Komunikasyon ng mga OFW (Noon at Ngayon)

Communication (Photo Credit: www.languagecommunication.co.uk)
Communication (Photo Credit: www.languagecommunication.co.uk)
Communication (Photo Credit: www.languagecommunication.co.uk)

Bata pa lang ako, OFW na ang Dad ko. Sa edad kong iyon, hindi ko pa nauunawaan ang dahilan ng paglayo niya, basta may pasalubong ako mula sa kanya, masaya na ako.

Simple lang para sa akin, aalis siya, babalik, aalis, babalik. Paulit-ulit lang ang nangyayari. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi naiwaglit ng mom ko sa kanyang mga kuwento na ama ko siyang nasa ibang bansa; nagtatrabaho, nagsisikap at nagtitiis para sa kinabukasan ng aming pamilya.

Hindi naging madali para sa mom ko ang pangingibang bansa ng dad ko, dahil ang magkaroon ng asawang OFW ay napakalungkot. Lalo na noong mga panahong hindi pa uso ang makabagong teknolohiya. Sa sulat pa idinadaan ng mga mag-asawa o pamilya ang kanilang nararamdaman, na kung minsan ay umaabot pa ng isang buwan bago ito matanggap ng isa’t isa. Mulat ako sa ganitong pamamaraan ng pagpapakita ng pag-ibig, bata pa lang kasi ako ay ganito na ang ginagawa ng aking mga magulang.

Kapag ngayong buwan ay  nagpadala ng sulat ang mom ko, sa susunod na buwan pa iyon matatanggap ng dad ko.  Napakatagal man, punong-puno naman ang liham na iyon ng damdamin at pag-ibig. Walang palya kung magsulatan ang mga magulang ko, buwan-buwan akong isinasama ni Mommy sa post office upang maghatid at kumuha ng sulat. Iyon lang kasi ang magiging lakas ng mga OFW upang magpatuloy sa pakikipagsapalaran; ang huwag makalimot ang mga naiwan niya sa Pilipinas.

Kalakip ng mga liham na iyon ang litrato ko, para ipakita sa dad ko na unti-unti na akong lumalaki; na para kahit malayo siya ay nasusubaybayan pa rin niya  ako sa pamamagitan ng mga litrato. Gayun din si Daddy, nagpapadala rin siya ng mga litrato niya; mayroong nasa disyerto, sa tabi ng magarang kotse, sa loob ng kuwarto o kaya ay sa tabing dagat. Ang mom ko ay masayang-masaya  kapag nakikita ang hitsura ni Daddy sa mga larawan na tumataba, pumuputi at gumaguwapo.  Ang ibig sabihin kasi niyon, maganda ang lagay niya sa ibang bansa. Ako naman, masaya na akong makakita ng disyerto at camel sa litrato.

Uso na noon ang telepono, kaso hindi naaabot ng linya nito ang aming lugar. Bukod sa sulat, tumatawag din si Daddy nang buwanan, kapag bagong suweldo. Umuuwi kami ng mom ko sa kabayanan upang makigamit ng telepono sa aming pinsan.

Lumipas na ang maraming taon, OFW pa rin ang dad ko, OFW na rin ang dalawa ko pang kuya at isang ate. Magkakalayo man kami, hindi na ganoon kainip gaya nang dati. Dahil ngayon, marami na’ng naimbentong makina ng pakikipag-ugnayan: Cellphone, computer, laptop, tablet at marami pang iba. May mga kamangha-manghang aplikasiyon na ring mapagpipilian gaya ng: Facebook, twitter, messenger, skype, viber, wechat, teks at tawag. Isang pindot lang, ngingiti na agad ang nangungulilang OFW. Maaari na nating gawin ang maikli at mabilis na pag-uusap. Kung hindi magkatugma ang oras, puwede tayong mag-iwan ng mensahe sa kanila. Higit na napakabilis ngayon kaysa noon, Segundo lang, kausap mo na ang pamilyang nasa malayo.

Gaya pa rin ng dati ang mga Pilipino, paborito pa rin ang mag-picture. At hindi gaya noon na isasama mo ito sa iyong mga liham para maipadala sa iyong minamahal. Ngayon, isang upload lang, makikita na agad ito ng iyong pamilyang nasa ibang bansa. Hindi isa, kundi hanggang sa magsawa sila sa pagtitingin ng iyong mga litrato.

