Kasalanan Mo Nga Ba, Kabayang OFW?

KASALANAN“Magpadala ka na, walang-wala na kaming pera!” nabasang mensahe ni Ate mula sa facebook.

“Ate, kailangan ko nang magpa-enroll. Kailan ka magpapadala?” mensahe ni bunso sa instagram na may sad selfie face.

“Anak, anong petsa na bakit wala ka pang padala? Nagtatago na ako sa mga pinagkautangan ko kasi kinukulang padala mo!” mensahe ni Nanay sa roaming sim card ko.

“Panganay, wala na ang gamot ko pang maintenance! Sabi ng mama mo, wala ka pa raw padala! Need ko na!” isa pang mensaheng nabasa mula kay Tatay.

“Mahal kong asawa, naniningil na ang kasera ng bahay, disconnection notice na rin ng kuryente, tubig, internet at telepono! Wala nang baon ang mga anak mo at bayarin din sa eskuwelahan! Nag-aalala ang mga anak mo baka hindi payagan ng promisory note!” mensahe sa skype ng iyong asawa.

“Wala ka bang maibibigay sa aking kaarawan ha, anak?” nabasang mensahe mula sa biyenan sa iyong international sim.

Oo nga pala at katapusan na ng buwan, kaya lang ang mga amo ay umalis at tiyak na hindi mapapadala kaagad ang sahod na hindi pa naipapadala ay may pinaglalaanan na.

Buong buwan kong hintayin ngunit kahit saglit ay hindi magawang mahawakan ng matagal man lang, kailangan diretso na maipadala ng mabilisan sa mga umaasang mahal sa buhay.

Kaunting pagkaantala ay hindi titigilan ng pangungulit at mga reklamo ng mga mahal sa buhay.

Makalipas ang ilang araw pagkatapos makapagpadala, kahit simpleng pagpapasalamat ay tila nakalimutan na nila! Dahil sinasabi sa sarili na iyon kasi ang responsibilidad mo kung kaya’t ikaw ay nagkikibit-balikat na lamang.

Kuntento ka na lamang na mabasa ang masasayang status nila na sila ay nakapaggala kung saan at mga larawan nila na nagagalak sa paglilibot at pamamasyal.

Makalipas ang ilang araw lamang ay maglalabas ng hinaing sa iyo na sadyang mahirap ang buhay sa Pinas kung kaya’t mas mabuti raw na nasa ibang bansa ka! Karugtong ng mga sintemyento na iyon ay ang pagsasabing mabilis na nauubos ang perang pinadala dahil sa mga kailangang gastusin. Kaya napapakamot ka na lamang sa ulo at mangangakong gagawa ng paraan na makapagpadala ulit.

Kaya kinakapalan ang mukha at iniisa-isang kaibigan para lamang makahiram ng pera. Sinisigurong maibigay lamang ang sinasabing kakulangan sa perang ipinadala kumakailan lamang. Minsan pa ay bago makautang ay kung anu-ano pang pasaring ang maririnig mo, nilulunok na lang dahil ikaw ay nangangailangan.

Hindi pa natatagalan ay mayroon na lalapit sa iyo na kapatid para sa pamangkin, “Tol, pahiram muna ng kaunti nashort budget ko walang gatas ang pamangkin mo! May sinat pa at kailangan dalhin sa doktor!”

Kaya kahit pangsariling pera mo na lamang ay naipapadala na rin. Bahala na kung may magagamit pa na pangsarili.

Tinitiis na hindi makadalo sa kahit anong kasiyahan o lugar na niyaya ng mga kaibigan dahil alam mong iyon ay pagkakagastusan. Laging nakatatak sa isip ang kapalit ng dolyar na gagastusin ay para na lamang magamit ng mga mahal sa buhay.

Minsan pagtingin sa maliit na lagayan ng damit kahit mga panloob ay wala na sa ayos ngunit pinagtitiisan na lamang huwag lamang mabawasan ang perang kinikita kada buwan.

Kung tatawag ka ay walang katapusan na usapin ukol sa pera, lagi na lamang silang may iniisip na pagkakagastusan o kaya pangangailangan. Kaya kung hindi nga lang nila sana iisipin na balewala sila ay pati pagtawag ay nais na rin tipirin dahil kadalasan ay nauuwi pa sa pagtatalo ang nais mo lang sanang marinig ang boses nila at kumustahin. Kapag sinasabi mong “Wala kang pera” ay pagdududahan ka at kung anu-ano na ang nasasabi.

Minsan tanong sa sarili, ilang buwan na lamang ay wala pang naitatabi! Paano na kaya ang mangyayari?

Hindi ka pa nga nakakauwi ay kung anu-ano na ang nasa plano ng pamilya, may mga lugar na papasyalan at mga bibilhin na gamit at kung anu-ano pa.

Mayroon pang mga kaibigan at kakilala,
“Brod/Sis pasalubong ko ha! Oh kaya gimik tayo…Ikaw ang taya! Tiyak paldong-paldo ka kasi nanggaling ka sa ibang bansa! Patikim naman ng dolyar!”

Kaya hindi na mapakali kung ano ang gagawin at nais na hindi manlumo ang mga umaasa. Hahanap na naman ng paraan ng panibagong pagkakakitaan. Para makatabi ng pera ay magtatrabaho ng part-time at kung anu-anong paraan na lamang para makapagtabi ng pera.

Kadalasan ay nakakarinig ng payo ng mga kapwa OFWs, “Magtabi ka ng para sa sarili mo o kaya ay mag-impok! Hindi ka habambuhay na OFW!” Kaya kapag naaalala iyon ay naiisipan na tama nga naman kasi sadyang nakakapagod ang magtrabaho rito sa ibang bansa kumpara sa pagkakayod sa bansang sinilangan dagdag pa ang lungkot dahil malayo sa mga mga mahal sa buhay.

Pero heto, buwan-buwan ay paulit-ulit na pangyayari, butas ang bulsa at wala pang naitatabi.

Iniisip na lang kung paano pa isasakatuparan ang magbakasyon na wala kahit kusing na dala, tiyak na hindi rin magigising masaya ang pamilyang umaasa sa mga inaasahan na mga hiling ay matutupad.

Bakit nga ba, kabayan? Hindi mo magawang tumanggi sa kanilang mga kapritso’t kahilingan? Dahil ba nagu-guilty ka na wala ka sa kanilang piling kaya lahat ay pinagbibigyan?

Dahil ba balewala ka na kung sakaling hindi matugunan lahat-lahat ng mga hinihinging pangangailangan?

Ano ba talaga ang iyong dahilan? Nagmumukmok ka ngayon dahil sa dami ng bayarin na utang. Imbes na nakaka-angat ay nalulubog pa ng lubusan.

Hindi mo ba sa kanila ipinapaliwanag na kakarampot lamang ang iyong kinikita at sinasabihan sana na pahalagahan ang bawat sentimo ng iyong kinikita?

Hindi mo ba masabing kinukulang pa nga ang iyong buwanang sahod at para lamang sila ay mapagbigyan ay nagkakandautang-utang?

Hindi mo nga magawang maging masaya na dapat ay magbabakasyon ngunit walang maiuuwing pera kaya baka manatili na lamang sa malungkot na bansa sa susunod pang dalawang taon?

Bakit nga kaya, kabayan?

Naitanong mo na ba sa sarili mo iyan? Kung oo, suriin mabuti ang sistema ng iyong kinikita mula sa mga pagkakagastusan. Hindi pa huli ang lahat tiyak na maiaayos pa nang mabuti ang pinagkakakitaan para sa mas maayos at siguradong kinabukasan!