Kailangan ba talaga natin Ng bayani?

Courtesy of mazkipaps.wordpress.com (I do not own this)
Courtesy of mazkipaps.wordpress.com (I do not own this)
Courtesy of mazkipaps.wordpress.com (I do not own this)

Sa panahon ngayon, halos hindi na mabilang ang mga trahedya na dumaan sa ating bansa. Andyan ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda na hanggang ngayon ay hirap pa rin maka-ahon mula sa pinsalang ginawa ng napakalakas na bagyo. Matapos niyan, sumunod naman ang pagkamatay ng SAF 44, ang mga pulis na pinatay ng mga kawatang terrorista sa Mindanao na hanggang ngayon ay pilit pa rin iniiwasang pag-usapan ng masinsinan ng ating mismong gobyerno na pino-protektahan nila. Tapos, kama-kailan lang, umiyak at nagmakaawa ang buong bansa para mailigtas ang buhay ng OFW na si Mary Jane Veloso at kahit sabihin na nating hindi natuloy ang pag-bitay sa kanya sa ngayon, malaki pa rin ang posibilidad na ituloy ng Indonesia ang pag-bitay sa kanya.

Sa dami-dami ng aking napanood sa lokal na telebisyon at pelikula, lagi kong nakikita and simpleng tema kung saan may bayani na laging nagliligtas sa mga tao sa kapahamakan. Hindi rin naman siguro ito masama sapagkat marami din namang banyagang media na ganito rin ang nilalaman, tignan mo na lang ang popularidad ng Avengers at Transformers at kahit ako, gusto ko rin naman ang mga ito. Ngunit bandang huli, ayon sa nakikita ko ay parang puro na lang paghahanap o paghihintay sa isang bayani ang ginagawa ng mga tao. Tulad ng sinabi Bob Ong, sa ganitong klaseng mga kuwento at palabas, lagi na lang umaasa ang lipunan sa mga bayaning magliligtas sa kanila mula sa kapahamakan tulad ng mga higanteng uod o palaka o kaya naman mga alien na mukhang mga psychedelic go-go girls.

Ang nakalulungkot isipin ay dahil sa baluktot na kulturang kinasanayan nating mga Pilipino, ang paghahari ng mga kurakot na pulitiko at ang tuluyan pagpapabobo ng lokal na media sa masa at kabataan, mukhang puro paghihintay na lang sa isang tagapagligtas ang magagawa ng mamamayan ng Pilipinas. Kung puro na lang ganito, malabong magkakaroon ng positibong pagbabago sa ating inang bayan. Kund hindi ka naniniwala sa mga sinasabi ko, basahin at pag-isipan sana ang mga sumusunod:

Lagi Na Lang Mga Artista At Popular Na Personalidad Ang Nalalagay Sa Puwesto

Malungkot isipin ngunit sabihin man natin na “demokrasya” ang Pilipinas, hindi ito ipektibong demokrasya. Nasusunod man ang kagastuhan ng mga mamamayan, hindi naman natin masasabi na ganoon kaganda ang kanilang mga desisyon kung ang mga nasa-puwesto ay abalang-abala sa pag-gawa ng pelikula o palabas o kailangan pa ng interpreter sa meeting habang nagkakagulo na ang buong bansa. Bandang huli, lugi pa rin tayong mamamayan kung ang mga mauupo sa puwesto ay ang mga taong gusto natin at hindi ang tama.

Sa ngayon, natutuwa ako at marami ng mga Pilipino ang unti-unting nagigising sa katotohanan. Nawawala na sa uso ang mga artistang nauupo sa puwesto at marami na rin ang hindi nagpapaloko sa media at propaganda, tulad na lang ng kaso ni Villar. Ngunit hindi pa rin natin maitatanggi na marami pa rin na mga popular na personalidad na nailuluklok sa puwesto dala ng kanilang kasikatan at hind dahil sa kanilang kaalaman o karanasan bilang isang pinuno.

