“Kapag Napagod Ang Puso”

Photo by Counselling (Pixabay)

Mahirap talaga maging masaya.

Dahil umangat lang ang buhay mo nang kaunti, hinihila ka na pababa.

Gusto mo lang maging masaya, tumawa, pero ang ending ginawa ka lang katawa-tawa, may bonus pang pinagmukha kang tanga.

Oo, minsan walang dahilan basta “mahal mo lang”. Pero pag malungkot ka’t nasasaktan, bakit laging may dahilan? Hindi ba puwedeng paminsan-minsan, mga problema ikaw ay tantanan? Hindi ‘yung tipong katatapos lang ng isa, ay ‘eto na naman? Meron na namang kasunod?


Photo by cocoparisienne (Pixabay)

Paano mo masasabing okay lang ang buhay mo? Kung kahit kaunting sinag ng pag-asa ay ‘di mo maaninag? Saan ka na patungo? Hindi naman puwedeng sa lahat ng oras ay tango ka lang nang tango.

Hindi ka aso. Kailangan mong magdesisyon para sa sarili mo. Masyado ka nang nasaktan para may maramdaman pa? Hindi puwedeng indahin lahat ng bato na ipinupukol sa ‘yo. Wala na ang dati mong lakas. Pinulbos na. Naging buhangin.

Buti pa humiga ka, iyong damhin.Tumingin sa langit at sarili ay tanungin. “Ito ba ang iyong mga hiniling sa bituin?”

Masyado kang nagtiwala. Hindi mo namalayang ikaw pala ay napapariwara. Hindi pa huli para hanapin ang sarili. Tumingin sa salamin, kausapin ang sarili. Lumuhod sa damuhan. Yakapin ang kalungkutan. Maglakad-lakad, tumingin-tingin, di lang ikaw ang sawimpalad.

Tumakbo, isa, dalawa, hanggang sampung kilometro. Punasan ang pawis at isipin mo, “kalingkingan lang ‘to sa lahat ng iyong tiniis” – tao ka, hindi ka ipis. Hindi ka basta-basta ipinanganak sa mundong ‘to para husgahan. Nino? Ng mga perpekto? O insekto? O ng mga taong walang sinasanto? Basta araw-araw sila ay makaperwisyo?

Doon sila masaya. Ang mamerwisyo sa buhay ng iba. Pero ang tanong? Bibigyan mo ba sila ng pahintulot? Hahayaan mo bang wasakin nila ang iyong kabuuan? Kung karuwagan mang matatawag ang umiwas sa mga basbas ni Satanas, eh, “duwag na kung duwag.” Gusto mo lang mapag-isa, kesa kumasa. Gusto mo lang ng katahimikan at walang hanggang imikan, kesa magtampisaw sa walang tigil na bangayan.

Dahil kapag napagod na ang puso, wala na ‘tong lakas para kunsintihin kahit pagmamahal na pinakamalalim. Oo,

Nakakapagod mapagod. Nakakainis mainis. At nakakahilong umikot-ikot sa mga palad mo. Tapos na ang tsapter mo sa buhay ko. Ayaw ko nang balikan o basahing muli ang bersikulo tonto mong nagpabobo sa tanga kong puso.

Buti na lang kahit kakarampot lang ang utak ko sa tingin mo, gagamitin ko naman ‘to sa tama.

Photo by Fey Ilyas

Tama lang na magising sa katotohanan kaysa matulog nang mahimbing sa kasinungalingan.

Tama lang na piliin kong maging masaya, dahil ang manatili sa piling mo ay hindi na nakakatawa – isa na ‘tong malaking disgrasya!

Tama lang na seryosohin ko bawat kataga at linya ng “hugot” kong ito – at least ako seryoso, eh ikaw? Ano ba ang kaya mong gawin? Ang saktan ako paulit-ulit? Paano kung sabihin ko sa ‘yo na huli na ‘yan?

Dahil mismo sa araw na ‘to tinatapos ko na kung ano meron tayo?

Hindi ako si Darna. At malabong maging Wonderwoman. Isa lang akong hamak na tao na nagtiwala sa ‘yo, nagpasensiya (tamang ginhawa), pero anong ginawa mo? Sinaid mo lahat ng tiwala, pagmamahal at pasensiya ko.

Kaya pasensiyahan tayo, pagod na rin ang puso ko. Napakaiksi ng buhay para hindi maging masaya. Patuloy na iikot ang mundo ko. Patuloy na titibok ang aking puso. Dahil hindi worth it sayangin ang buhay para sa mga maling tao.

Kung hindi mo pipiliing matuto ngayon, kailan pa?

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.