Itay, Hindi Ba Kami Sapat at Ikaw ay Nagdagdag?

(Photo credit: www.google.com)
(Photo credit: www.google.com)
(Photo credit: www.google.com)

Lumaki ako sa Laguna,  dalawa lamang kaming magkapatid; si Kuya at ako.  Cyrel nga pala ang pangalan ko, sa ngayon ay dalawamput-anim na taong gulang. Hindi ko alam bakit namumuhay ako ng mag-isa ngayon, hindi ko rin maipaliwanag kung bakit kami nagkaganito? Basta! Ang tanda ko masaya naman kami noon at buo, hanggang sa ang haligi ng tahanan ay naging marupok sa mga pagsubok. Nais kong magbalik tanaw sa masasayang alaala, ngunit tuwing gagawin ko iyon ay mauuwi ako sa napakalungkot na sinapit ng aking pamilya. Kung aalalahanin ko ngayon muli, sana sa pagtatapos  ng aming kwento kami pa rin ang pipiliin niya.

Umaga noon nang sabihin sa akin ni Nanay na kailangan naming lumipat sa Davao, lugar ni Tatay. Bata pa ako noon, mag pipitong taong gulang marahil. Iyak ako nang iyak ng malaman ko, dahil ayoko iwan ang mga Lolo at Lola, mga kaibigan at kapamilya ko roon.

“Nay, bakit? Masaya naman tayo rito hindi ba? Ang layo-layo ng Davao, paano na tayo makadadalaw dito?

Anak, kailngan kasi umuwi ng tatay mo roon; tutulungan niya ang Nanay Cora mo sa naiwang palayan ng Tatay Berto mo para makapag-aral ang Tita mo.”

Kamamatay lamang kasi  ng Lolo ko, dalawa lamang din na magkapatid sila tatay. Gusto ko pa sana sabihin kay Nanay na huwag na kaso naunahan na niya ako ulit magsalita.

“Alam ko nag-aalala ka na maiiwanan mo rito ang iyong mga kaibigan, pero hindi ba may mga kaibigan ka na rin doon? Malapit ka rin naman sa mga pinsan mo sa Davao, kaya huwag ka na mag-alala.”

“Nay, paano sina Lolo at Lola? Sino na makasasama nila dito?”

“Napag-usapan na iiwanan dito ang Kuya Cyruz mo; siya ang makasasama nila.”

Parang nang sabihin iyon ni Nanay, gusto ko umiyak nang malakas; iyong tipong maaawa sila sa akin at hindi na itutuloy pa ang balak. Kaso hindi nangyari iyon, natuloy pa rin kami lumipat; naiwan pa rin si Kuya sa Laguna at ako sobrang lungkot ng pakiramdam ko. Hindi ko maipaliwanag pero sa mura kong edad noon, naramdaman ko ang bigat ng aking kalooban at sobrang kaba.

Naging maayos naman kami sa Davao, katulad ng sinabi noon ni Nanay, nakahanap din ako ng mga kaibigan at nag-enjoy na rin sa lugar na iyon. Minsan dumadalaw kami ni Nanay sa Laguna, kapag naman bakasyon mula sa eskwela ay si Kuya naman ang dumadalaw sa amin para magbakayon ng isang buwan. Naging maayos din ang buhay namin dito, nagkaroon ng tindahan si Nanay at doble ang naging sipag ni Tatay, para sa amin, para kay Nanay Cora at Tita.

Nagdaan ang mahabang panahon, mag ha-hayskul na ako nang mamatay naman ang Lola ko sa Laguna. Kinuha ng Tito ko si Lolo kaya naman si Kuya ay nakasama na rin namin sa Davao. Naging magaan naman lahat kay kuya, masayang masaya siya at ako dahil buo na kaming muli.

Nagpatuloy ang buhay namin, masaya ngunit siyempre ay nagkapo-problema rin minsan. Hanggang sa isang umaga nakita ko si Nanay na umiiyak sa tindahan. May halong pagtataka ay nilapitan ko siya, pinagmasdan ko siyang mabuti bago ako nagtanong kung bakit? Na-mimis lamang daw niya si Lola.

Ilang beses at naging madalas na nakikita namin na ganoon si Nanay. Palagi naman niyang sinasabi na ayos lamang siya. Akala lang pala namin ang lahat na ayos siya; pero ang totoo ay may nililihim lang pala siya sa amin ni Kuya. Minsan ko kasing narinig na nagtatalo sila ni Tatay.

Nagpunta ka nanaman sa babae mo! Hindi ka na nahiya ang lalaki na ng mga anak mo, ngayon ka pa nagkaganyan!”  galit na sabi ni Nanay.

“Tigilan mo ako Ceny ha, baka hindi kita matantiya!” mas galit pa si Tatay.

Sinabi ko kay Kuya ang lahat pero parang wala naman siyang narinig. Nalaman ko na lamang na may alam na pala si Kuya sa mga ginagawa ni Tatay kay Nanay. At ng hindi na siya makatiis ay nagpaalam siyang babalik na sa Laguna. Hindi ko naman kayang iwanan si Nanay sa Davao, ayaw din naman niyang iwan si Tatay; naniniwala pa rin kasi siyang magbabago rin ito.

Hindi na kami nakapag-aral pa ni Kuya ng kolehiyo, tuluyan nang nilamon si Tatay ng iba’t-ibang bisyo; alak, beerhouse, pambabae at droga. Gustong gusto kong magalit kay Nanay, nais ko siyang sumbatan na bakit nagtitiis pa kami sa piling ni Tatay na madalang nang umuwi sa aming bahay; pero naisip ko masyadong mahal ni Nanay si Tatay para isuko na lamang ng ganun lang, katulad ko mahal ni Nanay ang pamilyang ito at umaasa siyang babalik din kami sa dati, katulad noon.

Sa ngayon, nandito pa rin kami sa Davao. Magdadalawang taon na nang iwanan kami ni Tatay, at sumama sa bago niyang pamilya. Bumalik na si Kuya sa amin  kasama ng kanyang pamilya at sila ang kasama ni Nanay sa bahay ngayon. Ako, heto sumisilong sa ibang bahay na nagbubuo sa pira-piraso kong pagkatao. Dumadalaw pa rin ako sa bahay tuwing may pagkakataon at walang pasok sa eskwela; muli kasi akong nag-aral para naman may masabi akong buo sa aking pagkatao.

Kung tatanungin ninyo ako ngayon, kung handa na ba akong makita si Tatay? HINDI pa, dahil baka pagsusumbat lamang ang masabi ko sa kaniya; mga masasakit na salita na kahit kailan ay hindi ko na mababawi na makasasakit sa kanyang kalooban.

Ngunit ako ay anak pa rin na handang magpatawad sa kaniyang ama; anak na umaasa na sa ending ng kuwento ng aming pamilya ay muli kaming mabuo at magkasama-sama katulad noon.

 

 

 

About kambal

Simple lang ako. At naniniwala sa kasabihang " Ang pagiging masaya ay hindi ang pagkakaroon ng mga bagay na gusto mo, kundi pagiging kuntento sa kung anong pinag kaloob sa iyo."