“Kape at Pandesal”

)Photo Credit: pinoyexchange)
)Photo Credit:  pinoyexchange)
)Photo Credit: pinoyexchange)

MATAMANG tinutupi ni Eleanor ang mga bagong labang mga damit nila ng kanyang mister at dalawang supling na panaka-nakang natitigilan. Ilang araw na siyang laging napapaisip ng malalim. Kung anu-anong tanong ang bumabagabag sa kanyang isip at ang masaklap, hindi siya nakakatulog ng maayos sa gabi sa kaiisip. Hindi niya alam kung saan ba siya nagkulang bilang misis sa asawang si Victor o kung ano ba talaga ang problemang namamagitan sa kanilang mag-asawa?

Nitong mga huling araw kasi, laging tahimik si Victor. Pero kapag sinumpong naman, madaling mag-init ang ulo at hindi niya makausap ng maayos. Ipinagwalang-bahala ito ni Eleanor sa katwiran na baka gusto munang sarilinin ng asawa kung anuman ang problemang bumabagabag rito. Pero diba dapat bilang may-bahay, siya ang unang pinagsasabihan ng mister. Dahil obligasyon ng mag-asawa na magsabi sa isa’t isa kung anuman ang problema ninyong dalawa? Pero bakit tila ang laki ng pinagbago ng kanyang mister?

“‘Pa, ‘di mo man lang ginagalaw ‘yang kape na tinimpla ko at ‘yang pandesal. Lumamig na tuloy.” Naalala ni Eleanor ang nangyari kaninang umaga.

Tahimik lang si Victor.

“Iinit ko pa ba sa oven ito o wala ka nang balak inumin at kainin?” untag ni Eleanor sa tahimik pa ring mister. Ni hindi siya nito nilingon.

Nakatitig ito sa kawalan. Waring kay-lalim ng iniisip.

Nag-aalangan namang usisain ni Eleanor ang mister. Dahil baka lalo pa itong mairita at mabulyawan siya. Kaya naman tumayo na siya at hinayaan na lang ang mister na mapag-isa. Sa isip isip niya, ano kaya ang bumabagabag sa kanyang mister at ganoon ang ikinikilos nito?

Nagbalik sa kasalukuyan ang huwisyo ni Eleanor nang marinig niya ang tinig ng kanyang panganay na si Elvira; edad sampu. Tinabihan siya nito.

“‘Ma, bakit po laging tahimik si papa? Tapos, lagi na lang siya masungit sa ‘min ni Moymoy,” nagtatakang usisa ng panganay na anak sa kanya.

Hindi lang pala siya ang nakapansin sa inaasal ni Victor. Pati ang panganay nila.

Nag-isip siya ng magandang isasagot sa anak. “Baka kasi may problema lang sa trabaho ang papa mo. Kaya ganu’n siya, anak. Pero ‘di magtatagal, babalik din sa dati ang lahat. Sa ngayon, hayaan muna nating mapag-isa ang papa mo at unawain na lang natin siya kapag sinusumpong. ‘Di ba, lab na lab mo si papa?”

Niyakap niya ang anak.

“Ikaw ‘ma, lab na lab mo pa rin ba si papa?” biglang tanong ni Elvira na bahagyang kinagulat ni Eleanor.

Bakit naisipang itanong ng anak ang bagay na iyon?

“Oo naman, anak. Sa loob ng twelve years na pagsasama namin ng papa mo, kahit kelan, hindi nabawasan ang pagmamahal ko sa kanya. Katunayan, mas nadaragdagan ‘yung lab ko sa kanya!” ang matapat na tugon ni Eleanor.

Nakita niyang ngumiti ang anak.

“E, si papa. Lab na lab ka pa rin ba niya?” sunod na tanong nito.

Bahagyang natigilan si Eleanor sa tanong ng anak. Paano ba niya sasagutin ang tanong nito kung maski siya ay walang ideya kung ganoon pa rin ba siya kamahal ng mister niya. Gaya noong magkasintahan pa lamang sila at noong mga unang taon na mag-asawa na sila.

Anu-ano nga ba ang basehan niya para masabing ganoon pa rin kasidhi ang pagmamahal ng mister sakanya? Gayong pati ang simpleng bagay na nakasanayan nilang gawin tuwing umaga gaya ng sabay na pag-inom ng kape na may kasamang pandesal ay nagbago na? Isa ba iyon sa signos para masabing nagbago na nga talaga ang mister?

Binalewala ni Eleanor ang nasa isip.

“Oo naman, anak. Gaya ni mama, lab na lab pa rin ako ni papa. At kahit malalaki na kayo ni Moymoy at magkapamilya na, lab na lab pa rin namin ang isa’t isa. Kasi, nagpramis kami na walang iwanan. At magmamahalan habang buhay!”

“E, bakit ‘yung parents ng klasmeyt kong si Kimberly, hiwalay na daw sila. Kasi, ‘di na raw nila lab ang isa’t isa.”

