Iskolar ng Bayan

Mula elementarya hanggang tumuntong ng kolehiyo, consistent honor student si Sandra. Laging nangunguna sa klase at ‘ika nga ng mga nakakakilala sa kanya, laging hakot awards siya sa kahit anong paligsahan sa talino na salihan niya.

Marami ang humahanga sa katalinuhang taglay ni Sandra. At siyempre pa, lagi siyang ibinibida ng kanyang mga magulang at sobrang proud ang mga ito sa kanya.

Valedictorian si Sandra simula elementarya hanggang high school, kaya naman nang tumuntong na siya sa kolehiyo at kumuha ng kursong B.S. Education Major in English, isa siya sa mga naging iskolar ng bayan. Lahat ng gastusin sa kanyang pag-aaral ay libre. Buwan-buwan pa siyang may nakukuhang allowance at malaking bagay ito para makatipid sa gastusin ang kanyang mga magulang na kapwa simpleng manggagawa lamang sa kanilang munisipyo.

Panganay sa tatlong magkakapatid si Sandra, kaya naman napakalaki ng expectation ng kanyang mga magulang sa kanya. Umaasa ang mga ito na siya ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan balang-araw. Kaya naman ganu’n na lamang ang pag-aalaga at trato nina Mang Fausto at Aling Carolina sa panganay. Lahat halos ng hilingin ni Sandra sa mga magulang ay ibinibigay sa kanya.

Gayunpaman, alam pa rin ni Sandra ang kanyang mga limitasyon. Hindi siya umaabuso sa kanyang mga magulang at lalong alam niya kung paano sumunod sa mga ito. Katunayan, hindi siya maluhong anak. Kontento na siya sa mga bagay na mayroon siya; maliit man o malaki.

Higit sa lahat, may takot siya sa Diyos at kakikitaan ng mapagpakumbabang pag-uugali. Sa kabila ng angking talino, hindi siya kailanman naging mayabang o maramot sa pagbabahagi ng kanyang kaalaman sa iba.

Kaya lang, kung may magaganda mang katangiang taglay si Sandra, mayroon din naman siyang kahinaan. Kahinaan na nagbunsod sa kanya para malagay sa isang mahirap na sitwasyon.

PAG-IBIG ang kahinaang iyon ni Sandra.

Labis na nahulog ang kanyang loob sa nobyong si Jaypee. Mag-iisang taon pa lang ang kanilang relasyon at ito’y lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang. Bagama’t batid niyang hindi tututol ang mga ito sa relasyon nila ni Jaypee, mas pinili ni Sandra na ilihim na lang muna ito. Isa pa, ayaw niyang mag-isip ang mga ito na baka napababayaan na niya ang kanyang pag-aaral.

Pero sa pagkakataong iyon, dahil sa hindi inaasahang pangyayari, walang ibang puwedeng karamay si Sandra kundi ang kanyang mga magulang lamang.

Puno man ng takot at pangamba, kailangan niyang ipagtapat sa mga ito ang totoo niyang kalagayan.

Naroon silang tatlo sa sala matapos niyang desisyunan na kakausapin  na niya nang masinsinan ang kanyang mga magulang. Napagpasyahan niyang ito na ang pagkakataon para ipagtapat sa kanila ang kanyang lihim.

Lihim na maaaring ikagalit ng mga ito o kaya’y posible ring magpalayas sa kanya sa tahanang iyon. Pero naihanda na ni Sandra ang sarili sa bagay na iyon. Matagal at pinag-isipan din niyang maigi ang bawat sasabihin sa mga magulang na ngayo’y parehong naguguluhan at takang-taka.

Bumuntong-hininga muna siya nang malalim bago magsalita. Waring doon siya humuhugot ng lakas ng loob.

