Kolorete

Image via Pexels

Hindi na bago ang katagang “Mas maganda ka kung walang makeup”

Ngunit palagay ko lang naman eh para sa isang barakong kagaya ko, mali ang pagkakasabi nito. Malamang karamihan sa mga babae sa mundo eh nakarinig na ng litanyang ito minsan sa kanilang buhay o baka mas tamang sabihin na madalas.

Ano nga ba ang makeup?

Sa naturang sabi, ito ay tumutukoy sa mga kosmetikong inilalagay sa mukha upang mapaganda ang itsura. Karamihan sa  mga kababaihan ay nahuhumaling sa pagbili at paggamit ng makeup. Tantiya ko lamang eh libo siguro ang handang gastusin ng isang babae para lamang sa makeup. Pero bakit nga naman hindi? Bagay ito na nagbibigay sa isang babae ng kompiyansa sa sarili upang harapin ang mundo at sabihing “maganda ako”.

Sa aking palagay eh sa ilan sa kanila ito ay nagsisilbing kaligayahan na rin.

Ngunit kung ang pag-uusapan natin ay ang pisikal na kaanyuan ng isang babae kung siya ay naka-makeup, ang tanong eh gumaganda nga ba sila?

Para sa akin eh OO NAMAN!

Bilang isang barako eh aminado akong mas gumaganda ang itsura ng isang babae kung nakamakeup siya.

Siyempre, ang tinutukoy ko dito ay yaong maayos na paglalagay ng makeup maging simple man o medyo komplikado basta maayos, Malamang nakakatakot kapag binalahura ang paglalagay nito, hindi ba? Hehe. Ngunit sa kabila ng pagsang-ayon ko rito ay masasabi ko ring hindi ko ito gusto, ‘yun bang tipong gusto ko pero hindi.

Nakakalito, pero para sa akin iyon kasi ang epektong dala ng makeup, ang pagkalito lalo sa isang lalaki. Kapag may nakita akong babaeng nakamakeup lalo kapag makapal eh ang tanong sa isip ko “maganda ba siya o nagpaganda?” Magkaiba kasi iyong maganda na pinaganda pa lalo ng makeup at ‘yung pangit kasi kaya nagmakeup. Kung kaya para sa akin nakakagoyo ang makeup, nagmimistula itong maskara.

Tama para sa akin na mas maganda ang isang babae kung naka-makeup. Ngunit ang sabihin ang katagang “Mas maganda ka kung walang makeup”, para sa akin ay mali. Palagay ko mas tamang sabihin sa isang babae ang litanyang “Mas maganda kung walang makeup” , para alam ko kung tunay kang maganda at hindi ka nakakagoyo, ‘di ba? Haha

Image via Pexels

Hindi na bale, isa lamang naman itong kuro-kuro ng isang lalaking abnoy at pangit na palaging basted.

Mag makeup din kaya ako saka manligaw? Hahaha. (tumawa pero napaisip)

About kablog

read write alright