“Kabayan, Bakit Mo Ako Nilinlang?” (Mga Repleksiyon sa Aking Buhay)

kabayan clueAkala ko noon madali lang ang pagtulong sa nangangailangan na kapwa. Ngunit iyon pala ay may kaakibat pala na sandamakmak na responsibilidad.

Isa sa mga nagmulat sa tunay na kahulugan ng salitang pagtulong ay ang grupong naniniwala lamang sa H.A.G.I.T principles- H.A.G.I.T. is an abbreviation for Honesty, Accountability, Good Governance, Integrity and Transparency.

Tumutulong na hindi naglulubid ng anumang kasinungalingan; pagtulong na walang iwanan kung parehas na nagkakaunawaan at may tiwala sa isa’t isa. Tumutulong na siguradong may kredibilidad sa bawat salita at gawa. Ang pagtanggol sa naaapi na kung kailangan ilabas ang kabuktutan o katiwalian ng nang-apak ng karapatan pantao nito.

Sa bawat taong nakakausap na humihiyaw sa hirap ng dinanas mula sa pangaabuso, sa bawat tulo ng luha dahil sa hindi nakatanggap ng tamang pagtrato at sa bawat hinaing dulot ng pagtanggal ng karapatan upang makamit ang hustisya ay nagbunsod para sa akin na mamulat sa iba’t-ibang problema ng mga OFWs.

Isa sa mga taong nakausap ko na nagbigay sa akin ng maraming leksiyon upang ganap na mayakap at magawang mahusay ang itinurong paraan ng paghawak ng bawat kaso ay itatago ko sa pangalang “Nene”.

Isang mensahe sa facebook ko ang aking nabasa, “Sis, tulungan mo naman ang pinsan ko! May sakit siya at hindi po tumitigil sa pagkakaroon ng buwanang dalaw, baka po sa Gitnang Silangan pa siya bawian ng buhay!”

Naalarma ako at dali-daling inilista ang ibinigay na numero at pangalan upang agad na matawagan.

“Hello, si Nene po ba ito?” paunang tanong ko.

“Opo, ako nga po! Sino po sila?” pagtugon na nasa masiglang boses.

“May nagbigay ng numero mo na sabi ay pinsan mo at ikaw raw ay may problema. Tama ba?”, sunod kong tanong.

Biglang humagulhol at sinabing, “Opo tulungan ninyo ako! Walang awa ang amo ko! Kahit maysakit ako ay puro trabaho at bawal magpahinga.

“Maghunos-dili ka! Hindi kita matutulungan kung sa bawat sasabihin mo ay humihikbi ka, wala akong maintindihan.”

Kinuha ko ang mga kinakailangang impormasyon upang maging sapat na sa pagpapadala ng liham para makahingi ng payo at tulong.

Ipinagpatuloy ko ang pag-uusisa at sa bawat araw ay may dinadagdag na mga hinaing.

Ilan sa mga hinaing niya ay ang mga sumusunod:

“Hindi po ako pinaultrasound ng amo ko. At kaya rin po hindi ako ang kusang nagpaultrasound kasi ako po ang pinagbabayad ng 300sar para roon. Kakarating ko lamang po rito kaya saan po ako kukuha ng ganun pera.”

“Napakasakit po kasi pinagsabihan pa akong gumagawa lamang ng kuwento na may sakit ako, kasi raw kung may totoong sakit ako; tiyak na magpapaultrasound ako.”

“Lahat po ng gamot ko ay sa umpisa lamang na sila ang bumili pero itong mga sumunod ay ayaw pa nila akong bilhan kung kaya’t palihim pa akong humihingi ng tulong sa manihero para bilhan ako ng gamot.”

“Kapag  hindi po ako nagtrabaho ay pinupuntahan ako sa kuwarto at sinasabing kakaladkarin ako para tumayo at magtrabaho.”

“Unang buwan pa lamang ako ay nagreklamo na ako sa ahensya at binabalewala lamang noon. Mauubos ang load na kung kani-kanino ko pa hiniram para lamang sila matawagan. Makakatanggap pa ako ng sigaw at pagtataray na huwag daw ako makulit at maghintay!”.

“Nangako pa sa akin ang ahensya ko na magtiis muna ng hanggang maka-tatlong buwan lamang ako ay tiyak na pauuwiin nila ako.”

