Key Chain

Blue Dolphin (Credits:   Ebay)

%: Good morning.

#: Good morning, nagawa mo yung assignment?

%: Siyempre hindi, papasok na ba agad tayo?

#: Bakit? May gusto ka bang puntahan?

%:Bili tayong kape?

#: Saan?

%:Sa Starbucks, saan pa?

#: Ano’ng  bibilin mo?

%:Yung Hojica Tea Jelly Frappuccino.

#: Ah, ako din sige, yung venti?

%: Oo, magkano na nga yun?

#: 175 yata. Bibili tayo ng pancakes?

%:Huwag na siguro, pinabaunan ako ng sandwich ni manang. Kakulit nga. Eto oh.

#: Hahaha. Para kang kinder, teka, ano yung parang greenish something sa bread mo?

%:Ay, nasaan?

#: Ayan o, sa gilid ng plastic, ilabas mo kaya sa plastic para makita mo.

%:Naku, amag yan, humanda sa akin ‘yang maid na ‘yan, pinabaunan ako ng may amag.

#: Hahaha, kawawa ka naman, pati amag kinakain mo na?

%:Pakikuha nga sa bag ko yung supot na yellow, may isa pang sandwich dun, sa ’yo daw dapat yun, pakitapon na lang, pati ito. Pipila na ko sa Starbucks.

#: Ok sige, tapon ko lang to, tsaka yung yellow na plastic.

########

 @: Bumangon ka na diyan, aalis na ko.

*: Saan ka pupunta kuya?

@: Bangon na, sa palengke, baka sakaling makapagbuhat ako ng mga magdeliver ng gulay.

*: Gabi pa oh, ang dilim pa.

@: Bangon ka na, nag-iwan ako ng sampung piso diyan sa mesa, bumili ka ng kape o isang Lucky Me doon sa tindahan.

*: Aba, sino’ng may birthday Kuya? May Lucky Me tayo ah.

@: Hahaha. May napulot kasi akong sandwich kanina, dalawa pa, walang kagat, itinapon lang basta, siguro akala nung may-ari eh wala nang laman yung dilaw na plastic. Kaya sa halip na pambili ng pandesal eh puwede mong ipamibili ng pandagdag sa almusal yang sampung piso.

*: Wow, ano’ng palaman kuya?

@: Marami, may mga karne pa tsaka mga dahon-dahon, may keso pa yata. Gisingin mo na sila maya-maya, kumain na kayo, aalis na ko.

*: Eh ikaw, hindi ka na kakain, kuya?

@: Hindi na, busog ako.

*: Eh hindi ka nga kumain kagabi, kami lang pinakain mo nung uwi mo na lugaw.

@: Hahaha, Talaga itong bata na ‘to, duda ka ba na nagsisinungaling si Kuya?

*: Lagi ka kasing ganyan, sabi mo busog ka, naririnig ko naman sa gabi, parang umiiyak ka sa sakit ng tiyan.

@: Hindi totoo yan ha…

*: Alam ko yung narinig ko kuya…

@: …..

*: …..

@: …Ah, siguro umiiyak nga ako, pero naalala ko lang sila nanay.

*: Kunyari ka pa, kuya.

@: Nabili mo ba yung gamot na pinabibili ni Aling Ipay para kay bunso.

*: Yung  nakasulat sa papel? Eh sabi sa akin dun sa bilihan ng gamot, 175 daw yun lahat.

@: Kulang pa yung binigay ko?

*: Eh 75 lang yung natira sa binigay mo, kuya.

@: Hindi puwedeng konti lang muna bilhin?

*: Nakabote daw eh, dapat daw lahat yun bilin.

@: Nagsusuka pa rin ba siya?

*: Oo, kuya, mas madalas nga ngayon.

@: May lagnat pa?

*: Mayroon pa rin.

@: Sige, mamaya, pagbalik ko, baka makabili na tayo ng gamot ni bunso.

*: Sige, ingat ka, kuya.

