Katatagan sa Panahon ng Bagyo [A True Story]

Image credit: climateandsecurity.org

“Naku Diyos ko po, ayan na,”sigaw ng aking Mama.

Hatinggabi noon at nagising ako na nagngangalit ang hangin. Sa silangan galing ang hangin na pagkalakas-lakas at gagantihan din ng malakas na hangin sa kanluran. Kubo lamang ang aming bahay na gawa sa nipa at kawayan. Napakahina nito para salungahin ang malakas na bagyo.

Bigla akong bumangon at nakita ko na ang Mama ko ay nakaluhod sa isang sulok. Nanginginig sa takot, naroon naman ang Papa ko at pilit na pinalalakas ang kaniyang loob. Nakaramdam ako ng kaba at takot lalo na ng marinig ko ang naglalagutukang yero ng aming mga kapit-bahay. Ang hangin ay parang sumisipol pagkatapos ay maririnig na ang lawiswis ng mga dahon at ang lagutok ng mga sanga ng mga puno. May maririnig din na biglang pagbagsak na tila nayayanig ang lupa. Tingin ko ba ay nangabubuwal ang mga puno ng saging.

“Diyos ko, ayan na naman, baka mabuwal ang bahay natin. Pa….no na ta…..o” sigaw na naman ng Mama ko. Nataranta na rin ako at hindi makakilos. May kasama ring ulan, sa bawat pag-hagupit ng hangin ay nabubuksan ang aming mga bintana na tinutukuran lang naman sa umaga. Sa pagbukas nito ay umaanggi ang tubig- ulan kaya nabasa ang buong bahay. Mabuti na lamang na binalot namin sa malalaking supot ang aming mga damit at mga mahahalagang bagay na hindi dapat mabasa. Sang-ayon sa PAG-ASA ay signal number 1 lang kami, ngunit tila number 3 ang lakas ng hangin.

storm photo
Photo by FelixMittermeier (Pixabay)

Lalo akong natataranta sa mga panaghoy ni Mama pero hindi ko siya masisisi. Lubhang nakatatakot ang bagyo, lalo pa at madilim ang boong paligid dahil pinutol na ang kuryente.

“Mga anak, magsipanalangin tayo!” basag na rin ang tinig ni Papa; halatang pinipilit lamang na magpakatatag.

“Diyos ko, huwag n’yo po kaming pabayaan,” panaghoy ni Mama.

Kahit na hindi ko nakikita ang reaksyon ng mga kapatid ko ay alam kong nanginginig na rin sila sa takot. Talagang kakaiba ang bagyong ito.

Naalala ko, bago kami natulog ay payapa naman ang lahat. May mga bituin pa nga at sinabi naman ng PAG-ASA na number 1 lang ang Bulacan. Malakas ang loob namin dahil babae ang bagyo; si Rosing. Kasabihan na kapag babae ang bagyo kahit na malakas ito ay posibleng maging mahina habang dumadaan sa Pilipinas. Ang babae daw kasi ay pabago-bago ng isip. Gayunpaman ay nanalangin naman kami sa Diyos bago natulog. Isinupot na rin namin ang aming mga gamit bilang paghahanda.

Ngunit, nagkamali kami ng hinala, heto na nga at bumabanat si Rosing. Pamaya-maya ay natigilan kaming lahat. Naramdaman namin na may malakas na pagyanig.

“Panginoon ko, baka magugunaw na ang mundo. Bakit may kasama pang lindol?” muling palahaw ni Mama.

Pamaya-maya ay nakabawi si Papa. “Mga anak, heto ang susi sa kapilya, pumunta na kayo sa kapilya,” utos ni Papa.

Ang sinasabing kapilya ay simbahan ng Seventh-Day Adventist Church na mga labinlimang hakbang lang ang layo sa aming kubo.

Kinuha ko ang susi at ako, kasama ang aking tatlong kapatid ay naghawak-hawak kamay para tunguhin ang kapilya. Nag-iiyak ang kapatid kong pangatlo, paano na raw sila Mama. Pero sinabi ng aming mga magulang na susunod sila. Mahigpit ang aking hawak sa flash light at humanda na kaming lumabas ng pintuan. Nananalangin kami na wala sanang mabakli na sanga ng mangga habang kami ay tumatakas.

Ngunit……

Hindi ko mabuksan ang pinto. Kahit anong gawin ko ay may nakaharang dito. Sinipat ni Papa kung ano iyon at nakita niya na isang malaking sanga ng mangga ang pumipigil upang mabuksan ang pintuan. Hindi kami makaalis dahil lubhang malaki ang sanga ng puno. Ang pagyanig pala na naramdaman namin ay nabuwal ang puno ng mangga na malapit sa aming bahay.

storm photo
Photo by skeeze (Pixabay)

Napausal kami ng pasasalamat sa Diyos. Salamat at hindi ito tumama sa aming bahay. Kung hindi ay patay kaming lahat. Nakahilis ito pakanan.

Umupo na lamang kaming mag-anak. Napatunayan namin na hindi kami pinababayaan ng Diyos. Kailangan lamang na lakasan namin ang aming loob at pananampalataya. Nananalig kami na aalagaan ng Diyos ang aming bahay at iingatan ang aming buhay. Lumalaginit ang mga sanga at lumalagutok ang mga yero. Ngunit kapag dadapyo na sa aming kubo ang buong lakas ng hangin ay tila ito binibiyak sa gitna at nararamdaman na lamang namin ito sa magkabilang gilid ng bahay.

Tatlumpung oras pa ang lumipas at tumigil na ang malakas na hangin, napalitan na lamang ito ng bahagyang ambon. Umalis na siguro ang mapaminsalang Rosing. Nakatulog kaming muli na nakatalungko dahil basang-basa ang loob ng bahay dahil sa anggi.

Maganda ang sikat ng araw kinaumagahan. Nakita naming napakaraming taong naglalakad sa kalsada, hinahanap ang mga nilipad nilang bubong. Narinig kong nag-uusap ang tatlong kanto Boy.

Kanto Boy 1: “Naknantikbalang Pare! Nakatayo pa rin itong giray na kubo. Hanep, ang yero ay tinangay pero ito ay hindi.”

Kanto Boy 2 : “Eh Pare, nakikita mo ba iyong nakabuwal na puno, hayun at tinataga, he he, may panggatong pa sila ngayon. Kung dumiretso iyon, pisak silang lahat.”

Kanto Boy 3 : “Pero tingnan mo, hindi sila nabuwalan! Hanga din ako sa mga ito. Totoo nga sigurong may Diyos.”

praying photo
Photo by Godsgirl_madi (Pixabay)

Naipikit ko ang aking mga mata. Oo, totoo na may Diyos at naramdaman ko ang kanyang presensya sa gitna ng bagyo. Naging puhunan ko ang karanasang iyon sa bawat bagyo ng buhay. Hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Siya ang katatagan natin sa gitna ng Bagyo. Amen

#DFBI # DF Bloggers International  #DefinitelyFilipino

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.