“P-Patawarin n’yo po ako kung binigo ko kayo…” nakayuko ang ulo na umpisa ni Sandra. “Alam ko po na napakalaki ng expectation n’yo sa ‘kin. Sobrang proud kayo sa mga achievements ko mula’t sapul. Pero sa pagkakataong ito, binigo ko kayo. At sana’y mapatawad ninyo ako!” tuluyan nang napahagulgol si Sandra.

Nilapitan naman siya agad ng mga magulang at ang inang si Aling Carolina ang unang yumakap sa kanya. Kapwa naguguluhan at may bahid ng pagtataka sa kanilang mga mukha.

“B-Buntis po ako…dalawang-buwan na po akong nagdadalantao!” sa pagitan ng paghikbi’y nasabi rin sa wakas ni Sandra ang totoo.

Nagulat man sa pagtatapat ng anak, nagawa pa ring yakapin ni Aling Carolina si Sandra nang mahigpit. Habang tikom naman ang bibig ni Mang Fausto na halatang nagulat din sa rebelasyon ng anak.

“H-Hindi ko po kayang ipagtapat sa inyo noong una ang relasyon namin ni Jaypee. Inisip ko po kasi na baka isipin ninyo na napapabayaan ko na ang aking pag-aaral. Kaya lang, naging m-marupok ako. Sa bugso ng damdamin, nakalimutan ko po na unahin ang aking pag-aaral bago ang magpabuntis. P-Patawarin n’yo po ako!” hilam pa rin ng luha ang mga matang pagpapatuloy ni Sandra.

Isang taon na lang at ga-graduate na sana siya sa kolehiyo. At siya rin ang napipisil ng kanyang mga guro na makasungkit ng pinakamataas na karangalan sa kanilang pagtatapos. Pero pa’no pa mangyayari iyon kung ganito ang kanyang sinapit? Ang masaklap pa nito, basta na lang siyang tinalikuran at iniwan ni Jaypee nang malaman nito na nagdadalantao siya.

“Nasaan ang ama ng ipinagbubuntis mo?” Sa wakas ay nagawa ring magsalita ni Mang Fausto pagdaka.

Lalong napahagulgol ng iyak si Sandra. “W-Wala na po akong balita sa kanya. Bigla na lang po siya umalis nang malaman na b-buntis ako…”

Hindi na muli pang nag-usisa ang mga magulang ni Sandra. May galit man sa kanilang mukha at pagkadismaya na nararamdaman sa sinapit ng kanilang anak, wala na silang magagawa kundi tanggapin ito. Higit kaninuman, sila na mga magulang ni Sandra ang dapat na unang umunawa at imintindi sa anak. May pagkakamali man ito, wala ring mapapala kung sisisihin o susumbatan pa nila ito.

Tao rin ang kanilang anak. Nagkakamali. Nakagagawa ng mga maling desisyon dahil sa kapusukan. Pero sana, magsilbing aral ito sa kanya na huwag nang maging padalus-dalos sa mga hakbang na gagawin sa susunod. Lalo pa’t kinabukasan niya ang nakataya sa bandang huli.

Samantala, magsisi man si Sandra ay huli na. Kung mayroon man sigurong magandang bagay na puwede niyang magawa ngayon, iyon ay ang ituloy ang kanyang pagbubuntis at palakihin nang maayos ang kanyang magiging anak; wala man siyang maging katuwang sa pagpapalaki rito.

Magsisilbing aral sa kanya ang karanasang ito na pagdating sa pag-ibig, importante ring gamitin ang utak at hindi puro puso; bagay na naging kahinaan niya.

Masarap ang magmahal at mahalin, ngunit hindi  lahat ay sinusuwerte sa larangan ng pag-ibig…lalo na’t kung ang iyong natutunang ibigin ay hindi pala kumikilala sa tunay na kahulugan ng pagmamahal.

Sabi nga sa bibliya, “Guard your heart.” Pakaingatan na ito ay huwag

woman by sea photo
Photo by FootMassagez

malinlang ng mapagsamantalang tao.

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!