Isang Silip sa Tag-sibol sa Gitnang Silangan

. . . “habang naglalakad ako sa may dalampasigan at ramdam ko pa rin ang lamig sa makapal na dyaket na suot ko, natanaw ko ang haring araw na wari ba’y nagpapaalam.

arabic beach photo
Photo by Missin u

Napangiti ako.  Ang komplikadong buhay pala ng tao  na para ding araw na sumisikat sa silangan at lumulubog sa kanluran, maihahambing din pala ito sa panahon.

Pabago-bago. May taglamig. Tagsibol. Tag-araw. Tag-ulan. Taglagas. Umiikot. Walang katiyakan. Wala ring katapusan. Nag-uumpisa pero natatapos din. Tapos magsisimulang muli.

Kasabay ng pagtunaw ng mga niyebe sa bandang kanluran, dito sa lugar ng mga disyerto, kamelyo at tupa, pangkaraniwan na ang pag-ihip ng malalakas na hangin na nagdadala ng makapal na buhangin sa buong kapaligiran at tinatawag nilang sandstorm. Ito ay nagpaparamdam ng madalas sa tuwing magsisimula ang pagpapalit ng klima. Kadalasan may kasama pa itong pag-ulan. At alam na natin ang resulta kapag pinagsama ang dalawang elementong yan.

Tagsibol na naman. Panibagong panahon. Panibagong pag-asa. 

Sa gitna ng mga bulubundukin at malawak na kapatagan, pagdaan ng bawat taglamig ay may tagsibol. Ang mga dahon at bulaklak na nalanta, nahulog sa lupa, ibinaon ng panahon at itinago ng mga makakapal na niyebe o lupa ay muling lilitaw at magiging mineral na pataba para sa pagsibol ng panibagong halaman at mga punong magbibigay ng mayabong na lilim. Unti-unti napapalitan ng panibagong mga dahong magdadadala ng masamyong hangin at pumapawi ng maghapong init sa disyerto sa Gitnang Silangan. May lumang kasabihan  . . .

“Ang bawat dahon na nalalanta at nalalaglag sa lupa ay may sarilling dahilan at tamang panahon”

Ang maikling araw ay  nagsisimulang humaba samantalang ang mahabang gabi ay umiikli. Ang dakilang araw ay nagmamadaling magkubli sa mga ulap na wari bang isang liyag na nagpapapalam upang magbigay daan sa mga bituin na nagsasabong ng ningning sa buong kalangitan. Ang maliwanag na buwan naman ay magbibigay pugay sa magdamag na kadiliman.

Ang disyerto sa kalayuan ay naghuhugis ng ibat-ibang anyo na animoy matarik na bundok ng buhangin sa tuwing ito ay sumasabay sa malakas na ihip ng hangin na nagpapabago ng kanyang kaanyuan. Ang mga ibong inakay ay nag-iingay na sa kanilang mga pugad hudyat na parating na ang inang ibon mula sa mahabang paglalakbay.

Tulad din ng mga pamilyang Pilipino na close-knit ang samahan, tipikal din sa pamilyang arabo ang laging sama-sama sa isang tahanan mula sa mga lolo at lola, magulang, mga anak at mga pinsan. Kaya sa tuwing sasapit ang panahon na ito ay isang kaugalian ang pamamasyal at pagtitipon ng mga tao sa buhanginan malapit sa dalampasigan o mga parkeng malapit sa tahanan.  Lokal mang arabo  na nakasuot ng puting thobe o hindi,  kasama nila ang mga batang nagkakasiyahan  habang  ang mga matatandang kalalakihan ay umiinom ng mainit na al qawah (isang uri ng arabic coffee- tinustang arabica na merong cardamon) o tsahe at isinasabay sa pagkain ng dates na prutas.

