Isang Panawagan sa Pamunuan ng POLO-OWWA Riyadh at sa POEA

Ginagalang Ambassador Ezzedin Tago at Administrador Hans Cacdac:

 

Ito pong panawagan na ito ay kumakatawan hindi lamang sa labing-walong OFWs na nakilala ko na may suliranin; ngunit para sa lahat ng mga OFWs na nasa Riyadh.

Nais ko sanang magsawalang kibo at ipagpatuloy ang pananahimik.

Ngunit sadyang nagbubulag-bulagan na o nagbibingi-bingihan kayo sa mga inilalapit na suliranin sa inyo.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang mga pagsasawalang-bahala ng inyong mga tanggapan sa mga idinudulog na problema.

Lalo na at minsan ay humingi ako ng kasagutan sa inyong Facebook account; simpleng katanungan at ang sagot ay ang “Walang Kuwentang Balik Tanong lamang!” At ang isang pinagtataka ay POEA Ortigas ang pangalan ng account ngunit hindi magawang magpakilala kung sino at ano siya ng inyong tanggapan!

Kinumpirma ko kung hindi iyon bogus account sapagka’t nasaling ko ang ego ng mismong nakatanggap at nakabasa ng mensahe ko! Kung mayroon daw sana akong kailangan ng pagpapaliwanag ay dapat minensahe ko siya! Aba! Aba! Teka lamang po! Sinuway ako kung bakit ko ipinost sa wall ko! At dahil sa mensahe niyang, “Kailangan akong maprotektahan?” Para saan? Mula kanino? Ano ang gusto niyang iparating sa akin? Kaya nagkaroon ako ng malinaw na konklusyon kung bakit maraming napapariwara na OFWs dahil lamang sa mga ganun tanong ay naliligaw at napapahamak. At kapag nangyari na ang hindi inaasahan, sisisihin si OFW at wala na siyang magagawa pa.

Ilang beses na rin akong nagpaulit-ulit ng pagpapadala ng e-mails sa inyong tanggapan. Dahil kahit anong pambabatikos ng sambayanang Filipino ay naniniwala akong sa isang kumpol na mga kamatis ay kahit may ilang bulok ay mayroon din naman na hindi. At lubos na umaasa na ang dalawang lider na tulad ninyo ay hindi ganun.

Una ko pong nais mabigyan ng pansin ay ang inyong public email addresses na nakalathala sa inyong mga websites ay sana po ay magkaroon kayo ng sapat na oras para matugunan ang mga iyon! Opo, naiintindihan ko na maaaring libo-libo ang natatanggap na mga liham. Ngunit isa po iyan sa parte ng serbisyong publiko na dapat unang mabigyan ng solusyon kung papaano mapapaunlad at maisaaayos ang sistema ng serbisyo ninyo.

Pangalawa, Nais kong malaman kung sino po ang nangangasiwa ng POEA ORTIGAS na facebook account na sadyang nagbigay ako ng simpleng katanungan ngunit hindi man lang iyon natugunan ng sapat na kasagutan upang malinawagan ang isang simpleng OFW na walang sapat na kaalaman. May karanasan ako sa pakikipag-usap sa publiko at bilang admin, ay kung alam ang sagot mas nakabubuti! Kasi maraming umaasang tao na sa pamamagitan ng social networking site ay makakuha ng tugon sa mga simpleng katanungan. Kung hindi alam ang isasagot ay magpakatotoo! Pero nakalulungkot naman isipin na napakabagito naman ng hahawak ng ganun na responsibilidad na ilang libong OFWs ang maaaring lumapit at umasa gamit ang facebook.

Pangatlo, Ilan sa mga kakilala ko na humingi ng tulong ay kahit anong pagsagot at pagtulong ay hindi ninyo naisagawa. Hinihiling ko po ang pagtugon sa mga inilapit kong problema. Kaya nga ang mga OFWs ay kinakailangan pang magpa-media o lumapit kung kani-kanino o kaya ay magpatulong sa mga NGOs dahil sa kawalan ng pag-asa na makuhang tulong mula sa inyo. At dahil nailantad na sila at naipahayag ang lahat ng saloobin ay saka lamang ninyo papansinin. Huwag naman sanang maipagpatuloy ang ganung paraan para lamang makuha ang inyong atensiyon at saka pa lamang gagawa ng kinakailan na pag-aksiyon. Lubos akong umaasa na mapapansin ninyo ang panawagan ko na ito.

Gumagalang, Vhia Hermitanio