@: Oo nga pala, bigay mo ‘to kay bunso, nakita ko yan kasama nung tinapay, ang ganda kasi nung palawit, natutuwa siya sa isda na yan, hindi ba? Yan yung napanood niya sa TV nila Aling Ipay?

*: Ay, oo, kuya. Gusto niya yan, dolphin, kulay blue pa.

@: Sige, alis na ko.

########

 %: Boring ng klase noh?

#: Oo nga eh, paulit-ulit na lang ginagawa natin.

%: Gusto ko na ngang tumigil mag-aral, parang mas masarap na lang magtrabaho.

#: Ano ba’ng gusto mong kunin sa College?

%: Ewan ko, ayaw ko na nga mag-aral eh. Nakapapagod, basta gusto ko lang yumaman.

#: Ako din.

%: Tapos bibilin ko lahat ng bags na gusto ko, Hermes, Louis Vitton, chanel, o kaya eh bibilin ko yung pinakamahal na bag. Napanood ko yun sa Guiness, yung Mouawad’s 1001 Nights Diamond Purse, gawa 18 Karat nag into tapos may 4,517 diamonds. Grabe, 3.8 million dollars daw yun.

#: Wow, ang galing mo naman, ang dami mong alam.

%: Siyempre, matalino kaya ako.

#: Ay, nga pala, ano yung sagot sa number 13, yung nakaimbento ng Periodic Table?

%: Ay, naku, huwag mo nga ako tinatanong ng mga ganyan, kaya ka nga may libro eh. Hanapin mo sa libro, katamad nito.

#: Pasensya na, ilan ba nasagot mo kanina sa quiz?

%: Lima.

#: Ha? 30 items yun ah.

%: Bakit? Eh quiz lang naman yun, babawi na lang ako.

#: Nagreview ka ba kagabi?

%: Hindi. Busy ako eh.

#: Ano’ng ginawa mo?

%: Nakipagchat sa FB. Teka, samahan mo pala ko, bibili ako ng tsinelas.

#: Teka, kababili mo lang ng Havaianas nung isang araw, magkano na nga bili mo dun?

%: Alin yung kulay violet, 1,700 yun. Eh basta, ayaw ko yung kulay. Di pala bagay sa paa ko.

#: Eh bakit binili mo? Tsaka, bakit ang dami mo naman yatang pera?

%: Sabi ko, may babayaran tayong libro, hindi naman ako hinihingan ng resibo ni Mama.

#: Ah, ganun ba, ang suwerte mo girl.

%: Talaga.

########

%: Nakakapagod din ang ginagawa natin noh?

@:  Oo, pero kailangan nating gawin. Wala tayong kakainin kung hihinto tayo.

%: Napigtas na naman yung kabilang tsinelas mo, hindi mo pa yan palitan.

@: Walang pangpalit, tol.

%: Mura lang ah, diyan sa vendor sa may eskinita. 50 pesos yata.

@: Hindi ko puwedeng ibili ng tsinelas yung pera ko, lalo at may sakit si bunso.

%: Kumusta nga ba yung kapatid mo?

@: May lagnat pa rin, nagsusuka padin.

%: Nabili mo na yung gamot na sinabi ni Aling Ipay?

@: Hindi pa, tol, kulang pa pera ko eh.

%: Eto oh.

@: Oh ano yan?

%: Dagdag mo, kahit na 20 pesos yan baka makatulong naman.

@: Naku, tol, kailangan mo rin yan para sa anak mo.

%: Tanggapin mo na, tumanggap ng labada si Marites kahapon, kaya mayroon naman kaming naibili ng gatas.

@: Salamat, tol, babayaran kordin to. Huwag kang mag-alala.

%: Tingnan mo oh.

@: Alin?

%: Yung dalawang estudyante na naglalakad, sila yata nagtapon nung sandwich kahapon.

@: Ah, oo, sila nga.

%: Lagi lang yan naglalakwatsa. Namiss mo bang mag-aral?

@: Oo, namiss ko nang sobra. Lalo na nung buhay pa pareho magulang ko, maaga akong gumigising para pumasok.

%: Ako nga rin, kaso kahit gusto natin, may responsibilidad na tayo.

