“Kagat Ng Kapalaran – Unang Bahagi” (OFW-Kuwento ng Buhay)

kagatkagatGusto ko lamang po ibahagi ang labing-apat na taong karanasan ko sa dalawang bansang sumubok ng suwerte ko sa buhay. At ngayon ay nanatiling naninirahan at nakikipagsapalaran sa ibayong dagat.

Gagamit na lamang ako ng ibang pangalan upang maitago ang aking tunay na pagkakakilanlan.
Kahit sadsad sa kahirapan ang aming buhay ay wala sa aking hinagap ang pangingibang bansa. Hindi dahil sa kuntento na ako sa kahirapan na dinadanas simula ng ipinanganak ngunit alam ko sa sarili ko na hindi ko kayang makipagsapalaran sa estrangherong lugar na malayo sa pamilya’t mga kakilala ko. Iyon ang akala ko… nguni’t sadyang mapaglaro at puno ng misteryo ang bawat yugto ng ating buhay. May mga bagay na kailangan mong danasin upang mahubog kang maigi para kahit anumang oras ay hindi na kayang mabuwal ng kahit anong delubyo o unos sa buhay.

Ikatlong baitang lamang sa elementarya ang natapos ko at ika-pito sa siyam na magkakapatid. Tanging pagbubukid sa lupang hindi pa namin sariling pag-aari ang ikinabubuhay ng aking ima’t ina noong panahon ng kanilang kalakasan.

Mapalad pa nga raw ako at napagtagumpayan kong marating ang ikatlong baitang sa elementarya samantalang ang mga kapatid ay pinakamapalad na ang matapos ang unang baitang sa elementarya.

Sadyang wala noon sa aming bokabularyo ang magbuhos ng atensyon at pagpapahalaga sa pagsusunog ng kilay.

Noong siyam na taong gulang pa lamang ako ay batak na ang musmos na katawan sa mga gawaing bukid at bahay.

Kung ang ibang bata sa edad ko ay hawak ay platu-platuhan ako naman ay totoong mga plato na siyang hinuhugasan, totoong bata na siyang kapatid na ina-alagaan (iniisip na lamang na ito ay manyika-manyikaan), mga sandamakmak na labahin at walis tambo para maglinis.

Ngunit hindi ko akalain na sa mismong edad ko na iyon ay lilisanin ko ang pinakamamahal na baryo.

Nangangailangan ang isa sa mga pinalad na kapatid ng aking ama ng isang kasambahay sa kanilang tahanan at kapalit daw ay makapag-aaral ng hanggang sa kolehiyo.

Kaya naman nakiusap akong maigi kay ama’t ina na ako na lamang ang ipadala dahil sa aming magkakapatid ako ang numero-unong maasahan pagdating sa kasinupan at kalinisan ng aming munting barong-barong.

Kaya sa inaakalang ang paglisan sa amin ang magiging susi ng pagtupad ng mga pangarap na makaangat sa buhay ay naguumapaw ang puso ko habang tinutunton ang mahabang biyahe papuntang Maynila.

Sa unang linggo ko ay lupaypay ang napakaliit kong katawan sa tambak na trabahong inabutan. Alila ang turing ng kamag-anak sa aming mga hampaslupa nilang kadugo.

Walang araw na bago ako matulog ay sinusulatan ko ang aking ama’t ina para sunduin na ako, labis ang pagsisisi kung bakit nagpursige akong umalis pa sa tahimik at simpleng pamumuhay sa aming nayon.

Habang tumatagal ay ang pagtratong alila ay naging masahol pa sa hayop. Minsan ay ikinulong ako ng tatlong araw na hindi pinapakain o pinaiinum man lamang sa pagkakamali kong tutuusin ay namantsahan ang isang pirasong damit.

Sumunod ay ang hindi pagtupad sa pagpapaaral kahit nakapagsilbi na ako ng dalawang taon. Ang ilang pirasong damit ay para ng basahan dahil kahit piso ay hindi pinapasuwelduhan kaya hindi man lang makabili ng maisusuot na matinong damit.

Sa edad kong labing-isa ay naglaho na ng tuluyan ang inaasam na makapag-aaral at ang kamusmusan ay tinangay na ng mga pait at kinimkim na galit sa dibdib.

“Tuluyan na akong balewala kay Inay at Itay! Hindi man lamang sinagot kahit isa sa aking mga liham. Patuloy ang aking pangaraw-araw na pagtangis sa gabi hanggang sa makatulugan ang pag-iyak.

Patuloy na nagtitimpi at nagtitiis kahit pinagbubuhatan na ng kamay.

Madalas ay hinahambalos ng sinturon lung magkamali sa putaheng niluluto at ipapakain sa akin iyon kahit hanggng sa panis na. Inuunti-unti na wala dapat masanay. Kahit naduduwal habang ikinakain ay talagang ingungudngod ako sa pagkaing iyon. Natuto akong dukutin ang lalamunan para maisuka ang sapilitan na ipinakain sa akin.

Maaaring nakapagtatakang hindi man lamang ako nag-isip na takasan ang mala-impiyernong lugar na iyon?

