Kaya ‘di makapag-asawa si Tutay

images2.3

Alas syete na naman ng umaga. Dumaan na si Tutay papuntang trabaho. May kipkip na lumang kulay ubeng bag, suot ang kupas na pantalon at t-shirt. Pag siya’y dumaraan, may mga mapapatingin. Saka mapapailing. Sa isip ng iba, “may itsura sana si Tutay pero nalipasan na ng panahon”.

Sa edad na bente otso, marami ang nagtataka bakit hindi pa nag-aasawa si Tutay. Yung mga kaedad niyang mga pinsan, mga kaklase, may mga tig-dalawa o isang anak na. Kahit ‘yung mga mas bata sa kanya, may mga kilik ng bata at natuto nang magbunganga pag walang maisaing. Sa lugar nila, kahit dose anyos, nagbubuntis na. Mga dalagitang nasa elementarya, may mga lima nang eks-boypren.

Si Tutay?

Ayun, dalaga pa rin. Ni walang manliligaw. At yung eks niya, nananatili pa ring isa.

Pag nagtitipon-tipon sila, tampulan siya ng tukso. “Huling-huli na raw sa biyahe.”

Bakit nga naman hindi, eh mabuti pa yung mga dalagitang kaka-unang regla pa lang nung isang buwan, buntis na ansumunod na buwan. At yung kakapanganak pa lang, buntis na naman.

Ngunit ngiti lamang ang sagot ni Tutay at ang gasgas na linyang “mahal kasi ang bigas.”

Gasgas man, iyon talaga ang itinanim niya sa utak niya. Mahal ang bigas, mag-ipon muna para may maipambili kahit umabot pa ng isandaan ang isang kilo ng  bigas. Sa madaling sabi, ang motto ni Tutay ay “kung ‘di pa kayang bigyan ng magandang buhay ang pamilya, huwag na munang mag-asawa”.

Kaya kayod-marino ang dalaga. Mula Lunes hanggang Biyernes nasa trabaho. Kahit Sabado at Linggo na araw sana ng pahinga, nasa trabaho pa rin siya. Nag-iipon. Kumakayod hindi lang para sa sarili at sa magiging pamilya kundi higit para sa magulang at mga kapatid. Laging iniisip ang mga pangangailangan sa bahay, tubig, kuryente, bigas, ulam, pamasahe ng mga kapatid at yung pakonti-konting itinatabi para sa emergency kung halimbawang may magkasakit.

Minsan, naaya ng mga kaibigan si Tutay sa isang bertdeyan. Napainom nang kaunti at dahil sa pagod sa trabaho ay madaling nalasing. Siya’y tinanong. “Bakit ayaw mo pang mag-asawa?”

At ito ang kanyang sagot.

“Alam n’yo ba, ayoko pang mag-asawa dahil wala pa akong maibibigay na magandang buhay sa pamilya ko. Ayokong maranasan ng mga anak ko ang hirap na dinanas ko dahil mahirap at hindi maayos ang pamumuhay namin. Alam n’yo ba, nung bata pa kami, may mga panahon na ang hapunan namin ay kape lamang na matabang at tig-iisang tinapay. Meron ding mga panahon na mula agahan hanggang hapunan,  paltak na mais (matigas na mais na ginataan) ang kinakain namin. May mga buwan na hindi kami nakakatikim ng kanin. Puro mais lamang. Alam n’yo ba, sa eskwela, minsan manghihingi kami ng papel o manghihiram ng bolpen kasi hindi pa naibibili ni Nanay dahil siyempre uunahin ang pagkain. At alam n’yo ba ang pinakamasakit? ‘Yung nakatingin ka lang sa kaklase mo na kumakain, kumakalam ang iyong tiyan ngunit nahihiya kang humingi dahil nung minsang humingi ka, ang sabi sa iyo eh “patay gutom ka!”. At habang ‘yung mga kaklase mo ay nag-aaral sa kolehiyo, ikaw ay nasa gasolinahan at nagkakarga ng gasolina araw-araw. Ayaw na ayaw kong maranasan ‘yun ng mga anak ko. Alam ko kung gaano kahirap ang mahirap.”  

Lahat ng sinabi ni Tutay ay “alam n’yo ba.” Dahil alam niyang hindi nila alam. Ngunit hindi na ngayon. Alam na nila kung bakit at para saan ang mga pagsisikap ni Tutay.

Ngayong umaga, natignan ni Tutay ang sarili sa salamin at may matinding lungkot na naramdaman. Wala na ang dating bakas ng kabataan, bagkus ay naglitawan na ang mga guhit sa hapis na mukha na nagsisilbing paalala ng mga pagod, puyat at sakripisyo para sa pamilya. Tinignan ang mga brasong sunog sa araw dahil sa araw-araw na paglalakad papuntang trabaho. Ang mga makalyong kamay. Hinaplos ang buhok na kahit minsan ay di man lang nakaranas kahit ng simpleng spa sa salon pati ang mga kukong hawig na sa, ‘ika nga eh, mga kuko ng kalabaw.

Napayuko at napatingin sa suot na tsinelas na naputol kahapon at nilagyan lang ng alambre ng Tatay niya kaya naisusuot pa. Napatingin sa bahay nilang ang tanging nabago lang ay ang mga yerong nagsisilbi nang dingding dahil nagiba ng Bagyong Glenda ang bahay nila nung nakaraang taon. At siya’y napabuntong hininga. At napaisip.

“Makapag-aasawa pa kaya ako?”

About anneenigma_13

Bicolana. Just trying to share my thoughts and insights as well as my sentiments.