Kalungkutan sa Kapaskuhan

photo credit by globalgrind.com

Kamakailan lamang ay ginulantang ang buong mundo sa nangyaring masaker dito sa Newtown, Connecticut.  Isa ito sa pinakamatinding krimen,dahil ito ay nangyari sa isang paaralan ang Sandy Hook Elementary school. Ikalabing-apat ng Disyembre,taong kasalukuyan,nang si Adam lanza,20 taong gulang ay nagpumilit na pumasok sa paaralan at nagpaulan ng mga bala.Nasawi ang 20 mag-aaral at anim pang mga guro, matapos ang masaker ay nagpatiwakal din si Lanza.Natuklasan din ng mga awtoridad na nauna ng pinatay ni Lanza ang kaniyang ina sa kanilang bahay sa Connecticut.

Walang makapagsabi kung ano ang naging motibo ni Lanza kung bakit nagawa ang ganoong uri ng krimen.Marahil siya ay may diprensiya sa pag-iisip.Marahil may kinikimkim siyang galit sa mga babae,o maaari ding may mga bagay na nawala sa kaniyang kabataan.Maaari ding si Lanza ay naging taga-hanga ng mga madudugong palabas sa Telebisyon.Kung ano man ang kaniyang rason, siya na lamang ang nakaaalam dahil siya man ay wala na rin.

Nakaiiyak ang resulta ng awtopsiya,dahil nakita na ang mga bata at mga guro ay binaril ng malapitan, at halos lahat sa kanila ay may labing-isa o higit pang mga tama ng baril  sa kanilang katawan.Halos nagluksa ang buong Amerika,maraming lumuha,maraming nagsindi ng kandila at nag-alay ng dasal.Kahit si Presidente Obama ay napaluha sa kasakunaang naganap.Ipinag- utos din na I- half-staff ang mga bandila bilang pag- galang sa mga namatay.

Bilang isang ina, nakikidalamhati ako sa mga magulang na nawalan ng anak,napakasakit dahil kung kailan pa magpapasko ay saka pa nangyari ang krimeng ito. Habang tinitingnan ko ang pagbabalita tungkol dito ay hindi ko maiwasan na yakaping mahigpit ang aking anak.Aking panalangin na sana ito ay maging kasaysayan na lamang,huwag nawa sana itong maulit pa sa hinaharap.Maging matatag nawa ang mga kaanak ng mga nasawi at sana ay lagi nilang isipin na mayroong magandang sikat ng araw, pagkalipas ng unos.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.