“Kagat Ng Kapalaran-Pagtatapos” (OFW-Kuwento Ng Buhay)

kagatSadyang kapag muli mong naramdaman ang yakap at halik ng mga mahal sa buhay matapos ang matagal na pagkakahiwalay ay magugulat na maglalaho ang mga matagal na bigat ng dibdib na nakatago sa kaibuturan ng puso. Ang mga agam-agam ay napapalitan ng matinding kasiyahan at ang mga kalungkutan na naipon ay napalitan ng kapayapaan at katiwasayan ng loob.

Hindi ko man nais lumisan ulit ngunit dahil wala akong natapos ay hindi ko alam kong paano mamamasukan sa Pilipinas. At saka parang hinahanap na rin ng katawan ko ang makasubok naman sa ibang lugar para bumuo ulit ng panibagong pangarap.

Kaya naman nanatili lamang sa piling ng pamilya ng tatlong buwan at nakatakda na ulit mapadpad naman sa bansang Jordan.

Sabi ko sa sarili ay hindi papayag na uuwi na luhaan. Ang among nadatnan ay mag-asawang nasa sisenta mahigit na parehas. Ang among lalaki ay nakatali na sa wheelchair dahil sa matinding pagkastroke at ang babae naman ay halatang ginupo na rin ng kung anu-anong karamdaman.

May anim silang anak, ang pinakabunso ay kasing edad ko lamang. Ang panganay at pangalawang mga anak nila ay pawang nakabukod na at padalaw-dalaw na lamang. Dalawa kaming naninilbihan sa pamilya, ang isa kong kasama ay pribadong nars para tagapag-alaga sa mga matanda.

Wala kaming pakialamanan sa trabaho at kanya-kanyang diskarte. Kung noon ay liham lamang ang gamit ay noon ay uso na ng paggamit ng selepono. Kaya madali kong nakakausap ang aking pamilya na nakakapawi ng pangungulila.

Wala naman problema sa trabaho dahil hindi naman maselan ang mga anak at mayroon din day-off. Kaya nagkaroon ako ulit ng mga kaibigan na mga kalahi sa bansang iyon. Hindi ako linggo-linggo kung lumabas kasi gusto ko naman ang makapagtabi ng sariling pera.

Patuloy lang ang pangaraw-araw na gawain ng bigla akong makatanggap ng mensahe sa selepono na, “Nadisgrasya ang aking ama at patay na!”

Napansin ako ng amo kong lalaki na pangapat sa mga magkakapatid sa isang tabi na tulalang-tulala! Kinakausap daw ako pero hindi kumukurap ang mata ko at patuloy na tumutulo ang luha!

Tinawag daw si pribadong nars at ipinakausap sa akin ngunit bigla akong nawalan ng malay. Kaya naman dinala ako ng lalaking amo sa pagamutan at doon ay nahimasmasan at nagulat ang lahat ng magsisigaw ako at humagulhol.

Nagtaka ang amo kong lalaki at napayakap sa akin at sinasabing tumahan na ako.

Nasa ganun sitwasyon kami ng ilang oras hanggang sa tinurukan ako ng pampakalma at pagkagising ko ay nandoon na ang amo kong babae na pangatlo sa lahat at siyang nasusunod sa bahay.

Nanlalaki ang mata sa akin at kinokumpronta ako! Sagot ko ay namatay ang tatay ko! Sagot sa akin, Ok! Do not worry! I will give you money! But you cannot go home!”

Tumutol ako at sinubukan kong humingi ng tulong sa agency para lamang umuwi kahit isang linggo ngunit hindi talaga ako pinayagan. Kapag pinagpilitan ko raw ay pababayad sa akin ang ginastos nila at ako ang mamasahe aa aking sarili. Kailangan ko ang pera kasi para sa burol ni Tatay. Kaya sadyang gulong-gulo ang utak ko at hiningi ng tawad kay Nanay at mga kapatid ang aking sitwasyon.

Hindi naman nila ako pinagtrabaho ng isang linggo para raw makapagpahinga at makapagluksa ako.

Tinupad nila ang pagbibigay ng pera sa akin at ipinadala naman nila kaya naresolba ang gastos para sa maaayos na pagburol at paglibing kay Tatay.

Sa bawat paglipas ng araw ay nababawasan ang pait sa dibdib lalo na at matatag naman si Nanay.

Kaya tuloy lang ang buhay at pinili ko ang mapagsolo kapag umaalis para mag day-off. Minsan ay nag-alok ang lalaki mong amo na dumamay sa pagluluksa ko na si Sir Ahmed na ihatid kung saan ako pupunta at pumayag ako para makatipid ng taxi sabi ko magpapadala lang naman!

Kaya sabi niya ay sasamahan na lamang ako. Wala naman akong malisyang iniisip kasi amo ko siyang lalaki at alam ko na nirerespeto niya ako.

Pagkatapos kong magpadala ay sabi niya may pupuntahan daw kaming lugar. Token of appreciation daw sa mabuting paninilbihan ko sa kanila.

