Istayl Mo, Buhok!

The art of haircut (Photo credit: cutcaster)
The art of haircut (Photo credit: cutcaster)

 

The art of haircut (Photo credit: cutcaster)
The art of haircut (Photo credit: cutcaster)

Sa nagdaang pitong taon, alam ko na kung ano’ng gusto ko at kung ano’ng nababagay sa akin. Maging si manong barbero ay ‘di na ako tinatanong tungkol dun. Pag oras ko na, sesenyas lang ‘yun, “oh, ikaw na!” Pagkaupo, pipihitin niya ng kaunti ang upuan pataas, kukuha ng neck strips, at saka ilalagay ang aking kapa. Aliw na aliw ako habang pinapanood ang sarili sa salamin sa ganoong ayos. Krus na lang kulang at puwede na akong Constantino sa Santacruzan. Sa loob ng kapang iyon ang kagalakan na muling masilayan ang aking bagong anyo. Iisa lang nman ang hiling ko kay manong, “‘Nong dapat lalo pa akong gumwapo ha” at susuklian naman niya ng “oo nman, ako pa. Eksperto ata ito!

Sa pagkakataong iyon ay uumpisahan na ni manong ang kanyang obra. Minsan inaabot din ng humigit kumulang sa isang oras ang kanyang paggupit at kadalasan, kalahati ng oras na iyon ay tulog ako. Minsan nga nagbibiro si manong, “oh, baka tutulugan mo na naman ako n’yan ha, magugupit ko’ng tenga mo!” Siyempre, ako pa ba naman ang padadaig, “’di naman ako natutulog eh, nakapikit lang!” Ewan ko ba kung bakit gustong gusto ko’ng nakapikit habang ginugupitan. Pero sa paglipas ng panahon, dalawang bagay lang ang aking napagtanto.

Una, ang sarap ng pakiramdam habang banayad na hinihila-hila ni manong ang aking buhok. Nagiging musika ang paulit-ulit na tunog ng gunting sa pakikipagtagis nito sa aking buhok. Hila… gupit… hila… gupit ang ginagawa ni manong. Pagkatapos ng ilang minuto, ihihilig niya ang aking ulo pakaliwa, sunod ay pakanan, at sa huli ay paharap para nman sa likurang bahagi ng aking ulo.

Ang pangalawa, at siyang nakatatawa, ay sa kadahilanang gusto kong masorpresa sa pagbabago ng aking itsura. Hindi ko na inaalintana ang proseso ni manong sa kanyang obra. Gusto ko sa aking pagmulat, makikita ko na ang bagong ako. Gusto kong malaman kung nagtagumpay ba si manong sa kanyang likha. Sa paulit-ulit kong pagbisita kay manong, hindi ako nagsasawang masorpresa kahit alam kong iyun at iyun din naman ang aking makikita.

Iba’t ibang estilo na rin ang napagdaanan ng tuwid, makapal at maitim kong buhok. Noong ako’y nasa elementarya, kadalasan sa hindi, nagmumukha akong bunot. Halos lahat ng pictures ko mula Prep hanggang Grade three ay ganoon ang aking nakikita. Mabuti na lang at hindi ako nag-iisa. Iyon ata ang uso noon. Palibahasa nanay ko lang ang nanggugupit, wala akong choice. Basta nakalabas lang ang aking tenga at pumapantay ang buhok sa aking kilay, puwede na iyon.

Noong ako’y mag-Grade five, pinangatawanan ko na ang pagiging honor. Sinubukan ko ang ‘Rizal look’. Paano ito ginagawa? Habang basa ang buhok, i-posisyon ang suklay sa itaas ng kaliwang kilay at hagurin ang buhok pakanan. Sa estilong ito, kita ang iyong noo at magiging kamukha mo si Rizal. Genius look ito noong araw. Pagdating ng high school, nauso ang Street Boys at namayagpag ang ‘Spencer look’. Sa mga ‘di nakakakilala kay Spencer, siya ang pinakasikat na miyembro ng nasabing dance group noong sila’y nag-uumpisa pa lamang. Sa Karay-a, ‘buka-buka’ ang tawag namin sa estilong iyon. Ibig sabihin nu’n ay hati. Sa pagsisimula, simple lang ang pamamaraan. Hatiin ang buhok sa gitna at magsuot ng sombrero para ipitin ito. Paglaon ay nasasanay rin ang buhok at nanatili siyang hati kahit ito’y tuyo.

Nasubukan rin nito ang four by six o ang ‘military style’ na halos wala nang matira sa aking buhok. Kinaiinisan ko ito noong araw dahil bumubulaga ang mangilan-ngilan kong ‘padit’. Noong nauso ang pagpapakulay, sumabay rin siya sa karamihan. May brown, may asul, may abo, may burgundy, may kulay buhok ng mais at mayroong highlights lang. Sinubukan ko rin ang pahabain ito hanggang balikat na malimit ring pinuputol dahil nagiging magaspang ang dulo o ‘di kaya’y nagkakaroon ng split ends. Maging ang ‘shaggy’ ay ‘di pinalampas ng aking buhok. Na-ingganyo rin ako minsan na ipakulot ito pra masubukan ang  ‘Afro’ ngunit hindi ko kinaya ang biro ng mga kaibigan. Sa ngayon, simple lang ang ayos nito. Natumbok rin ni manong ang nababagay sa akin.

Ang buhok ay parang buhay. Marami tayong susubukin, mararanasan at pagdadaanan hanggang mahanap natin kung ano ang nababagay sa atin. Kung saan tayo magiging masaya at kumportable. Kung ano ang kaya nating pangatawanan at panindigan, anu man ang sabihin ng iba. Minsan may mga split ends, minsan naman gumagaspang ang ilang bahagi pero nandiyan si manong na tutulungan tayong mag-ayos. Huwag tayong matakot na sumubok ng iba’t ibang estilo dahil doon tayo natututo. Kulayan mo ito at huwag magtiyaga sa nakasanayan. Dahil sa kalaunan, ito ang magbibigay sa atin ng tagumpay at karangalan.

author: Ako si Riggs

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.