Kabayanihan: Pag-ibig Mula Sa Kaibuturan

Bayanihan (Photo Credit: Photoree)
Bayanihan (Photo Credit: Photoree)

Kapag namutawi ang karimlan, may kailangang tumayo upang ang liwanag ay maipaglaban.

Bayanihan  (Photo Credit:   Photoree)
Bayanihan (Photo Credit: Photoree)

Sa pagdaan ng mga taon, ang Pilipinas ay patuloy na nahaharap sa karagatan ng mga hamon at pagsubok. Ang mga kalamidad na ito, natural man o likha ng sangkatauhan, ay parating may masamang dulot sa atin. Nabubuhay tayo sa panahong puno ng mga kumukulong diskusyon, argumento, kuryosidad, at pagkamakasarili. Nagtatalo tayo sa maraming mga bagay: isyu ng moralidad, pagkakapantay-pantay ng kasarian, lumulobong populasyon, korupsyon, visiting forces agreement, death penalty, isyu sa lupa, kawalan ng katarungan, karapatang pantao, kapayapaan, at iba pang mga problemang tila nagbibigay-diin sa mga kahinaan at mantsa ng ating bansa.

12-taong gulang, pinatay ang ina,” “13-taong gulang na binata, binaril ang kasintahan, patay!” “19 sundalo, patay sa pamamaril sa Basilan,” “Guro, ginahasa ang sariling anak,” “Alkalde, ibinubulsa ang pondo ng feeding program!” “Bundok ng basura sa Irisan dumpsite, gumuho!” “Bilyong halaga ng mga ari-arian, hinagupit ni Bagyong Ondoy”-  ilan lamang ang mga ito sa mga bumanderang balita sa radio, telebisyon, at pahayagan.

Masakit pakinggan. Nakaaalarma ang mga pangyayari. Mahirap tanggapin. Subalit ito ang katotohanan. Habang umaangat ang ating ekonomiya, unti-unti namang lumulubog ang ating moralidad. Ang pagdami ng mga krimen gaya ng korupsyon, holdap, pagnanakaw, pang-aabuso, at pagpatay ay di na mapigilan. At habang tayo’y nakatindig sa kalagitnaan ng modernong panahon at maunlad na teknolohiya, lumalala naman ang karamdaman ng Inang Kalikasan.

Nagiging pabaya na tayo sa kapaligiran at nagiging bingi na rin tayo sa kanyang mga hinaing. Nakararanas tayo ng paghihiganti magising lamang sa pagkakahimbing sa banidad ng makabagong henerasyon. Marami na ang nagdaang kalamidad. Marami na rin tayong nasaksihang kahabag-habag na pangyayari—mga taong nagkukumahog na maitayo ang nasirang bahay, umiiyak sa pagkawala ng mahal sa buhay, nakatitig sa mga parte ng kanilang nawasak na tahanan, humahanap ng hustisya para sa naagrabyadong kamag-anak. Sa masaklap na paraan ng edukasyon na ating naranasan, hindi na tayo natuto. Bakit kaya? Hanggang ngayon, nananatili itong isang malaking palaisipan.

Gayunpaman, sa bawat pagkakamali at pagsubok, sa bawat pagsapit ng karimlan, may kabutihan pa ring nangingibabaw. May mga lumalaban makamit lamang ang liwanag. Sa panahon ng mga kalamidad na ito isinisilang ang mga tunay at bagong bayani. Mahirap na’ng makahanap ng mga taong may pagmamalasakit sa iba. Lahat ay nag-aasam na manatiling buhay. Ngunit pinalad tayong magkaroon ng mga taong nabubuhay para sa iba. Magsimula tayo sa mga dakilang sinaunang bayani.

Noong ang Pilipinas ay nakagapos pa sa kadenang matigas pa sa brilyante dulot ng pananakop, naglipana ang mga bayaning tulad nina Gat Jose Rizal, Andres Bonifacio, Gabriela at Diego Silang, Apolinario Mabini, Emilio Jacinto, Melchora Aquino, at marami pang bayaning may iisang layunin: ang makamit ang minimithing kasarinlan at kapayapaan. Sa kasalukuyang henerasyong minsang natatakluban ng kadiliman, isinilang ang ilang mga bagong bayani.

Si Maria Fe Sotelo, isang guwardiya, ay nagsauli ng bag na may lamang Php 500,000 sa isang negosyanteng tsino. Inalok siya ng gantimpala ngunit hindi niya ito tinanggap. Si Aris Espinosa, isang 13-taong gulang mula Lanao del Norte, ay nagsakripisyo ng sariling buhay upang mailigtas ang mga batang hindi niya kakilala. Sasabog na ang granada nang bigla siyang tumalon at dumapa, tinakpan ang granada gamit ang sariling katawan. Dahil sa pagmamalasakit, nailigtas ang mga bata. Ang kanyang kaluluwa’y paniguradong kapiling na ng Poong Lumikha.

