Kay Tamis ng Tatlo

Image credit: Child Friendly Villas Direct

 

Ano nga ba ang tatlong salitang pinakamasarap pakinggan?
Marahil masasabi mong “I Love You” ang tamang kasagutan?
Mula sa minamahal mong irog na iyong pinag-aalayan
Tunay nga namang kay sarap pakinggan.

Ngunit itong tatlong salita ay sadyang kay tamis pakinggan
Singtamis ng pulot-pukyutan, nakagagaan ng pakiramdam
Nakawawala ng pagod, nagbibigay lakas sa katawan
Inspirasyon sa bawat pagpasok sa trabaho o maging sa paaralan.

Sa panahon ngayon, malamang ang tatlong salitang ito
iyong sinasawalang-bahala na lamang
Normal at nakagawian, parang araw araw na lamang
Walang bago, walang dating, parang sirang plaka laos at kupas na.

Ang tatlong salitang ito, mula sa taong nagmamahal nang lubusan
Hindi ka iiwan, at ‘di ka pababayaan.
Aalagaan ka sa kabila ng ng iyong karamdaman
Nanaisin niyang siya na lamang, mawala lang ang sakit na iyong nararamdaman.

Ang tatlong salitang ito ang pinakamatamis sa lahat,
Daig pa ang magsing-irog na naglalambingan sa madla
Itong munting salita na nagmula sa kanya
“INGAT KA, ANAK” mula kay Ina.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.