Kuliglig driver na isa ring nanay, nakuhanang namamasada kasama ang 9-buwang anak

Imahe mula kay CheBlessed Lenteria Rafael | Facebook


Hindi madali sa isang Ina na iwan ang kaniyang mga anak sa bahay tuwing aalis para pumasok sa trabaho o maghanapbuhay.

Kinabiliban naman ng isang netizen ang kuwento ng babaeng driver na namamasada ng Kuliglig sa Maynila noong June 8.

Ayon sa post ni CheBlessed Lenteria Rafael sa Facebook, papunta siyang Divisoria noong araw na iyon para bumili ng gamit sa bahay kaya naman naghanap sila ng maaaring sakyan mula Sta. Cruz.

Tiyempo naman at naroon ang babaeng driver na isinakay sila papunta sa kanilang destinasyon. Hindi nga lang inakala ng netizen na sinasama ng driver ang kaniyang anak sa pamamasada sa edad nitong 9 na buwang gulang lamang.

I-click ang imahe para makita ang buong post

“Iyong baby po 9 months pa lang siya,” sabi ni CheBlessed sa post.

“Nakakaawa kasi lahat ng usok, init, salo lahat ng baby. Samantalang tayo ingat na ingat [huwag] mausukan at [huwag] makalanghap ng alikabok,” dagdag nito.

Sa kanilang saglit na pag-uusap, nalaman ng netizen na biyuda na pala ang driver at may dalawang anak.

Isinalaysay niya rin sa kaniyang post ang narinig na kuwento ng pagpupursige ng babaeng driver para itaguyod ang kaniyang pamilya at tustusan ang pag-aaral ng isa pa nitong anak.

Sinabi rin ng driver kay CheBlessed na alas-singko pa lang ay nagsisimula na silang bumiyahe para may maipambili sila ng almusal ng agahan. Binubuhat niya umano mula pa sa higaan ang bunsong anak sa napakaagang oras para isama sa pamamasada.

Imahe mula kay CheBlessed Lenteria Rafael | Facebook

“Kaya talagang mapapaisip ka. Kapag ginusto mo talaga, walang tamad na tao sa mundo,” sabi pa ni CheBlessed.

“Kaya doon sa mga umaasa lagi, tingnan na lang natin si Ateng driver? kahit mahirap, kakayanin. [Tapos] tayo, konting init lang nagrereklamo na.”

Panawagan ng netizen, walang dahilan para hindi magsikap lalo na sa mga taong nais mabigyan ng maayos na pamumuhay ang kanilang pamilya.

Ayon pa sa kaniya, kapulutan sana ng aral ang simpleng istorya ng kuliglig driver na tumatayong Ina at Ama para itaguyod nang marangal ang kaniyang mga anak.

Source :

Facebook