Kala N’yo Kayo Lang…..

Teacher (Photo Credit: elephantjournal)
Teacher (Photo Credit: elephantjournal)

Eksena sa isang classroom:

History class; habang nagtuturo ang teacher, si Juan ay busy sa pakikipagkwentuhan.  Napansin yun guro at tinawag ang kanyang atensyon.

Teacher    : Juan, mukhang alam mo na ang aking leksyon kaya’ di ka na nakikinig sa akin. Sige, kung masasagot mo ang aking tanong kahit makipagkwentuhan ka, okey lang.

Juan: (nauutal).o..o…o…ppppo ma’m(buti na lang at opo ang sagot)

Teacher     (Photo Credit:   elephantjournal)
Teacher (Photo Credit: elephantjournal)

Teacher:  Sino si Marcario Sakay at ano ang nagawa nya sa Pilipinas?

Juan: (tumayo, sabay lingon sa kaliwa’t kanan at nagkamot ng ulo)….sssossossorrry po, ma’m, di ko s’ya kilala.

Teacher: .blah…blahhh…(nagsimulang magsermon)

Juan: …eh, kayo, ma’m, kilala mo ba si Candy?

Teacher:( Mabilis na sumagot) hindi…sino ba yun?

Juan: Sus naman, ang tanda n’yo na ang tanga n’yo pa rin.  Si Candy , kabit ng iyong asawa.  Alam na nga ng mga kapitbahay n’yo eh.

—–

Madalas gawing biruan ang eksena sa classroom. Minsan nakakainis din kung ang teacher ang ginagawang tanga o katatawanan. Sa tunay na buhay sa isang classroom meron naman talagang ganyan.  Pero kabaliktaran ang pangyayari, ‘di naman talaga ang teacher ang nakakatawa kundi ang nangyayari sa bawat eksena.

Minsan, naka-set ang utak mo na magturo, pero sasalubungin ka lang ng problema.  Wala pa ngang “Good Morning ma’am”, eto na ang entrada.

“Ma’am, si Jerome binasag ang jalousy sa classroom”, o di kaya, “Ma’am sinuntok ako ni John” , sabay sagutan ng magkabilang panig.  Pakiramdam mo, ‘di ka na nila nakikita dahil sila na ang center of attraction at bida; parang nasa sabungan din dahil ang mga kaklase makikihalo din.  Ang iba,  nagtatawanan.

Minsan din pag vacant class, may tatakbo sa teacher, “Ma’am si ganito nasugatan, kasi naghahabulan sila at yun nadapa di nakita may bubog pala…”(yung bote estudyante din ang nagbasag).

Kahit may ginagawa, tatakbo sa eksena, at kung malala ang sugat, dadalhin sa doktor sa bayan ang biktima at ipagagamot, paiinjectionan pa ng anti-tetanus, kaninong gastos?…kanino pa eh sa teacher. O dili kaya, “Ma’am si ganito hinimatay”,….takbo uli papunta sa classroom, aasikasuhin ang estudyante,  pag nahimasmasan, papakainin dahil ‘di lang pala nakapag-almusal sa bahay….(wala daw kasing pagkain).

Ito ay ilan lang sa mga eksenang kailan man ay ‘di nakikita ng tao sa labas ng paaralan.  Kadalasan, mas madali maghusga at magsalita. Eh kasi terror si sir at ma’am.  Konting galaw lang, kadaming sermon at uuwi na lang, may uutusan pa, “pakiaayos ang ating classroom bago umuwi“…nakakarindi nga di ba?

Ngunit sa araw araw na pabalik-balik sa paaralan, kung ang estudyanteng napipilitan lang pumasok dahil mapapagalitan ng magulang ;at nagiging dahilan para mag-ingay sa klase, o kaya makipag-away lang ang inyong makakaharap, naku, kung wala kang pasensya, ‘di pa natapos ang taon, puti na ang buhok mo.

Sino nga ba ang makakapagmemorize ng mga pangalan nila? Ikaw, kaya mo ba? ‘Di apelyido ha, pangalan….mas masarap kasing tawagin sa pangalan kesa sa apelyido.  Subukan mo… at kung may lumapit na isa dyan at makipag-usap sa ‘yo,  naku, gaya ng isang magulang napakasarap sa pakiramdam.

Mahirap  na masarap. ‘Di lang isa ang boss, ‘di lang si principal. Andiyan ang supervisor, andyan ang superintendent, ang kinatawan sa region at syempre si Secretary mismo, pero ‘di sila ang starring ng buhay namin. Ang mga estudyante mismo.