Bukod sa mga aplikasiyong ito, tiyak kong nababawasan din ang pagkabagot ng mga OFW dahil sa games; ito na marahil ang nagiging mapatid inip nila sa sandaling inaatake ng homesick. Ano man ang edad mo, maaari kang maglaro, dahil sa panahon ngayon, wala ng bata, wala ng matanda.

Kaya nga nagpapasalamat ako dahil naging posible ang mga bagay na akala ko ay imposible. Napakalaking tulong nito sa bawat pamilya, para lalong mapagtibay kahit magkakalayo pa.

Bukod pa roon, hindi lang sa pamilya nagkakaroon ng mabilis na ugnayan ang mga OFW, dahil maski sa kanilang kapwa OFW ay nagagawa nila ito. Malaking tulong na may  koneksiyon ang mga OFW sa ibang OFW, upang malaman kung saan at alin ang kompanya ang maaari nilang lipatan sakaling may hindi kaaya-ayang karanasan sa dating pinagtatrabahuhan. Kapag araw ng pahinga, maaari nilang kontakin ang isa’t isa upang magkita-kita ang kapwa mga Pilipinong OFW sa iisang lugar. Doon, maaari silang magkumustahan o gawin ang ilang bagay na makapagpapalimot sa kanilang inip na nararamdaman.

Sana lang, huwag itong gamitin sa maling pamamaraan. At lalong huwag gamitin para masira ang dating maayos na pamilya. Maraming tuksong kaakibat ang bagong teknolohiyang ito, dapat handa tayong huminto sa pintong magkukulong sa atin sa hindi kaaya-ayang silid, alamin natin ang hangganan. Dahil kahit gaano pa kasaya o kasarap ang isang tukso, iba pa rin ang siyang masasaktan. Maaaring ang iyong asawa, ang iyong mga anak, o ang walang kamalay-malay mong bunso.

Binigyan ng Diyos ng kakayahan ang mga tao upang makabuo ng ganitong uri ng makina, para masolusyonan ang pagkainip at pangungulila, piliin natin ang tama at makabuluhan; iyong magpapalawig ng pagmamahalan. Ginawa ito upang mabawasan ang pangamba, takot at pag-iisip ng pamilya o ng kahit kaibigan ng taong nangingibang bansa, ginawa rin upang dagdagan ang pag-ibig na namamagitan sa mga tao, para mapabilis ang prosesong kinaiinipan, upang mapabuti, hindi para mapasama.

Noon pa ma’y humahanga na ako sa tatag at tapang ng mga OFW, ilang kamag-anak ko rin kasi ang bahagi sa mga bayaning ito. Kaya malaki ang respeto ko sa kanila, malaki ang pagpapahalaga. At bukod doon, mas kinabibiliban ko ang pamilyang naiwan sa Pilipinas na patuloy na naghihintay sa pag-uwi ng kanilang mahal sa buhay. Kaya nga siguro naimbento ang mga bagay na ito, para mas lalong pagbuklurin ang isang pamilya.

Ang mga bagay na ito ay malaki ang naitutulong sa panahon ngayon, at gaya nga ng sinabi ko, gamitin ito sa tamang komunikasiyon. Hindi biro ang kinakaharap ng mga anak na may magulang sa ibang bansa, hindi sila natututukan nang maigi. Pero ito na ang sagot, sa pamamagitan nito, maaari nang suwayin ng magulang ang kanilang mga anak kung sakaling naliligaw na ito ng landas. Face-to-face lang sa computer, o kaya sa cellphone. Dahil kahit nasa malayo man ang isang ina o ama, obligasiyon pa rin ng magulang na subaybayan, gabayan at pangaralan ang kanilang mga anak.

Ngayon, napapansin ko na rin sa mom ko na kahit naiinip siya, nabawasan naman iyon dahil sa makabagong teknolohiya. Masaya ako dahil anumang bagay na bago ang naglabasan sa mundo, buo pa rin kami at nagkakaisa, kahit magkakalayo pa. Kaya magpasalamat tayo, dahil ang dating mabagal na proseso, ngayon ay naihahatid na lamang ng ilang segundo.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.