Ang mga kababaihang may takip na hijab sa mukha at nakasuot ng itim na abaya o ang mga ilan sa kanilang mayroon nang modernong kaugalian ay naghahanda ng pagkaing pagsasaluhan. Masayang silang nag-iihaw ng  tinapay na kubous na niluto sa batong pugon kasabay ng masarap na amoy na dulot ng kebab na manok o karoub na ginagawa ring kabsa, biryani na kakainin na kasabay ng tahina, hummus at Lebanese  ensalada na kung tawagin ay fattoush.

0000XFA79045693135B4B7j
photo source: OpenRice.com

Mayroon din silang ginawang shawarma, falafel, manakeesh , lamb koufta, shish tahouk, curry at marami pang mga makukulay na arabong pagkain na namana pa sa mga kalapit na bansa sa Gitnang Silangan upang pagsaluhan ng mag-anak at magkakaibigan.  Maging ang mga kapwa Pilipino ay madalas na ring nagtipon-tipon dito. Yung iba ay nagtatayo pa ng tent. Ito kasi yung panahong katamtaman lang ang klima, di masyadong malamig o mainit.  Madalas na tawag namin dito ay “Barbecuehan sa Beach”. Pero syempre bawal ang alak sa mga pampublikong lugar na ganito. Bukod sa mga pagkaing pinoy na madalas nating lutuin, matagal na rin tayong nasanay sa mga pagkaing arabo at pamumuhay dito  dahil marami sa ating mga naunang mga OFW ay unang naglakbay sa kaharian ng Saudi Arabia at doon na nagsimulang kumalat ang talento at sipag ng Pilipino sa iba pang mga bansa.

Nakakapagtaka. Walang bumabagsak na niyebe sa malaking bahagi ng disyerto o maging sa lugar na kinalalagyan ko pero  malamig pa rin ang pakiramdam. Nanunuot parin sa kalamnan.  Nagbibigay kilig at ngatal sa iyong buong katawan. Lalo na kung sasabayan pa ng pag-ihip ng malakas ng hanging nagmumula sa karagatan. Marahil ang lamig ay dala ng hangin mula sa mga natutunaw na niyebe sa ibang bansa. Aasa ka lang sa init na dala ng makapal na balabal o anumang kasuotang tag-lamig o ang init na siga ng nagbabagong mga kahoy upang maibsan ang ginaw na nagpapatulog sa mga kalamnan . Sa ganitong pagkakataon mo kasi naalala ang masarap na sikat ng araw sa Pilipinas na nagpapainit sayo at ang mga walang sawang ekskarsyon sa probinsiya at pagtatampisaw sa dagat kasama ng pamilya. Ang masayang tag-araw na nagdudulot ng walang katapusang pagtagaktak ng iyong pawis pero walang sinabi sa matinding init na dulot ng disyerto sa Gitnang Silangan.

Ganun naman talaga tayo eh. Naiisip mo ang halaga ng panahon o bagay  kung ito ay natapos na. Parang isang ala-ala ng lumipas na panahon na nagdulot ng panandaliang saya sa puso mong minsan na nalulungkot. Pero, hindi pa rin natin ito nakakalimutan. Masakit mang alalahanin na ang panahon na yan ay natapos na pero masaya namang isipin na merong panibagong darating upang ibalik at sariwain ang nagdaang kahapon.

Kaya naman habang malamig pa, namnamin na lang natin ang simoy ng hangin na dala ng panahong kasalukuyan.
Ipagdiwang ang sayang nararamdaman, mahalin ang mga taong nandiyan sa bawat oras at minutong nagdaan, dahil kapag ito ay natapos na, meron ka pa ring masasayang alaalang babalikan.

. . .  at habang ako ay papalayo na, naririnig ko pa rin ang masasayang kantahan ng mga pamilyang nagpipipiknik sa may hindi kalayuan, maging ang sigawan at halakhak ng mga batang naglalaro ng bola at nagtatakbuhan, tulad din ng mga halakhak ng panahon na nagdaan.

1 Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.