Kay Pacquiao Umiiikot ang Mundo ng mga Pilipino

Hanep talaga tong si Pacquiao. Biruin mong sa edad na 38 kumakamada pa rin hanggang ngayon. Yung laban niya nung Linggo animo’y nag withdraw lang siya sa ATM; easy money. Sa kabila ng mga samu’t-saring mga pahayag niya noon na hindi kinagiliwan ng iba at mga batikos sa kanyang kwalipikasyon bilang senador, heto at nakalimutan na ng mga Pilipino ang pagkainis nila kay Manny sa isang iglap ng panalo sa ring. In an instant naghuhumiyaw na naman silang lahat sa mga social media ng “pinoy pride”, well totoo naman. Mahirap talagang tumbasan ang dangal na dala ni Pacquiao sa tuwing lalaban siya. Sa mga ganitong pagkakataon tuloy naaalala ko yung experience ko nung kasagsagan ng kasikatan niya, and it goes a little something like this:

BASED ON A TRUE TO LIFE STORY:   Matapos ang laban, siya na agad ang hot topic sa lahat ng balita, bawat istasyon may live exclusive interviews mula kay Pacman, maging sa mga showbiz news siya pa rin ang bida, at maniwala ka o sa hindi pati mga patalastas lahat halos kino-congratulate ang pagkapanalo niya. Dinaig pa ang pangulo ng Pilipinas sa dami ng TV appearance  nung araw na yun. Kaya sa pagkaumay nagpasiya ako na pumunta na lang ng gym, at least dun sounds lang mula sa may-ari ang maririnig ko. Pero naknampucha! Habang nagbubuhat ako biglang may bumanat ng “pre, napanood mo ba yung laban kanina? Hayop talaga no!” hanggang sa nagsimula na ang diskusyon ng dalawang buhatero at nasundan ng ikatlong usyusero, apat, lima, anim, na umabot sa halos kalahati ng nagbubuhat ang nakisabat, na  nakalimutan na ata nung isa na nagpapa-ispat ako sa kanya at nakikipagbatuhan na rin  siya ng  istorya na akala mo e sila lang ang nakapanood ng kwentong binabahagi nila.Samantalang pare-pareho naman nilang nasaksihan ang laban. Pilipino talaga, malakas ang topak.

Umuwi ako at nang gabi rin’g yun, si Pacquiao pa rin ang laman ng usapan naming ng utol ko habang pinaiikot ang baso ng alak. Kahit ako hindi nakaligtas sa sumpa ng dala ng pagkapanalo ni Pacquiao, mahirap naman uminom ng walang salitaan kung iiwasan ko pa. Iba naman ang isyu sa kapatid ko, ang kwento niya ay ang nilaban niyang pusta mula sa 12 round decision na pinanalunan niya.

Kinabukasan sa pagpasok ko sa eskwelahan, topic pa rin si pacman nung dalawang estudyante na nakaupo sa likuran nung mamang drayber ng jeep. At maging si manong drayber nakisagot na rin sa napanood niyang laban. Napapasuntok pa sa hangin si manong na parang wala lang sa kanya na may hawak siyang manibela.  Hanggang pati yung dalawang babae sa harapan ko yun na rin ang pinag-uusapan. Nadawit pa ang pangalan ni Jinkee at ni Aling Dionisia. Tsismisan galore. Parang sipon. Nakakahawa.

Nung nasa paaralan na ko, pagbukas ko ng PC, siya pa rin ang laman ng balita. Kumuha ako ng diyaryo, siya rin ang headline sa lahat ng broadsheet maging sa tabloid. Napangiti na lang ako sa mga nabasa ko, kulang na lang pahiran nila ng panyo ang paa ng boksingero  kung purihin siya ng mga mamamahayag. Napaka perpektong manlalaro. Pinapanginoon. Kaya tinitigan kong mabuti ang katawan ni Pacquiao, sabagay kung ipapako rin si pacman sa krus, sing macho rin ito ni Kristo, mas malinis nga lang tingnan yung bigote at basbas nung huli.

Pati yung vice principal naming yun din ang dinidiskusyon niya sa kasamahan kong ka-opisina. Take note 58 yrs old na yun. Matandang babae. Na hook pa rin kay pacquiao. At pati sa balitaan sa klase ng mga estudyante ko, siya pa rin ang laman ng balita. Walastik, wala pa lang pinipiling edad ang naiimpluwensiyahan ng kasikatan. Buti na lang hindi ko siya narinig na pinag-uusapan nung dumaan ako sa pila nung mga batang nasa grade one. Kung hindi maniniwala na talaga ko na dapat siyang ituring na bagong propeta sa lupa.

Bago ko umuwi dumaan muna ko ng mall, at ganun din, sa bawat sulok ng establishment mukha niya ang nakikita ko. Kaya kung bakla lang ako, malamang iisipin kong inlab na ko sa kanya. Sa tatlong oras kong umikot para bumili ng gamit, limang beses ko ata narinig sa mga nakakasalubong ko na siya pa rin ang bukambibig. At para tuluyan ng makaiwas sa hindi maubos- ubos na balitaktakan at talakayan  ukol sa kanya, nag earphone na ko sa pag-uwi. At  sa wakas..Wala ng Pacquiao. Tapos na ang sumpa. Nakaraos din sa bangungot na dala ni Manny. Hanggang tumugtog sa earphone ko ang mga katagang… “tikman mo ang kamao (kamao), tikman mo ang kamao (kamao), pag suntok ni Pacquiao muling titigil ang mundo…” whew..how ironic.

—Hello mic test.