“Pero sis, noong tatlong buwan na ako ay sabi ng taga ahensya pormal na pumunta ang asawa ko para magreklamo sa opisina nila.”

“Ginawa iyon ng asawa ko at nagulat na lamang na kinakailangan pumirma ang asawa ko sa isang kasulatan na nais kong umuwi at dahil doon ay kinakailangan na magbayad kami ng 120,000 pesos, bilang kabayaran samga nagastos sa akin at tiket ko papunta at pauwi.”

“Sa sobrang awa ng asawa ko sa akin para lamang makauwi ay pikit-mata niya iyon pinirmahan! Mga sinungaling ang nasa ahensya ko, kasi matapos ang pirmahan, ang sabi ay makauuwi ako agad-agad, ngunit inabot na naman ngayon ng isang buwan pero walang aksyon!”

“Sa tingin ko, hinihintay muna nila ang paunang bayad namin sa usapan na huhulug-hulugan ang 120,000 sa loob ng anim na buwan. Pero ayokong magpasimula ng bayad kung hindi pa ako nakauuwi.”

Kaya naman matapos kong makuha ang lahat ng kinakailangan na detalye at mga salaysay niya ay agad kong ipinasa sa aming pinakapinuno ng grupo o aming guro sa paghawak ng mga kaso. Kaya lumapit na ako sa inyo para tulungan ako!”

Kaya ano ang sunod na dapat gawin? Dapat ay ireklamo sa OWWA ang amo sapagkat ito ay ukol sa kalusugan ng OFW na isinasawalang bahala ng employer.

Ngunit tahasan ang ginawang pagtanggi ni kabayan, sa dami niyang inirereklamo ay ayaw niyang iparating sa kinauukulan.

“Sis, ayoko ng mga pulis, tapos kukunin ako rito sa amo ko! Balita ko hindi raw maganda iyon! Mapapahamak lamang ako lalo! Basta tama na sa akin ang mapauwi kinokontak ko naman ang agency ko,” sagot niya sa akin.

Walang araw na hindi ako minimiskol at kailangan ko siyang tawagan dahil hindi talaga siya humihinto. Paulit-ulit na hinaing at mga hagulhol.

Kaya walang katapusan na pagpapayo ang ginagawa ko na lamang. Dahil una ay para mairescue rin siya ay may maiprovide na medical report at kailangan mapatunayan ang sakit niya. At ayaw pa rin niya ng ganun na sistema.

Ano ang naging papel ko? Ako ang tagabigay ng load para makatawag sa agency at paulit-ulit na magreklamo.
Ngunit bukod doon ay iniemail pa rin namin sa POEA ang problema ni Nena, at ang nagsabi rin ang ahensya kay OFW na may tumawag nga na taga POEA sa kanila para pauwiin siya.

Ano ngayon ang sumunod na problema? Hindi pumapayag si employer na irelease si Nena ng walang ipinapadalang kapalit sa kanya. Dahil mukha naman daw walang problema itong si Nena at nangakong sa mismong araw ng pagdating ng magiging kapalit ay iyon din ang magiging araw ng paglipad niya.

Kaya naman lalong naguluhan at hindi na mapakali si Nena at gustong-gusto na talagang makauwi.

Ako naman ang walang tigil na kinukulit kaya naman sabi ko siya mangulit sa ahensya dahil iyon ang gusto ng amo niya. Puro rin pangako si ahensya at kasabay noon ay inihold na ng amo ang mga sahod ni Nena. At dineklara ng ahensya na siya ang sasagot ng tiket niya.

Ano ulit naging payo ko? Ang ahensya ang may problema at kulitin na bilisan ang pagpapadala ng kapalit niya at sabihin na hindi niya dapat sagot ang kanyang tiket pauwi at kasabay ng pagpapayo ay ang paulit-ulit na pinapahinahon siya.

Hanggang sa kinakailangan ko ng umuwi kaya naman ay ipinasa ko sa isang kakilala ang kanyang suliranin.

Ika labing-lima ng Mayo taon 2013 ako umuwi at pinapadalhan na lamang ako ng update ng aking kakilala sa sitwasyon ni Nena. Ang sabi raw ng ahensya ay sa unang linggo ng Hunyo darating ang kanyang kapalit.

