Kasiyahan (An Inspiring Story)

Photo Credit: Candidkerry.wordpress.com
Photo Credit: Candidkerry.wordpress.com
Photo Credit: Candidkerry.wordpress.com

Minsan itinatanong natin sa Diyos kung bakit hindi niya ipinagkaloob ang ating pinapangarap. Bakit kung alin pa ang hindi natin gusto ay siya pa nating nakamit. Mga katanungan na mabibigyan lamang nang kasagutan pagdating ng panahon. Ako po si Ligaya at ito ang aking kwento.

Masyado raw makaluma ang aking pangalan kaya pinalitan ko ito ng Joy. Kilala ako ngayon ng aking mga kaibigan at katrabaho sa pangalang ito at tinatawag na rin ako ng aking mga kapamilya na Joy. Gayunpaman ay nakatala pa rin ang Ligaya sa aking Birth Certificate at sa mahahalagang papeles.

Joy ang aking pangalan subalit hindi naman ako masaya. Hindi ako maligaya dahil hindi ako nasisiyahan sa aking buhay. Parang laging may kulang; laging may mali.

Una, bigo ako sa napangasawa. Naghahangad kasi ako ng lalaking kahawig man lang ni Richard Gomez sa kagwapuhan at sa katangkaran. Subalit ang naibigay na asawa sa akin ay isang pandak na Italyano ;as in pinaghalong Ita at Ilocano. Siya si Edel, wala akong makitang maganda sa kaniya. Hindi rin siya mayaman ni nakatapos ng pag-aaral. Napapansin ko rin na ubod nang hina ng kaniyang utak. May pagkakataon na hindi pinaiiral ang common sense.

Ilang ulit kong itinanong sa Lumikha kung bakit siya pa ang aking naging asawa. Kasi naman ay mag-kukuwarenta na ako at wala pang Fafa kaya naman kahit ganito siya kapangit ay tinanggap ko. May mga nagsasabi sa akin na kasi raw mapili ako kaya bumagsak sa bungi. Aaminin ko, hindi ko naman mahal si Edel, pinakasalan ko siya dahil gusto kong makarating sa Amerika.

Noong 2004 ay naaprubahan ang petisyon ng Ama ni Edel na makarating siya sa Amerika. Broken Family sila. May iba’t-ibang pamilya ang kaniyang ama at ina. Iyon ang dahilan kaya kahit hindi siya ang aking pangarap ay tinanggap ko na rin dahil nga gusto kong makarating sa Tate.

Ngunit, mahirap pala na makasal sa hindi mo mahal. Kapag magkasama kami ay parang nahihiya ako. Lalo na at kaytatangkad ng mga Cano at ang aking asawa na nangingintab na sunog na balat at saksakan pa ng liit.

Nang nakarating ako sa Amerika ay hindi iilang ulit na may mga Cano na pagkatatangkad at pagkagwapo na nag-uukol sa akin ng atensyon. Subalit ano pa ang magagawa ko e may asawa na ako; hindi na pwedeng lumandi sa iba.

Pahirapan sa akin na makipagtalik sa kaniya. Ginagawa ko lamang ang lahat dahil tungkulin ko iyon sa kaniya. Gustong-gusto na daw niyang magkaanak subalit pilit akong nagkokontrol dahil ayaw kong maging ama siya ng aking anak.

May mali talaga sa akin, ipinagpalit ko ang aking buhay dahil lamang sa hunghang na pangarap.

Nakokonsensiya ako dahil ako naman ay hindi naman lubos na maitim ang budhi. Mabait naman kasi si Edel, kaya lang ay hindi nga siya ang pangarap ko at kapos pa sa aking standard. May pagkakataon na gustong-gusto kong humingi ng diborsyo subalit pinagtitimbang-timbang ko pa ang mga bagay.

Hanggang sa dumating ang isang araw, independent na ako. May sarili na akong trabaho at marunong na ring mag-drive ng sasakyan. Pinag-iisipan ko na kung paanong sasabihin kay Edel na gusto ko na siyang idiborsyo. Subalit bago ang lahat ay napagpasyahan kong magbakasyon sa PIlipinas.