@: Huwag kang mag-alala, ‘tol, aasenso rin tayo.

%: Nangangarap ka na naman? Hahaha.

@: Hindi naman masama, gusto kong yumaman.

%: Lahat naman yata yan ang pangarap. Ano’ng gagawin mo kapag mayaman ka na?

@: Gusto kong bumili ng maayos na pagkain para sa mga kapatid ko, mapatingnan sa doctor si bunso. Gusto kong magpatuloy mag-aral, gusto kong magbukas ng malaking kumpanya. Tapos kukuhanin ko yung mga kagaya natin na hindi nabigyan ng pagkakataon mag-aral, pero gustong magtrabaho nang marangal para makaahon sa buhay.

%: Hahaha. Puwede ka nang mayor, tol ah.

@: Hahaha. Hindi ako puwede dun, hindi ako marunong magbilang eh, hindi ko mabibilang kung magkano na kurakot ko.

%: Sira, baka marinig ka ng tauhan nila, patay ka.

@: Hahaha. Umuwi na nga tayo. Makataya na lang sa lotto.

%: Paano ka tataya, hindi mo nga alam kahit na yung mga numero.

@: Patay nga tayo dun.

########

 #: Grabe ka, inubos mo na naman ang pera mo sa kabibili.

%: Eh ganun talaga, habang may gagastusin pa, gastos lang. Kaya ka nga binibigyan ng baon eh, para gumastos.

#: Paano, uuwi na tayo?

%: Sandali, bumili muna tayo ng kape.

#: Alin, yung 175 ulit?

%: Oo, yun na lang. Ay teka, may tumatawag sa akin, mauna ka na, ibili mo ko, bayaran ko na lang.

#: Sige.

%: Hello, hello Manang?

&: Hello, Ma’am.

%: Oh bakit ka tumawag ditto?

&: Kailangan n’yo po umuwi, Ma’am.

%: Bakit pati pag-uwi ko,pinapakialamanan mo.

&: Hindi po, Ma’am, kasi po yung Papa n’yo.

%: Oh, bakit ano nangyari kay Papa!

&: Ay. Huwag po kayong sumigaw, Ma’am, natataranta po ako.

%: Ano nga!!

&: Yun po kasing kinuha n’yo, ay nagustuhan n’yo po pala na key chain, yung isda po ba na kulay blue, susi po pala ng cabinet ng gamot ng Papa n’yo yun.

%: Ano! Oh, bakit? Ano’ng problema?

&: May nangyari po sa Papa nimo, may kailangan po inumin na gamot, dili po makuha ng nurse kasi nasa inyo po pala yung susi. Ipinalagay mo po sa bag mo, Ma’am.

%: Teka hahanapin ko…. Wala.. wala ditong susi, wala dito yung hinayupak na dolphin na yun.

&: Ma’am, nilagay ko po yun sa kulay dilaw na plastic, dun po sa lalagyan ng sandwich mo. Tapos nilagay ko sa bag mo.

%: Sa kulay dilaw na plastic. Sa dilaw na plastic.

&: Opo, Ma’am, doon po.

(Blagh)

%: Ano’ng nangyari, manang?!

&: Ma’am, si Papa mo po, bumagsak, dali Ma’am, umuwi ka na. Dilirdaw makabibili nun agad kasi wala nang reseta nung gamot.

%:  Sa dilaw na supot. Sandwich. Sandwich. Oh my God?!

########

 @: Aling Ipay, wala po yung kapatid ko?

>: Wala ba sa loob, nakita ko pa kanina pinapakain yata yung bunso n’yo. Nabili na ba yung gamot?

@: Hindi pa nga po eh, pero baka po mamaya mabili ko na.  Saan po kaya nagpunta, si bunso lang po nasa loob eh.

>: Naku, huwag naman sana, kanina kasi eh dumating diyan yung mga batang hamog, inaaya nga yung anak ko na magpunas daw ng kotse diyan sa highway, eh sinabi ko huwag sasama at delikado. Nung isang Linggo may namatay nga dun eh, itinulak ng mga batang hamog.