Una kasi sabi ko sa sarili kahit papaano ay nakakain pa ako at may silid tulugan na kahit pa nga isa iyong tambakan.
Masyado akong duwag kasi kahit nga sarili ng pamilya ay nagawa akong talikuran. Sabi sa sarili, “Paano na ako kung sakaling aalis?”

Hindi ko na alintana ang lahat ng pasakit na dinadanas noon. Kung matulog ay apat na oras lamang. Pagkain ko ay hindi sapat. Kaya naman hindi namamalayan ang unti-unting pagkahina ng katawan. Minsan ay bigla na lamang umikot ang paningin hanggang sa tuluyang nagdilim. Bumagsak ako sa damuhan kung saan ay kasalukuyang kainitan ng araw at gusto ng tiyahin ko ay linisan.

Tumagal daw ng tatlong oras ang aking kawalan ng malay kaya bigla silang kinabahan at isinugod ako sa hospital.

Lumabas sa resulta na ako ay may tuberculosis at ako raw ay anemic.
Dahil sa sakit ay bigla akong pinandirihan ng kamag-anak na pinagsisilbihan ko ng buong puso’t kaluluwa. Pinalayas ako ora mismo sa kanilang tahanan at nagmakaawa pang kahit sa may balkon lamang o garahe patirahin ay tatanggapin huwag lamang ipagtabuyan.

Masungit ang panahon ng mga sandaling iyon animo’y nakikiramay sa sama ng loob ko ng mga panahon na iyon. Hindi inalintana ang lamig ng hangin at pabugso-bugsong ulan ay sinimulan talikuran ang impiyernong bahay at mga kampon ng demonyo na nakatira roon.

Labing-apat na taong gulang ako noon at talagang mangmang sa Kamaynilaan. Simula ng manilbihan sa kamag-anak ay kahit kailan hindi nakalabas.

Sa loob ng tatlong linggo ay nagpalaboy-laboy. Para malamnan ang tiyan ay naghuhugas sa karinderya at nagbabakasaling may bakanteng trabaho na kapalit ay makakain at may matulugan.

Kung saan-saan na ako napadpad at sadyang hirap sa pagbabasa lalo na sa wikang Ingles, kung kaya’t halata ang aking kamangmangan.

Sa hindi inaasahan na pagkakataon ay may isang matandang babae ang nadaanan ako sa isang parke kung saan ay sinita ang aking paghagulhol

“Iha, ano ang problema? Bakit ka nag-iisa at umiiyak?” puno ng pagmamalasakit niyang tanong.

“Ako po ay walang matuluyan at tatlong araw na rin na hindi nakakain man lang! At napaubo akong bigla at napansin ang masamang timpla ng aking katawan.

Laking tuwa ko ng sinabi niya sa akin na sumama sa kanya at tutulungan ako.

Inamin ko ang aking karamdaman at huwag daw akong mag-alala dahil isa siyang retiradong manggagamot.

Bumungad sa aking harapan ang marangyang kabahayan. At sinabi niyang mag-isa lamang siya sa malapalasyong tahanan. Ang limang anak ay lahat ay may kanya-kanyang buhay na at kamamatay lamang ng kanyang asawa.

Sa parke nga daw na kung saan niya ako natagpuan ay ang lugar kung saan ay nagpapalipas silang mag-asawa noong nabubuhay pa. Dinadama ang kasimplehan lamang daw ng buhay at nagmamasid sa kapaligiran.

Naging maalwan ang pagtira ko kay Mommy Fe, itinuring akong anak at laking tuwa ko na siya mismo ang nag-alok na tuturuan akong magbasa. At kapag marunong na daw ako ay pagpapaaralin sa eksklusibong paaralan.

Gumaling din ang aking mga karamdaman at unti-unti ng nagkakalaman ang katawan.

Nagpursige akong mag-aral magbasa para sa darating noon na pasukan ay makapag-aral sana.

Ngunit hindi pa rin umayon ang magandang kapalaran. Biglang binawian si Mommy Fe dahil sa atake sa puso.
Kalaliman mg Gabi iyon ng mangyari kung kaya’t natagpuan na lamang namin siyang patay.

Ngunit ang pinakamasaklap ay ako ang idinidiin ng pamilya dahil sa kanyang pagkamatay.

Bigla akong inaresto at kinulong. Pinahirapan ng mga pulis para umamin. Ngunit nakulong man ako nang mahigit isang buwan ay ikinatuwa ko ang aking paglaya dahil sa kakulangan ng ebedensiya.

Ngayon ay may sarili akong pera kung saan ay iniipon ang mga bigay ni Mommy Fe at nag-open talaga siya ng bank account para sa akin. Hindi man kalakihan ang naideposito niya ay alam kong sapat para ako ay makapag-umpisa.

Sumubok akong mamasukan bilang isang serbidora. Naging maayos ang naging takbo ng simpleng pamumuhay at sa edad kong labing-anim taong gulang ay nagkaroon ng mga kaibigan at kakilala sa unang pagkakataon.

Naging masaya ang aking buhay at naengganyo akong mangibang bansa dahil sa pagyakag ng isang kakilala.

Itutuloy….