Tinitigan ni Eleanor ang anak. “Kasi anak, may mga bagay siguro na naging problema ang parents ni Kimberly. Kaya minabuti na lang nila na maghiwalay. Bata ka pa anak para maintindihan ang mga bagay tungkol sa mag-asawa.”

“E, kayo ni papa, ‘Ma. Maghihiwalay ba kayo kapag meron din kayong ‘di pagkakaunawaan?”

Natawa si Eleanor sa tanong ng anak. Bakit ba natanong nito ang tungkol sa bagay na iyon gayong wala pa ito sa hustong gulang? Ganito na ba talaga katalino ang mga bata sa panahon ngayon?

“Marami kaming naging problema ng papa mo. Nag-aaway din kami. Maraming hindi napagkakasunduan. Pero, hindi iyon dahilan para iwan namin ang isa’t isa. Kasi ang mahalaga sa mag-asawa, may respeto, tiwala, give and take. At siyempre, nagmamahalan. Kami ng papa mo, lab na lab na lab namin ang isa’t isa.”

Nakangiting niyakap siya ng anak. “Pramis niyo po, hinding hindi kayo maghihiwalay ni papa ha? Kasi, ayaw kong matulad kayo sa parents ni Kimberly.”

Kinurot niya sa pisngi ang anak, saka mahigpit na niyakap. “Pramis. Cross my heart,” nakangiting tugon niya.

KINAUMAGAHAN, nagtaka na naman si Eleanor nang hindi galawin ng asawa ang tinimpla niyang kape at ang bagong lutong pandesal. Tinititigan lang nito. At gaya ng mga nagdaang araw, malalim na naman ang iniisip.

Hindi na nakatiis si Eleanor.

“Victor, may problema ka ba? Ilang araw ka nang ganyan. Pati si Elvira napapansin na rin ang mga kinikilos mo. Kung may problema man, puwede naman nating pag-usapan, diba? Asawa mo ako, Victor. Anuman ang bumabagabag sa ‘yo, ako na asawa mo ang unang iintindi at tutulong sa’ yo sa abot ng aking makakaya,” tila naluluhang litanya ni Eleanor.

Nakayukod lamang si Victor. Ni hindi siya nililingon ng asawa.

“Isa pa, hindi naman siguro ako estatwa lang dito para ‘di mo kibuin. Wala din akong alam na nagawa kong kasalanan sa ‘yo para tratuhin ako ng ganito,” dugtong niya.

“P-Patawarin mo ako, E-Eleanor…”

Sa wakas at nagsalita na rin si Victor. Pero labis na pinagtakhan ni Eleanor ang sinambit ng asawa.

At lalo pa siyang nagitla nang bigla siyang yakapin ng asawa.

“Napakalaki ng kasalanan ko sa ‘yo. H-Hindi ko alam kung pa’no magtatapat sa ‘yo. Naguguluhan na ako. N-Nahihirapan. At sana, m-mapatawad mo ako…” sunod-sunod na turan ni Victor habang mahigpit siya nitong yakap.

“A-Ano bang kasalanan ang sinasabi mo? Hin…hindi kita…maintindihan,” naguguluhang pakli ni Eleanor.

Bigla rin siyang kinabahan!

“H-Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko para gawin ang bagay na ‘to. Alam ko rin sa sarili ko na wala kang naging pagkukulang bilang asawa at ina sa mga anak natin. Pero siguro nga ay mahina lang talaga ako sa tukso. P-Patawarin mo ako, E-Eleanor…”

Nagimbal siya sa ipinagtapat ng asawa. Kahit hindi tuwirang sinabi ni Victor sa kanya, nakuha na niya ang ibig nitong ipahiwatig. At ito na nga ang kinatatakutan niya.

May babae ang kanyang mister!

“N-Nagkaroon ako ng karelasyong iba. Pero hindi ibig sabihin nu’n na hindi na kita m-mahal. Alam ng Diyos na pampalipas-oras ko lang siya. At ikaw pa rin ang matimbang sa puso ko!”

Gustong ibuhos ni Eleanor ang kape sa mukha ng asawa. Pero hindi niya magawang ikilos maski ang mga kamay niya. Naninigas siya at ewan kung paano siya magrereact sa natuklasan. Pero isang bagay ang mas nangibabaw. Napaluha siya.

Tinangka siyang yakapin ulit ni Victor. Pero kinabig niya ito.

Umigkas ang isang palad niya at dumapo iyon sa pisngi ng asawa.

“P-Pa’no mo nagawa sa ‘kin ‘to? Sa amin ng mga anak mo? Napakawalang-hiya mo, Victor!” Nabuhay ang galit sa puso niya. Ni sa hinagap hindi naisip ni Eleanor na magagawa ng asawa ang ganoong kataksilan sa kanya. Pero posible nga. At ang inakala niyang huwaran, matiisin at mapagmahal na asawa ay kay dali rin palang madaig ng tukso at wala itong pinagkaiba sa mga lalakeng hindi makunteto sa kanilang misis.

Tinangkang iwan ni Eleanor ang asawa, pero nahagip siya nito sa kamay. At pagkuwa’y bigla itong napaluhod.

