligoy at diretsahan na nitong nagsabi

“H A ! A-ANAK BA-BAKIT NAMAN NAGING BIGLAAN…..at….at ba..bakit sa huwes lang at hindi sa simbahan?….eh sa- sana man lang ay makita ka ng mga tagarito na nakasuot ng magarang pangkasal sa isang sikat na simbahan at ang kukunin sana nating magiging mga ninong mo ay si Governador at si Congressman”…ang tila parang gumuho ang pangarap ni mang kikoy na makita ang anak sa marangyang kasalan.

“HA EH HINDI NA PO PUPUWEDE I-ITAY at aalis na siya patungong abroad …… at…at BU-BUNTIS PO AKO I-ITAY”.

“ H A ! DI-DIYOS KO! ”….ang halos mawalan ng ulirat si mang kikoy sa kanyang narinig na buntis na ang kanyang anak at ang lahat ng kanyang inaasahang makikita ang kanyang anak sa isang marangyaang kasalan ay hindi mangyayari ngayon at sa huwes lamang magaganap ito.

Ganonpaman ay nagpakahinahon siya

“EH SIGE ANAK….tutal iyon naman ang napagdesisyunan na ninyo at buntis ka na rin lang at hindi ka naman argabiyado dahil milyonaryo ang mapapangasawa mo ….eh okey na rin sa akin” hehehe…ang pilit nitong pagngiti .

At nang naroroon na sila sa Munisipyo kasama ang ilang malapit na kamag-anak at magsasara na ang opisina ng huwes na magkakasal ay hindi pa dumarating ang sinasabing mayamang pamangkin ng me ari ng kompanya at nakaalis na raw ito patungong abroad na kasama ang asawa at mga anak ,ayon sa pagtawag nito.

“H A ! DI-DIYOS KO” na parang gumuho ang daigdig ni mang kikoy lalong-lalo na si Elizabeth

At biglang hinimatay si Elizabeth

LUMIPAS ANG ISANG TAON pinag-uusapan na sila ng mga kapit-bahay

“ABA ANG CUTE NG SANGGOL ANO….MANA KE ELIZABETH… OH TINGNAN MO……o eh bakit kaya hindi na nagtratrabaho si Elizabeth ….eh di ba malaki na raw ang suweldo niyon at na-promote na raw sa mataas na posisyon?”.

At saka humabol pa…

“EH BAKIT MARE hindi ko yata nakikita ang asawa niyan ah..at saka ang balita ko ay isang milyonaryo”

“SSSH MARE WAG KANG MAINGAY….hindi na pumapasok iyan sa kanilang kompanya dahil sa kahihiyan…nabuntis lang ”.

“ HA ! HESUS MARIA”

ILANG BUWAN PA ANG NAGDAAN….heto na ngayon si ELIZABETH na halos nanggigitata at hindi na nagpapaligo at parang wala sa sariling nagpapadede ng kanyang anak at laging nagsasalita na balang araw daw ay yayaman daw sila at paulit-ulit na sinasabing….. HAMO ITAY HAHANGUIN KO KAYO SA HIRAP……YAYAMAN NA TAYO..MAGKAKAASAWA AKO NG ISANG MILYONARYO at bigla na lang ngingiti ng wala namang kinakausap .

HETO NA RIN SI MANG KIKOY sa idad na 77 ay napipilitang pang maghanap-buhay.. ..na dahil sa kahihiyan ay hindi na nakikisalamuha sa kanyang mga kumpare at dala-dala niya ang kanyang kariton at naghahanap sa mga bahay-bahay ng mga kalakal ng basura upang may maipakain lamang sa kanyang apo.

HETO NA RIN SI AGONCILLO sa ilang taong nagdaan na dahil sa kanyang pagkabigo at paghamak sa kanyang pagkatao ay natuto siyang magsikap na makapag-abroad at ngayon ay isa na siyang ganap na milyonaryo.

Sakay siya ngayon ng kanyang magara at mamahaling sasakyan at pupuntahan niya ngayon si Elizabeth upang kumustahin at alalayang muli ng pagmamahal dahil mayroon na siyang ipagmamalaki.

“KUMUSTA NA KAYA SI ELIZABETH, ANG MAHAL KO?”…ang nasambit niya

….Wakas…

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.