Lumapag ang eroplano sa NAIA at ako ay sinundo ng aking nakatatandang Kuya. Masayang-masaya ako dahil hindi rin kami nagkita-kita sa loob ng mahabang panahon. Napaiyak pa ako nang muli kong mayakap si Nanay at si Tatay. Napansin ko na napakalaki ng pag-asenso ng aking pamilya.

“Nay masaya ako na maayos na ang inyong buhay sa ngayon” sabi ko kay Nanay

“ Ay salamat Anak, iyan ang bakas ng mga padala ni Edel sa amin” tugon ni Nanay

Napabuntong-hininga ako. Oo nga pala, hindi lang sa akin mabait ang pangit kong asawa, pati sa pamilya ko. Kapag nabalitaan niya na mayroong maysakit ay magpapadala kaagad siya. Kapag may dumaang bagyo o kalamidad ay siguradong tatakbo kaagad siya sa Western Union.

Isang buwan ang aking bakasyon sa Pilipinas. Sinamantala ko iyon para madalaw ang aking mga kaibigan. Marami sa kanila ang nakapag-asawa ng mga gwapo, subalit sira na ang kanilang pamilya ngayon dahil nagsipagbabae. Ang iba ay nambubugbog pa raw, halos lahat sila ay nagsasabi na swerte ko raw at mabait na ang napangasawa ko ay nakarating pa ako sa Amerika.

Nasabi ko sa aking sarili na kung alam lang ninyo, hindi ninyo ako kaiinggitan bagkus ay kaaawaaan pa.

Nakita ko ang paghihirap ng mga tao sa aming lugar, malaking swerte nang talaga ang dumating sa pamilya namin nang makarating ako sa ibayong dagat sa tulong ng asawa ko.

Linggo noon at nagsimba ako, naisip kong mangumpisal kay Father. Salamat at nabigyan ako ng pagkakataon na mangumpisal. Mahaba rin ang pila, naghintay ako nang matagal.

Nagsimula akong mangumpisal, bahagya pa akong naiiyak dahil naiisip ko ang dilemma na kinakaharap ko. Pagkatapos kong mangumpisal ay nagsalita si Father.

“ Anak, naniniwala ako na hindi ka masaya dahil hindi ka nasisiyahan sa iyong asawa. Ngunit naisip mo na ba na baka siya ang ibinigay sa iyo ng Diyos dahil alam niya na siya ang para sa iyo? Hindi nga siya gwapo at matalino subalit ginintuan naman ang kaniyang puso. Darating ang panahon na tatanda tayong lahat, kasabay na maglalaho ang mganda nating itsura subalit ang mabuting kalooban ay susubok sa tagal ng panahon.” Anak gabayan ka nawa ng Diyos sa iyong desisyon.”

Parang gumaan ang aking loob dahil sa aking pangungumpisal. Bigla tuloy na tila gusto kong bumalik na sa Amerika sa piling ng aking asawa. Salamat at naging makahulugan ang aking bakasyon. Nabigyan ng kasagutan ang aking mga tanong.

Animnapung taong gulang na ako ngayon at nasa wheel chair na. Kasama ko pa rin ang aking asawa na kahit na hindi maganda sa panlabas ay napakabuti sa loob. Nagkaanak kami ng dalawang babae, ang isa ay nagtatrabaho bilang librarian sa isang paaralan, samantalang ang isa ay nasa kolehiyo pa.

Ganoon pala ang buhay, minsan hindi naman ibinibigay sa atin ng Diyos ang ating pangarap, subalit ipinagkakaloob niya ang alam niyang mabuti para sa atin. Hindi natin makikita iyon sa simula subalit madarama natin kapag tumagal ang panaho. Doon ay sasabihin natin na “Salamat Oh Diyos sa regalong ibinigay mo.” Amen — with

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.