Nangyari naman ang sinabi ng taga ahensya at nakauwi siya ng unang linggo ng Hunyo na ibinalita sa akin ng kakilala ko.

Nagulat na lamang ako ng may tumatawag sa akin ng mga katapusan ng Hunyo, at nang sagutin ko ay si Nena pala! Humahagulhol ito at sinasabing tulungan ko raw siya kasi kailangan niya raw magpakita sa ahensya para ibigay ang exit visa niya at ibang dokumento at sinisingil nga raw siya ng ahensya. Nagpapahiwatig na kailangan niya ng tulong pinansiyal. Walang-wala raw siyang pera dahil ang nalalabing sahod niya ang pinambili ng tiket pauwi.

Ilang beses ako naglaan ng araw at oras
para samahan na sana siya sa pagpunta sa POEA para personal na magreklamo at humingi ng tulong.

Ngunit laging hindi siya makakasipot. Ngunit ang kapalaran ay mapaglaro, mayroong isang kaso na inilapit sa akin na kaparehas ng ahensya ni Nena.

Tinulungan ako ng pinakapinuno ng aming grupo na makipagugnayan sa pinagkakatiwalaan at mataas na koneksiyon namin sa POEA, doon ako nagkaroon ng pagkakataon makausap ang taong sinasabi ng parehas na OFW na kumakausap sa kanila na asawa diumano ng Arabo na may-ari ng ahensya naman sa Saudi Arabia.

Sa unang oras ng pagtatagpo ay sunod-sunod ang pagtatalak ng isa sa may-ari ng ahensya na inirereklamo, ngunit pagkatapos niyang magtatalak ay simple lamang ang tanong ko, “Bakit kung sa tingin ninyo pa lamang sa umpisa ng mga taong ipinapadala ninyo ay problema na pala, Bbakit  itinutuloy pa rin ang pagpapaalis?”

Huminahon siya at nangako na ginagawan naman ng aksyon ang mga bagay-bagay. Doon na rin ako nakakuha ng tiyempo na ipasok sa usapan si Nena.

At ito ang sagot niya, “Noong umalis siya at sinabi niya sa amin na kahit kailan hindi magiging problema sa pangingibang bansa ang Myoma niya! Tapos ora-orada isang buwan pa lamang siya roon ay gusto na niyang umuwi. Kaya ayaw niya talaga magpaultrasound kasi makikita iyon. Ngayon wala siyang mukhang maipakita sa amin. Natural papipirmahin namin siya na magbayad siya!”, dire-diretsong saad ng taga ahensya.

At ngayon naging malinaw sa akin lahat, kung bakit hindi sumipot si Nena sa mismong pagkikita kung saan pormal na makakaharap ang taga-ahensya. At kung bakit ayaw niyang magparescue at ang pulisya ang unang kukuha sa kanya at ang OWWA ang magpapamedical noon.

At kaya pala noong pinatawagan ko sa kakilala ko ay sinasabing mabait naman at matink kausap ang amo, si Nena na ang kusang nagsabi na sagot niya ang tiket.

Ang masakit nga lang ay kahit ang kakilala ko ay binigyan siya ng 50sar na load at sa kaunting halaga na iyon ay sinabi pa niya sa kakilala ko na invalid daw ang numero. Samantalang hindi ginamit ng kakilala ko ang card. Humihirit pa si Nena dahil hindi raw pumasok load ay pahingi na lang ulit.

Salamat kay Nena kasi sa kanya ako natuto na hindi puwede puro awa kundi ako ang laging unang mabibiktima.

Hanggang sa susunod na mga repleksiyon sa iba’t-ibang mukha ng adbokasya na patuloy na pinag-aaralan.

Pakiusap lamang po sa mga nais sumubok ng buhay OFW, kung may matinding karamdaman, huwag na po basta-basta mangingibang bansa lalo na kung mahina ang sistema ng katawan kung halimbawa ay kinakailangan o hindi maiiwasan magbuhat ng mabibigat.

Sa iyo, Nena… harapin mo ang problema mo sa ahensya pero ikinalulungkot ko dahil hindi ka nagsabi ng totoo sa akin, na simula’t simula pa lamang sa ilang beses kong pagtatanong kung may dati ka ng karamdaman ay sagot mo “Wala” kaya wala na rin ako ngayong magagawa pa.