Bihira ang talagang nagpupursigi na makatapos. Mahirap na nga, bulakbol pa ang alam.  Ang rason, ‘di naman daw sila magkokolehiyo, kaya makagraduate lang kahit 75 ang grade okey na. P’wede na daw yun sa pag-apply nila bilang katulong, o ‘di kaya pahinante kung saan. ‘Di naman kami nagkulang sa paalala, ginawa na ngang example ang mga buhay nila. Hindi pa rin makuha at maging inspirasyon,  kasi, wala namang susuporta….  si nanay madaming anak, si tatay walang trabaho.

“Pag nakatapos ako sa hayskul, ako ang magtatrabaho para makatulong sa kanila”

Kakarindi daw kasi, halos ‘di na nga suportado sa highschool, at basta lang pinapasok kesahodang may contribution, ‘di makakapagbigay.  Pag may project ‘di makakapagpasa, may nag-aantay pang obligasyon. Sino nga naman ang magkakaron ng inspirasyon? Kung kelan daw kasi gustong gustong pumasok, pinapagliban para mag-alaga ng kapatid dahil magbibinggo si nanay sa kapitbahay.

Nakakatawa kaya ang ganitong eksena? At naisip n’yo ba kung bakit ang teacher ay mahaba ang pasensya? Sa probinsya, madali ang solusyon; ‘di gaya ng sa syudad kung saan halos di na nagkakakilalanlan ang teacher at estudyante.  Bisitahin mo ang pamilya ng bawat estudyante na pasaway o kaya may problema sa paaralan. Doon pa lang alam mo na ang sagot. Mawawalan ka ng lakas sa awa sa bata.  Minsan naman kung kelan may kaya sa buhay, siya pa din ang walang pakialam.  Mahirap nga, at bawat tao ay may karanasang maging estudyante at ‘di makukwentuhan kung ano ang nangyayari sa loob ng classroom.

Naisip n’yo, ‘di ba kung bakit ‘di yumayaman ang teacher? Kasi sa halip na humingi ng kontribusyon sa klase, sinasarili ang gasto, sa pagpapaganda ng classroom, para maging conducive to learning sa mga anak nyo.  Na minsan, ilang ulit pang sisirain ng mga estudyante.  O dili kaya, pag may problema ang bata, teacher ang sumasagot…kasabay pa ng mga gawaing hinihingi ng departamento na teacher din ang gagastos.  Eh di lang naman mag-isang namumuhay ang teacher; may pamilya din, may anak….namamasahe para makapasok, kumakain din.  Hindi naman sa nagrereklamo, pero ‘yun ang totoo. Sobra pa d’yan, ngunit ‘di na dapat isa-isahin ang kwento.  Kami kami na lang ang nakakaalam ng iba nito. Minsan napapabayaan na nga ang sarili, kaya may nakakalimot nang mag-asawa o ‘di kaya pinalitan na ng asawa.

Asan ang yaman?  Kapag ang pinakapasaway na estudyante ay nagbalik at nakita ang pag-asenso.  Sobra pa sa yaman yun.  Nakagawa ka ng tao… taong may pakinabang sa komunidad…o kaya, makita mo na ‘di man nakapagtapos, magaling sa larangan na kanyang pinili.  Ganun lang ang sukli nun….

Kadalasan din sabi nila, ang teacher taga London.…loan dito…loan doon….wala ka namang nakikitang pagbabago sa buhay…..pero alam n’yo ba ang dahilan?….nagpapaaral din ng mga anak ‘yan….

Kaya sana sa susunod na ang teacher ang gawing tampulan ng katatawanan … sana mag-isip -isip nang maraming beses...

Iba na ang teacher ngayon, ‘di na tindahan

Child centered…..child friendly…..una ang anak n’yo…, bago ang sarili…, bago ang sariling  anak man….

Kaya, sige, magbulakbol ka…may joke din kami para sa ganyan…

kaya paalala..  “mag-aral ka…magtapos ka….”

Kung hindi…you’ll be a big joke!  ^_^

author:  jessa maria

                                                                                                                                     p.e./mj

5 Comments

  1. its nice to know na inaappreciate pa rin nang marami ang mga efforts ng tulad naming teachers..minsan kasi sa real life parang ang teacher ang pinakanaapi sa lahat ng propesyon..

  2. tama!ang buhay guro ay hindi madali ngunit sa kabila ng lahat iba ang sense of fulfillment…maliban sa pagtuturo sa mga bata kung paano magbilang at magbasa, nangingibabaw din sa isang guro ang adhikain na makapagbigay inspirasyon sa mga kabataan pra sa kanilang ikauunlad…sometimes at theri own expense literaly and figuratively.
    teaching has evolved the past decades, instead of being teacher-centered it has become child-centered already. but we should acknowledge the fact that our teachers give more than knowledge..they give their whole self to their calling.

Leave a Reply

Your email address will not be published.