“P-Patawarin mo ako, Eleanor. Bigyan mo pa ako ng pagkakataon na magbago. Hinding hindi na mauulit ‘to. K-Kayo ng mga anak natin ang mas mahalaga sa akin at hindi ko kayang malayo sa inyo. Kaya nagmamakaawa ako…p-patawarin mo ako. M-Mahal na mahal kita, E-Eleanor!” pagmamakaawa sa kanya ng asawa.

Pero bingi si Eleanor sa pagsusumamo nito. Nagpilit siyang kumawala rito at saka siya nagkulong sa kanilang silid. Walang patid ang pag-iyak niya. Hindi niya alam kung paniniwalaan pa ba niya ang asawa o tatanggapin ang paghingi nito ng tawad.

Bakit sadyang may mga lalakeng hindi makontento sa isa?

ILANG araw na rin ang nakalipas na hindi kinikibo ni Eleanor ang mister. Kahit kinakausap siya nito, dedma lang siya na parang walang naririnig. Parang estranghero ngayon ang tingin niya sa mister.

Madalas pa rin siyang umiiyak, lalo na kapag mag-isa na lang siya. Ayaw niyang ipakita sa mga anak ang pag-iyak niya at malaman ng mga ito ang sitwasyon niya. Lalo na sa panganay na si Elvira na sa murang edad ay malawak na ang pag-iisip. Ayaw niyang usisain siya nito at magsinungaling rito.

Nabaligtad naman ngayon ang sitwasyon nilang mag-asawa. Siya naman itong hindi kumikibo, laging tulala at laging tila wala sa sarili.

“‘Ma, inumin mo na ‘tong kape mo, o. Baka lumamig,” ang tila naglalambing na saad ni Victor matapos siya nitong ipagtampla nang umagang iyon.

Kasalukuyan siyang nagluluto ng almusal ng mga bata. Wala namang pasok si Victor ng araw na iyon.

Hindi pinansin ni Eleanor ang asawa.

“Alam ko galit ka pa rin sa ‘kin. Hindi kita masisisi. Napakalaki ng kasalanan ko sa ‘yo. Pero sana, ‘Ma. Alang-alang sa mga anak natin, mapatawad mo na ako,” pagkuwa’y sabi ni Victor sa malumanay na tinig.

Ewan ni Eleanor kung sinsero ba ito o hindi. Pero dala pa rin ng galit, ayaw na muna niya itong kausapin o anupaman. Kaya tinalikuran niya ito. Naiwang laylay ang balikat si Victor at biglang napasapo sa mukha.

MAG-ISA si Eleanor sa beranda ng hapong iyon. Tulog ang mga bata at si Victor. Hindi siya makatulog kaya minabuti na lamang niyang maupo sa may beranda. Nagtimpla siya ng kape. Gusto niyang humigop ng mainit na kape. Kahit pa maalinsangan ang panahon. Pagkuwa’y mataman niyang tinitigan ang tasang hawak na may lamang kape.

Naisip niya, ang buhay may-asawa pala ay parang kape lang. Masarap kapag mainit, pero kapag lumamig na nag-iiba na ang lasa. Iba iba rin ang timpla natin sa kape. May matamis, katamtaman at may gusto ng mapait. Dati, sobrang tamis ng pagsasama nilang mag-asawa. Hanggang naging sakto na lang sa paglipas ng maraming taon. Dahil mas itinuon nila ang mas maraming panahon at oras nila sa kanilang mga anak. Pero kahit ganoon, naroon pa rin ang respeto at pagmamahal nila bilang mag-asawa. At ngayon, naging mapait na dahil sa kataksilan ng mister. Hindi niya alam kung kaya ba niyang patawarin ito o kung tama lang ba ang desisyon niya na manatili pa rin sila ng kanyang mga anak sa poder ng kanilang ama?

Alam niya na nag-iba na ang relasyon nila bilang mag-asawa ni Victor simula noong ipagtapat nito ang kataksilan. At dahil doon, nawalan na rin siya ng tiwala rito. Bagay na malaking sangkap sa isang buhay mag-asawa para mapanatiling matatag at buo ang pundasyon ng inyong pagsasama. Pero sa kabila nito, naroon pa rin ang masidhing pagmamahal niya sa asawa. Kahit galit siya rito at nasusuklam, hindi niya maikakailang mahal na mahal pa rin niya ito. Kaya lang sa ganitong sitwasyon, mas mainam na utak ang paganahin at hindi puso.

At kung sakaling may makita siyang pagbabago sa asawa, malaki ang posibilidad na maayos at maibalik muli ang dati nilang samahan bilang asawa. Sa ngayon, kailangan munang matuto ng leksyon ang mister sa kasalanang ginawa nito at maisip nito ang kahalagahan niya bilang asawa at ina ng kanilang dalawang supling.

At gaya ng kape at pandesal na hindi mapaghiwalay, gusto niyang mapanatili pa rin ang pagsasama nilang mag-asawa at buo ang pamilyang pareho nilang binuo, tinaguyod at inalagaan!

~~~W A K A S~~~

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.