Kambal Ko Ay Si Malas

(Photo credit: dribbble.com)
(Photo credit: dribbble.com)
(Photo credit: dribbble.com)

Bakit ikaw pa ang naging anak ko? Malas ka sa buhay namin, isa kang inutil!”

Ako si Jean, pang-anim sa siyam na magkakapatid. Lumaki ako sa mahirap na pamilya; tahanan na agawan sa atensyon at pagmamahal.

12 years old ako nang paglaruan ni Kapalaran.  Taong 1996, isang masamang pangyayari sa buhay namin ang nagpabago sa takbo sa minsa’y tahimik kong mundo.  Tama, ang buhay na dati ay payapa,  ginimbal ng isang trahedya.   Pinatay ng pinsan ko ang bunso naming kapatid, at sumunod ang pagkasunog ng aming bahay!  Mga pangyayari na hindi ko alam kung bakit sa akin isinisisi at ang mga katagang binitiwan nila ay:

“Isa kang pabayang anak!  Wala kang silbi!”

Puso ko ay labis na nasaktan at aaghimamagsik ang aking kalooban. Mga katanungan na pilit kong hinanapan ng kasagutan.

Bakit ako ang idinidiin sa isang trahedya na hindi ko naman gawa?   Kaya ang dating tuwid kong landas ay lumiko patungo sa  matinik na daan ng buhay. Natuto akong manigarilyo, magsugal at barkada; hindi ko akalain na tatahakin ko ang pakawalang buhay. Ang dating Jean na masunurin ay naging isang rebeldeng anak ng aking mga magulang.

Mga taon ay nagdaan; sa dami ng mga kamalian ko,  minsan kong napag-isipan na dapat kong baguhin buhay ko. Ang baluktot na daan ay muli kong itinuwid.  Bumalik ako sa pag-aaral sa sarili kong sikap, sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga gulay ang pangtustos ko sa pagbabalik sunog-kilay ko.

Ito ay nagbunga ng isang tagumpay, dahil nakatapos ako ng High School. Tagumpay na mag-isa kong hinarap at ipinagdiwang, dahil ni isa sa pamilya ko ay wala ni anino man lang nila. Tinangap ko ang aking diploma nang walang ina, ama, at kapatid na pumapalakpak sa akin.  Kahit ‘di ko nakita ang kanilang ngiti at nadama ang kanilang yakap habang suot ko ang puting toga, dito sa puso ko ay nangibabaw ang pagpatawad dahil sila pa rin ang aking pamilya.

Sa edad na 18 years old, naging matatag ako sa pakikipagsapalaran.  Sa Cebu ang lugar kung saan ako nakahanap ng trabaho sa isang malaking kompanya. Suporta sa aking pamilya ay ‘di ko binalewala; lahat ng sahod ko ay ibinibigay ko sa aking magulang.  Ngunit, ang lahat ng pagsisikap ko ay kulang pa, kaya natuliro ulit ang utak ko.  Muli kong binalikan ang bisyo.   Kung dati ay sigarilyo at sugal, naging mas malala pa dahil ang DROGA ang naging sumbungan ko sa sama ng loob ko sa aking pamilya.

Taong 2004, isang bagong buhay ang sinubukan ko at bago pa ako nabaliw sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, nilisan ko ang bansa na puno ng hinanakit sa puso ko. Napadpad ako sa bansang Lebanon, bansa na akala ko ay magiging ok na ang takbo ng buhay ko.  gunit, pag tinamaan ka talaga ng MALAS!   Dahil sa pangatlong buwan ko ay nasaksihan ko ang pagliliparan ng tatlong bomba sa bahay ni Amo!

Akala ko’y iyon na ang katapusan ko. Dito sa bansang ito ay naranasan ko ang buhay sa loob ng kulungan! Dahil na rin sa kalupitan ng naging amo ko, naging TNT ako; buhay na walang kasiguraduhan, kaya dalawang buwan kong naranasan  ang tumira sa selda sa ibang bansa.

Pagkaraan ng dalawang buwan kong pagkabilango, nakamit ko rin ang kalayaan at muli kong nasilayan ang Pilipinas.  Pagdating ko ay wala akong sinayang na oras at araw, agad akong nag-apply papuntang Dubai.  Sa bagong bansa, akala ko’y susuwertihin na ako, pero dito ko naranasan ang magmahal at maloko nang todo ng dalawang tao na  pinahalagahan ko.

Inahas ako ng sarili kong kaibigan! Kung kailan malapit na ang kasal namin ng lalaking iniibig ko, saka naman ito nagloko at iniwan akong BUNTIS!  Dama ko ang sakit; inisip ko na sa buhay ko ay ‘di ko naranasan na maging masaya man lang kahit panandalian lang.  Na pilit inagaw ang mga magagandang pangyayari sa buhay ko, at sa bawat  tagumpay na sana ay laging si Malas naman ang umeeksena.

Umuwi akong bigo; bigo sa mga pangarap ko at ngayon,  may isang anghel sa aking sinapupunan ang bubuhayin ko.  Na sa kabila ng pag-iwan ng Tatay n’ya ay ‘di ko inisip na ipalaglag siya.  Dumiretso ako sa bahay ng ate ko, dahil siya lang ang nakaiintindi sa akin.  Pagkalipas ng ilang araw, isang masakit na mura at panlalait mula sa sarili kong mga magulang ang aking natanggap.  Mga masasakit na salita na mula pa noon  ay naging musika na sa aking tainga.

Taong 2011 dinanas ko ang hirap sa panganganak.  May mga magulang talaga na kayang tiisin ang isang anak kahit ito ay nasa bingit na ng kamatayan!  Isang MALDISYON ang ginawa ng aking ina!  Kahit halos mapugto na ang aking hininga ay bingi ito at pusong bato.  Kaya, sa kaunti kong pera ay nagpa-CS ako, ‘di ko alintana na maubos ang pera ko; ang mahalaga ay mailabas ko ang anak ko! Iyon ang mahalaga sa akin; ang mailigtas ang aking anak.

“Mabubuhay ka, anak…Makikita mo ang mundo! Mahal na mahal kita!”

Ngayon ay nandito ulit ako sa bansang QATAR, bagong buhay naman para sa magandang kinabukasan ng aking anak. Patuloy akong lalaban sa bawat agos ng aking buhay, para sa anak ko, kasama ang panalangin.

Alam ko na magtatagumpay pa rin ako  kakambal ko man ay si Malas.

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)