Si Rona Mahilum, batang babae, ay nagtamo ng malubhang sunog sa kanyang likod matapos niyang sagipin ang limang kapatid mula sa pagkakasunog ng kanilang tahanan sa Sagay, Negros Occidental. Si Christina Seboc, apat na taong gulang, nailigtas ang dalawang nakababatang kapatid sa pagkakasunog ng kanilang tahanan sa Guimaras.

 Ang mga peklat na kanilang natamo sa nakaraan ay ‘di na mabubura. Ngunit ang mga markang nalikha nila sa buhay ng mga taong kanilang natulungan ay panghabambuhay namang nakatatak at magugunita. Buong puso nilang iniaabot ang kanilang mga kamay para sa iba. Hindi man sila maparangalan o makilala, alam nila sa kanilang sarili na sila’y tumulong hindi dahil kailangan, kundi dahil dito nila natatamo ang tunay na kaligayahan.

Para sa mga bayaning ito, mas marangal ang mamatay o magsakripisyo, panatag lamang na makapamuhay ang iba. Ang iba’y walang pag-aalinlangang inihandog ang sariling dugo upang mahugasan ang labis na kahihiyan, krimen, at kasuklaman. Wala man silang kapa o astig na kasuotan, suot naman nila ang kapa ng determinasyong tumulong at magbigay ng bagong pag-asa.

Wala man silang lakas na itayo ang natumbang gusali, may lakas naman silang itayo ang mga natumbang pagkatao, ibangon ang mga buhay na muntikan nang mawala. Kapag ang mga bayaning ito ay nagtulong-tulong, ang kanilang kapangyarihan ay lumalakas nang higit pa sa kaya nilang isipin. Ito ang nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang magpalaganap ng pagbabago at magbigay liwanag sa buhay ng kapwa tao.

 Ang lahat ng mga katangiang ito ang nagpapatunay na mayroong bagay na talagang kahanga-hanga sa mga Pilipino. Bakit kaya tila napakadali lang sa kanilang magtagumpay kahit na may mga balakid na nakaharang sa daan? Bakit sila patuloy na nakababangon sa kabila ng gipit na pagkakataon at limitadong pinagkukunang-yaman? Bakit may mga bayani pa ring isinisilang kahit lahat na sila ay nagtitiis, naghihirap, at nagdurusa? Simple lang.

Ito ay dahil hindi kailanman nawala sa mga Pilipino ang kakayahang magmahal. Sila’y bahagi ng iisang diwa, nagtutulungan lalo na sa panahon ng krisis at kalamidad. Ang pag-ibig ang pinakamalakas nilang sandata. Dahil dito, ang mga tunay na bayani, may kaibuturang pinangibabawan ng pag-ibig, ay isinisilang. At dahil din dito, ang mga Pilipino’y nananaig sa lahat ng pagsubok.

 Maraming beses sa ating buhay, ang kadiliman ay nahuhulog sa atin. Subalit kapag natutunan nating mangibabaw sa lahat ng pagsubok at lumaban, maaari nating mabihag ang liwanag. Hindi naman kailangan ng malinis na pangalan o reputasyon para magawa ito. Kahit sino ka man, maaari kang maging bayani sa sarili mong paraan sa pamamagitan ng pagtulong sa iba, hindi dahil kailangan mo ng karangalan o nais mong maalala bilang mabuting tao. Ginagawa mo ito dahil ito ang tama, ito ang gusto mong gawin, at ito ang nakapagpapaligaya sa iyo. Kalimutan na natin ang karangalan, kasikatan, at kapalit ng nagawang tulong. Ang tanging kailangan ay isang malinis na pusong handang tumulong dahil lamang sa pag-ibig, sapagkat ang kabayanihan ay hindi bunga ng pag-aksyon dahil ito ang idinikta ng pagkakataon. Ang kabayanihan ay ang kakayahan ng taong magmahal kahit pa sariling buhay ang nakasalalay.

author:  akoayel

p.e./mj

About akoayel

nais lamang makagawa ng pagbabago... o kaya nama'y magpalambot ng matitigas na puso... nais lamang manggising ng mga nahimbing na isipan... kung hindi man, sapat nang maipahayag laman kalooban <3 Ako si ayel, labing anim na taong gulang... lubos na gumagalang 🙂