Kung Alam Mo Lang

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi maiaalis sa ating matatanaw ang nagsisiksikang mga barong-barong sa daan. Kahit saan kang sulok ng isang lungsod magpunta, isa ito sa mga tanawing kumokompleto sa isang siyudad.

Sa isang parte ng lansangan, makikita ang mga mumunting paslit na naglalaro, walang damit, kung hindi naman ay gusot-gusot, walang makain, o ‘di naman kaya’y kumakain ng pagkain galing sa basurahan. Mga magulang na namumulot ng basura para lang may ipakain sa kanilang mga paslit. Sa isang sulok ng kanto makikita ang mga batrang sumisinghot ng rugby habang sa ‘di kalayuan ay makikita ang mga tambay ng bayan na umiinom ng alak sa ilalim ng tirik na araw. Kung nakatira sa lugar na ito, maaaaring isa ka na rin sa kanila, o di naman kaya ay sa tingin mo wala ka nang pag-asa, ganito ang kahahantungan ng buhay mo.

Sa isang hamak na estudyante na katulad ko na pumapasok sa paaralan, hindi na ako ignorante sa mga bagay na ito. Kahit na nakatingin lang, dama ko ang kahirapan ng mga taong ito. Ang nakabubulag na tanawin na makikita mo sa araw-araw animo’y parang mga nag-uumpugang langaw sa isang panis na pagkain.

Kung iisipin natin ang lahat ng ito, ay tayo rin ang may kasalanan. Kung ang mga magulang natin noon ay nakikinig lang ng mabuti sa kanilang mga magulan e di sana nakapag-aral sila ng mabuti, nakahanap ng trabaho, nakapagpatayo ng bahay na sarili nila, nakapag-asawa ng maayos, at napag-aral ang kanilang anak sa paaralan kahit na hindi mamahalin basta’t mabigyan ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak.

Sa lahat ng bagay na ito, sino ba ang dapat na sisihin? Si Kahirapan ba? Sino ang may gawa sa kanya?

Kung iisipin nating mabuti, walang sinuman sa atin ang gustong maghirap. Ayaw natin ng mahirap. Mahirap na trabaho, ang magpagod. Aminin na natin ganyan tayong mga Pilipino. Bakit tayo nagagalit ‘pag may bumabatikos sa atin? Na kung makikinig lang tayong mabuti, at iisipin natin kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng bawat katagang binibitawan ng ibang bansa tungkol sa atin, mapagtatanto nating tama sila.

Sa lumulubong populasyon ng ating bansa, walang ibang sisisihin kundi tayo rin. Walang kasalanan si Kahirapan. Bakit natin siya sisisihin?! Wala siyang kasalanan! Tayo ang may gawa sa kanya! Dahil tayo ay mga batugan. Ayaw nating maging-api. Ayaw nating aminin na ganito talaga tayo. Nang sabihan ng isang banyaga na maraming Pilipina ang sumusunod sa yapak ni Magdalena ay agad tayong nagalit. Bakit tayo magagalit kung ang tingin ng ibang bansa sa atin ay ganun nga. Bakit natin ikahihiya kung totoo naman ang lahat ng ito? Kung walang mga batugang tao sa atin ay hindi na kailangan pang pumasok ng iba sa atin sa ganitong klase ng “trabaho”, kung ganito ang tawag ninyo rito.

Ang pagkaka-iba ng Pilipinas sa Amerika, isang malaking kasalanan ang corruption pero sa atin, isa itong hanapbuhay. Ang mga taong nakaupo sa magagarang silya ng Gobyerno na siyang nagnanakaw sa kaban ng bayan. Mga taong walang konsensiya. Sabihin man ng ating mahal na Presidente na hindi siya mangungurakot, paano naman ang mga taong nasasakupan niya?

Sa usapin tungkol sa ekonomiya ng bansa, totoong lubog ang Pilipinas sa utang sa World Bank. Idagdag pa dito ang mga makasalanang kamay ng mga pulitiko na pinagnanakawan ang sarili nilang bayan na hindi na nakonsensiya kung may makakain pa ba ang isang pamilya na marami ang mga anak na namumulot na lang ng basura ang mga magulang upang may ipakain lamang sa mga supling nila. Idagdag pa riyan ang walang awang pag-gasta ng ating kuwarta sa mga walang kabuluhang mga bagay na sinasabi nila ay makatutulong para mapaunlad ang bawat isa sa atin. Isa na namang PUBLICATION ng mga pulitiko sa kanilang mga pagmumukha na hindi na sa atin nahiya. Hindi naman po sa bumabatikos ako pero sa totoo lang po, ganito po talaga tayo.

Sa lahat ng mga bagay na nabanggit na sa tingin ko ay kulang pa para maipakita ang gustong ipahiwatig ng aking pamagat ay siguro aabutin tayo ng magdamag. Pero pag-isipan po nating mabuti, wala po talagang kasalanan ang kahirapan. Dahil wala siyang isip, wala siyang katawan, wala siyang kakayahan na hugutin tayo papunta sa putikan . Kundi tayo. Tayong mga tao ang gumawa sa kanya, tayo ang may isip, tayo ang nagturo sa kanya na hugutin tayo papunta putikan dahil wala tayong disiplina sa ating sarili, dahil hindi natin kayang panindigan ang mga bagay na ginagawa at ginawa natin kung kaya tayo ngayon ay naghihirap. Wala tayong karapatan na isisi sa kahirapan ang mga bagay na nangyayari sa ating bansa ngayon kundi tayo rin.

by Mits