@: Ganun po ba? Naku, baka nga sumama si Nene ah, diyan lang po ba sa highway, Aling Ipay?

>: Oo, diyan sa labasan, mga tatlong kanto, dun sa daanan ng mga taxi.

@: Puwede po bang pakitingnan si bunso?

>: Sige, ako na’ng bahala. Mag-ingat ka.

 ########

@: Nene! Bakit nasa labas ka?!!

*: Kuya!!!

@: Hindi ba sabi ko bantayan mo si bunso?!!

*: Nagpunas ako ng mga kotse, para kumita!

@: Hindi ko maintindihan, diyan ka lang, ako tatawid!

*: Ha!

@: Diyan ka lang, huwag kang pupunta dito, tatawid ako.

*: Tatawid ako?!

@: Hintayin mo ako dyan! Marami pang sasakyan.

*: Tingnan mo, ang dami ko nang kinita..

@: Huwag kang tatawid!

*: May pambili na tayong gamot…

@: Nene! Nene!!!

*: Ni bunso.. (blagh…)

@: NENEEEE!!!

########

 Patakbong lumapit ang kuya ni Nene. Hindi alintana ang napigtas na tsinelas. Wari ay nauna nang sumuko ang tsinelas sa hirap ng buhay na dinaranas ng may suot dito. Nakayapak itong tumakbo papunta sa nakahandusay na katawan ng batang babae nahagip ng mabilis na sasakyan. Sasakyang hindi man lang huminto upang tingnan ang buhay na inagaw nito sa isang musmos. Tinawag ito ng kuya, sa kakarampot na lakas at hininga, inuunat ni Nene ang nakakuyom nitong palad.

 Nalaglag ang ilang pirasong barya, kasama ang susi na may palawit na kulay bughaw na dolphin. Nakangiti ang isda, na wari ay replika ng pagiging malaya nito.

Kuya… nalimutan kong… ibigay kay bunso… pasensya na.. bumili ka na ng gamot ha…

NENEEEE!!!

########

 %: Bilisan mo, manong! Bilisan mo! Manang, hanapin mo diyan sa bag yung susi na may pesteng dolphin na yan. Bilisan mo, manong!

$: Opo, Ma’am, mabilis na po ito.

%: Kapag may nangyari kay Papa, hindi kita mapapatawad.

$: Marami po kasing mga bata, Ma’am.

%: Wala akong pakialam, bilisan mo, kailangan siyang madala agad sa ospital.

$: Pasensya na po.

%: Bilisan mo!!!

 (blagh)

$: Diyos ko, nakasagasa po ako, Ma’am.

%: Huwag kang hihinto.

$: Pero, Ma’am..

%: Huwag ka sabing hihinto. Diretso ka lang, kailangang madala sa ospital si Papa.

$: Pero..

%: Balikan mo na lang mamaya yung batang nasagasaan mo. Bayaran na lang natin!! Bilisan mo!

########

Ang tao ay nabubuhay sa paikot-ikot na posibilidad. Sa patuloy na pag-ikot ng mundo, ay ang posibilidad na mangyari ang bawat eksena sa buhay ng tao. Iba-ibang daan, iba-ibang kaganapan. Iba-ibang buhay at karanasan. Pagbibigay-halaga sa kung ano ang mayroon ka; marahil, ito ang pinakamahirap ituro sa tao. Ang bagay na walang kuwenta sa ’yo, maaaring sobrang halaga sa iba. Minsan, ang itinatapon mo, maaaring katumbas ng buhay ng ibang tao.

©Copyright 2012, Mga Sulat Kamay™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited .

 

About Mga-sulat-kamay

Hindi ko sasabihin ako ang ideal na tao... nagkamali, nadapa, nasugatan, dumugo, umiyak.. tumahan, naghilom, nagpeklat at sinubukang muli... ganyan ako, hindi perpekto... pero at least totoo... mga sulatin na may konting amag, pero 100 % biodegradable at consumable... safe but with little side effects.. ^_^