Dinala ako sa tabing dagat at bumili pa ng aming makakain. Para raw makapagrelax ang utak ko. Hinayaan niya lamang akong magmuni-muni habang siya ay natulog.

Nagulat ako ng pagsakay ko ng kotse pabalik ay may ibinigay sa aking maliit na kahon, regalo ko raw!

Pagbukas ko sa bahay ay mamahaling kuwintas at hikaw na may bracelet pa! Sabi niya sa maliit na note, “I will keep you in my heart!”

Labis akong nagtaka at hindi ko maintindihan ang nararamdaman. Habang nagkakasalubong kami ay lagi siyang nakangiti at ako naman ay iwas na iwas sa kanya.

Minsan pa rin ako dinadalaw ng masamang panaginip tungkol sa demonyo kong amo na nagtangka akong halayin.

Kaya hangga’t maaari ay hindi ako magtitiwala sa mga lalaki. Pare-parehas lamang sila, lalo na kapag mga amo dahil alam nilang magiging sunod-sunuran tayong mahihinang tauhan nila.

Nagpasya akong ibalik ang regalo niya at nagulat akong lumubod siya sa harap kp at huwag ko raw saktan ang puso niya.
“Please do not do this to me! I want you to be happy and let you forget all the heartaches you experienced!”

Patuloy ko siyang binabalewala at magtatapos na ang dalawang taon kong paninilbihan ay nagpaalam na ako sa nakatatanda nilang kapatid at pumayag naman ito na makakauwi ako kaya maghahanap na ng kapalit ko.

Magpapadala na naman ako ng pera at nag-alok na naman siya na samahan ako at nakikiusap ang mga matang pumayag daw ako.

Aba! Napakaraming bulaklak ang binigay sa akin at may selepono pang binigay sa akin na may internet daw.

Sabi ko naman, “I cannot accept your gifts anymore because I do not like you and I will go home!”

Bigla niya akong niyakap at nainis talaga ako kaya naman, “Kinagat ko ang braso niya hanggang sa may malasahan akong dugo! Kaya naman tinigilan ko.

“Ouch! You will see, I will not stop unless you will love me too!”

Pinaharurot ang sasakyan at halata ang matinding galit sa akin. Umiyak ako sa kotse at bigla siyang huminto at humingi ng pagpapatawad sa akin.

Kinabukasan ay nagulat ako na hindi pumasok ang mga amo na dapat ay may pasok. Sabi pa ay huwag daw ako maglilinis.

Pinatawag ako at silang lahat ay nakaharap. Pinagpawisan ako kahit napakalamig ng aircon! Naguguluhan kung bakit at kung ano ang nangyayari.

Dumating si Sir Ahmed at bigla ba naman lumapit sa akin at inakbayan ako! “She will be my wife!” This is the proof that we are intimate at ipinakita ang kagat ko sa braso niya.

Hiyang-hiya ako sa lahat at bigla akong nilapitan ng mga magkakapatid at niyakap.

Sinasabing huwag akong mag-alala dahil kilala namam na nila ako at tanggap nila ako bilang miyembro ng kanilang pamilya.

Para akong nakalutang sa hangin ng mga sandaling iyon, umiiyak hindi ko kasi maintindihan ang nangyayari.

Ang mga sumunod na araw ay ang biglaaang paghahanda ng aming kasal at dahil mapera sila ay sa loob ng isang linggo ay kasal na kami.

Sa bilis ng pangyayari ay para lamang akong tau-tauhan ng fairytale na kuwento na umaayon sa mga gusto ng nasa paligid.

Ramdam ko ang walang halong kaplastikan na pagtanggap ng pamilyang pinagsilbihan.

Pagtawag ko sa amin ay gulat na gulat sila at natutuwa kasi baka iyon na raw ang pagkakataon na lumigaya naman ako.

Talagang nanginginig ako sa unang gabi naman mag-asawa at kami noon ay nasa bansang France para sa Honeymoon.

Kinukurot ko pa nga madalas ang sarili ko baka nananaginip lamang ako at baka naman imahinasyon ko lamang ang lahat! Nasanay kasi ako habang naglilinis noon ay lumulipad ang utak at kung anu-ano ang naiisip.

Kaso totoong totoo nga ang lahat! Ngayon ay limang taon na kaming kasal ng aking pinakamaaalahanin at mapagmahal na asawa, mayroon kaming kambal na anak. Isang babae at lalaki. Sinong magaakala ang ugaling mangagat ay magliligtas sa akin ng dalawang beses, ang una ay sa kapahamakan at pangalawa ay sa kahirapan.

Kasalukuyan kaming nasa Dubai ngayon dahil sa trabaho ng asawa ko at ako ay masayang pinagsisilbihan silang mag-aama.

“Huwag kayo kahit kailan mawalan ng pag-asa sa buhay. Hindi habang buhay ay nasa madilim na lugar mananatili, darating at darating ang pagsilip ng liwanag na siyang magiging daan ng tagumpay!”