Sabihin man natin na marami na ang nagtanda o nagising sa katotohanan, marami pa rin ang tila sumasamba sa mga celebrity at halos ituring na nila itong mga diyos o diyosa. Walang masama sa paghanga sa isang personalidad, ngunit sa aking palagay, hindi naman dapat natin sila tratuhin bilang mga taong dugong bughaw tulad ng pagtrato ng mga mamayan sa kanilang mga maharlika sa sistemang feudal na usong-uso noong unang panahon.

Maraming Uma-Asa Na Lang Sa “Libre”

Ansarap ma-libre, ‘di ba? Wala naman sigurong masama sa panlilibre ng kapwa at sa pagsama sa libreng kainan o kapistahan. Pero sa aking palagay, hindi naman na maganda ang pag-asa lang natin sa “libre”.

Kung puro na lang libre ang aasahan natin, papaano naman ang ating ekonomiya? Dahil nga hindi ganoon ka-mature mag-isip ang ating mga kapwa Pilipino ay madali silang naloloko ng mga kawatang pulitiko. Magbibigay lang ng libreng miryenda, palabas o gamot ay agad ng naniniwalang mabuti ang intensyon ng isang pulitiko na sa katotohanan ay takam-na-takam sa kapangyarihan at uhaw-na-uhaw sa nakaw na yaman. Sa simpleng libreng serbisyo na kadalasan ay panandalian lamang, marami na ang agad na kumakampi sa isang pulitiko kahit na marami nang kaso ng pangungurakot, pagnanakaw at iba pa ang nakasampa laban sa nasabing pulitiko.

At hindi lang ito sa larangan ng pulitiko makikita. Masasabi din na marami ang uma-asa na lang sa libre tulad ng libu-libong sumasali sa iba’t-ibang mga game show sa TV at naghihintay na lang ng mga ipamimigay. Walang masama sa pagtulong sa kapwa, totoo iyon. Pero kung hindi natin tuturuan ang kapwa nating na tulungan ang kanilang mga sarili, sama-sama tayong malulugmok sa kahirapan at sama-sama tayong magdurusa dahil dito.

“Bahala Na” At “Puwede Na Iyan”

Ang mga salitang “bahala na” at “puwede na iyan” ay madalas kong marinig sa mga taong masyadong tamad para tapusin o ayusin ang kanilang mga trabaho o gawain. Maari kong sabihin na isa rin naman akong hamak na tamad pero kung ang mismong mga propesyonal na nagpapatakbo sa ating bansa at mga inaasahang mag-reresolba sa ating mga suliranin ay ganito din ang sagot.

Nakakalungkot isipin na “bahala na” at “puwede na iyan” ang sagot ng nakararami pag tinatanong ukol sa kalagayan ng bansa tulad ng yaman na hindi rin naman nadadama ng karamihan ng mamamayan o ang mga pampublikong ospital na kadalasan ay kulang sa gamit at walang pondo. Kung puro na lang “bahala na” at “puwede na iyan” ang sagot sa problema ng ating bansa, malamang bahala na kung maraming mamatay sa susunod ng pagdating ng isang malakas na bagyo tulad ng Yolanda o tulad ng lindol na sumira sa Nepal at puwede na siguro kung mananatiling mang-mang, walang pinag-aralan, walang trabaho at walang silbi ang susunod na henerasyon.

Marahil, umuugat ang mga salitang “bahala na” at “puwede na iyan” sa pag-aakalang may ibang aayos ng ating mga problema. Base sa nakikita sa ating bansa ngayon, marami pa rin ang mga naniniwala na hindi nila problema ang kalidad ng kanilang trabaho.

***

Huwag sana nating kalimutan na ang pagbabago ay dapat magsimula sa ating mga sarili at hindi sa kung sino pa man. Ang pag-unlad, sa aking palagay, ay umuugat sa pag-disiplina sa ating mga sarili at hindi puwedeng manggaling sa iba. Ang bawat isa sa atin ay puwedeng maging bayani sa sarili nating paraan kung pipiliin nating maging disiplinado at kung pag-iisipan nating ang ating mga desisyon sa buhay.