Kamatayan. Pamamaalam. Paglisan.

Ang buhay daw ng tao ay sadyang napakaiksi.  Hindi mo alam kung kailan matatapos ang taning mo sa mundong ito.  Hindi mo sigurado kung kailan ka lilisan.  Hindi mo alam kung kailan ka mamamaalam sa mga taong mahalaga sa iyo.

KAMATAYAN.

Isang bagay na hindi natin maiiwasang lahat.  Gustuhin man natin o sa hindi, doon at doon pa rin ang bagsak natin.  Sadyang ganoon nga lang ang buhay; may nauuna , may nahuhuli.  Hindi ka naman puwedeng makipagbargain kay Kamatayan kapag dumating na siya para sunduin ka.  Hindi ka naman puwedeng magsabing, ” Wait lang.  Hindi pa ako ready.

Ngunit ano nga ba ang mas masakit?  Ang lumisan? O ang maiwan?

Hindi ko alam.

Ako mismo ay hindi makasasagot sa tanong na ‘yan.

May mga nagsasabing mahirap tanggapin na may taning na ang iyong buhay.  Lalo na sa mga taong  may mga potensyal, mga taong marami pang puwedeng gawin.  Mahirap tanggapin na wala na silang magagawa para iwasan pa ang sa kanila’y nakatakdang mangyari.

May mga nagsasabing mas mahirap ang maiwan, ang maulila.  Mas mahirap tanggapin na ang taong mahal mo ay malapit nang mawala sa iyo at wala kang ibang magagawa kundi ang magluksa at tanggapin ito.

Ngunit paano naman ang mga taong biglaan na lamang ang pagpanaw?  Ang mga taong wala man lang warning na mamamatay na pala?  Ang mga taong kahapon ay ayos pa, ngayon ay lumisan na?

Paano ang mga taong hindi man lang naihanda ang kani-kanilang mga sarili na sila na pala ay mauulila?  Ang mga taong biglaan na lamang na nilisan na mga mahal nila sa buhay?

Lahat naman siguro ay mahirap tanggapin.  Lahat ay masakit sa damdamin.  Ngunit ano pa nga ba ang ating magagawa?

Normal na tayo ay magluksa.  Normal na umiyak.  Minsan, normal din na magalit at makaramdam na tayo ay nadaya ng panahon.  Ngunit pagkatapos ng lahat ng ito, ano na?

Patuloy na iikot ang mundo.  Hindi titigil ang buhay natin dahil lamang sa kasawiang ating natamo.

Nauna man sila, sa bandang huli tayo muli ay magsasama-sama sa Kaharian ng Diyos na ating Ama.

After that, we who are still alive and are left will be caught up together with them in the clouds to meet the Lord in the air. And so we will be with the Lord forever.  Therefore encourage each other with these words.” – 1 Thesallonians 4: 17-18

-April13 12/03/12-

Enhanced by Zemanta

About april13

Nurse na nakastuck sa Disyerto. Writer na naglalakbay sa iba't ibang mundo ( hangga't kayang marating ng utak ko).