“Kapalaran ba’y Nasa Palad?”

photo credit:www.flickr.com
photo credit:www.flickr.com
photo credit:www.flickr.com

Habang ipinapasyal ko ang isang kaibigang nanggaling pa sa ibang States ay nakita namin ang isang karatula. Palmistry at may nakalarawang malaking palad ng isang tao.

“Ay Fortune Teller ba iyon?” tanong ng aking kaibigan.

“Ewan ko, hindi pa ako pumasok diyan eh, baka iyong nagbabasa ng kapalaran sa pagtingin sa palad” matabang na sagot ko.

“Ay pasok naman tayo” anyaya nito.

“Ano ka ba, ayan o, may bayad na 10 dollars” bahagyang papigil na sabi ko.

“Ten dollars lang naman, malay mo baka masagot ang mga tanong ko sa buhay” bahagya pang umikot ang mga mata nito.

Kunsabagay, ipinapasyal ko lang siya sa lugar namin kaya pumasok na nga kami. Sikat siguro ang Palmist na ito, bakit nga ay siksikan ang nakaparadang sasakyan.

Tuwing mapaparaan kami rito ay talagang full packed ito. Inip na inip ako nang nasa loob na kami, may receptionist naman kasi na kumuha ng mga pangalan namin. Aba at hinihingi kaagad ang mga credit card namin, grrrr, pambihirang buhay ito hirap kitain ng dolyar eh. Gayunpaman ay nagboluntaryo ang kaibigan ko na siya na ang magbabayad para sa amin. Matigas akong tumanggi, nagtanong ako sa receptionist.

“I’m just accompanying my Friend. Is that ok?

Tumango naman ito, medyo sumaya na ako at least hindi naman pala ako mapipilitang basahan. Pambihira, isang oras kaming naghintay na mabasahan ang aking kaibigan. Bahagya akong kinilabutan nang makaharap na namin ang reader. Tipong Gypsy kung manamit, daming burloloy sa katawan at gayundin sa mga kamay. Iba’t-iba pa ang kulay ng mga kuko nito at napakakapal ng make-up. Indian national siguro siya dahil may malaking nunal ito sa noo.

Kinuha na nito ang palad ng aking kaibigan at nagsimula na itong mangusap. Malikot ang aking paningin at kung anu-anong imahe ang naglalaro sa aking isip. Bahagya pa akong nahihibang marahil sa amoy ng insenso na aking nalalanghap.

Naisip ko, magandang trabaho ito. Pinupulok ka nang maraming tao para lang malaman ang kanilang kapalaran. Napakabilis ng ten dollars sa kaniya. He he ang ten dollars ay initial charge lang pala, iba pa pala ang bayad kung sakaling may mga tanong kang nais mong ipasagot sa kaniya. Parang doctor pala ito na mahal ang bayad sa konsultasyon, walastik talaga. Paglabas namin ng pintuan ay isandaang piso ang nai-charge sa credit card ng kaibigan ko.

Naisip ko, isambuwan na sanang budget iyon ng isang pamilya sa Pinas, pero nagastos lang sa pagbasa ng kapalaran. Bagaman hindi ko naman isinatinig iyon, mukha kasing masaya ang aura ng ikaibigan ko eh.

Itong palmistry, gaano ba ito katotoo? Walang scientific basis hindi ba? Ngunit maraming tao ang may paniwala rito. Ang iba nga ay pumupunta pa raw sa India para pag-aralan kung paano ang pagbasa ng guhit ng palad. Mayroon naman daw iba na kung tawagin ay psychic o ang iba naman ay may third eye.Iyon daw ang gift nila mula pa nang sila ay isinilang.

Maraming datung ang napupunta sa mga fortune tellers at sa mga palmist. Bakit kaya?

Gaya ng katwiran ng aking kaibigan, marami siyang tanong sa kaniyang buhay na nais mabigyan ng kasagutan. Ngunit ako ay iisa lamang ang aking pinaniniwalaan. Hindi ko na kailangang malaman pa ang hinaharap. Hindi ko na kailangan pang mataros ang guhit ng aking palad. Dahil alam ko na alam ng Diyos ito at iisa lang ang nais Niya para sa akin — ang ako ay pagpalain, iyon lang. Jeremiah 29:11

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.