Isang OFW sa sariling lupa.

Nung isang araw lang habang nakasakay ako ng bus pa-uwi ng cavite, bigla na lang akong napaisip: kumikita ako at nagta-trabaho para sa ikauunlad ng isang Canadian company sa Canada–di kaya parang OFW na rin yon?   Sa totoo lang, matagal ng naglalaro sa isipan ko yun simula ng magtrabaho ako sa isang kumpanya hindi lang sa kasalukuyang pinagtatrabahuan ko.   Yung ibang mga tao nga nag-a-abroad para makapagtrabaho sa dayuhang kumpanya para may ipambuhay sa sarili o sa pamilya nila.   Ako naman na kung tutuusin e hindi nga nag-abroad pero nagtatrabaho para sa dayuhang kumpanya dito sa Pinas.   Ang tanong: ano ang diperensya?   Lugar?   Oo.  Sweldo?   Oo.   Foreign Exchange?  Oo. (Mag-isip ka pa ng iba pang mga diperensya.)

Sobra na ang init dito sa Pinas.  Kung sa Canada siguro ako nagtatrabaho at nagtatapos ng article na to, mas okay kaya?  Ang pagkaka-alam ko sobra daw ang lamig dun.  100 beses ng lamig ng sa Baguio.  At ibang klase daw ang init sa kanila ayon sa naging trainer ko na Canadian.  ‘Dry heat’ ang tawag.  Hindi daw kagaya dito satin na magpapawis ka kahit papano sa init.  Malalamigan ka pag nahanginan.  Dun daw, hindi ka papawisan kundi matutuyuan ka.  Magliliyab na lang daw ang balat mo bigla pag nasinagan ng araw.  Ewan.  Baka hindi ko nga kayanin ang lamig dun at matulad ako kay Del Pilar na inubo at namatay na lang.  Kung sa init lang din, mas gugustuhin ko ng tumigil na lang dito sa Pinas at magpawis kesa maranasan yung ‘dry heat’ at forest fire.  Pero madali naman daw mag-adjust ang katawan ng isang tao sa klima ng ibang bansa.  Kung dito nga satin, ang hirap hirap i-adjust ang katawan sa klima sa Tuguegarao, sa ibang bansa pa kaya.  But then again, it doesn’t apply to everyone.  It only applies to me (or someone like me).

Green pasture.  Kung nasan daw yun, dun magpunta.  Oo nga naman.  Kung oportunista ka at gusto mong i-grab ang pagkakataon, bakit nga naman hindi?  Kaya nga naglipana na ngayon ang mga nursing gradweyts dahil sa kaisipan na yan.  Haay.. alam kong bulok na issue na ang ‘brain drain’, ‘economic instability’, problema sa supply at demand, politika, edukasyon, kuryente at love life ng kasalukuyang pangulo.. pero, nakakalungkot na makita ng harap-harapan ang mga naging at mga nagiging epekto nito.  Dito nga lang sa Pinas, hindi pinahahalagahan ang pag-unlad ng ibang mga lungsod na kung tutuusin e may potensyal at pwede naman talagang pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan.  Green pasture.

May katrabaho akong taga-Bicol.  Dun silang mag-anak nakatira sa ngayon.  Masaya naman sila dahil magkaka-sama sila at maganda ang lugar ng Bicol.  Masaya sila pag magkakasama sila–pag magkakasama, dahil pag kinakailangan ng kumayod at kumita ng katrabaho kong to, kinakailangan nyang iwanan ang pamilya–dalawang anak na lalaki, edad 7 at 5.  Linggo pa ng pasukan ngayon.  Parang eksena lang sa pelikulang ‘Inang Yaya’ ni Maricel Soriano ang pumi-picture sa utak ko tuwing naiisip ko.  Sa kwentuhan namin, sa kanya ko nabanggit yung title sa itaas.  “Para ka pa lang OFW sa sarili mong lupa”, sabi ko.  Wala halos pinag-kaiba sa mga kababayan nating nagta-trabaho sa ibang bansa.  Ilang mga araw, linggo o buwan ang lilipas bago pa nya makapiling ulit ang mga anak nya.  Nandyan ang lungkot, pighati at kirot sa puso dahil sa pagkakawalay sa pinakamamahal mo.  Naghahanap naman sya ng matitirhan nila sa metro manila pero mahirap pa.  Kailangan pang pag-ipunan.

Kung tutuusin, maswerte pa ang kalagayan ng katrabaho ko kumpara sa iba na halos walang pinagkaiba sa kalagayan nya.  Pero, hindi rin siguro.  Ito ay simpatya lang naman ng isang katulad ko na wala pa namang anak at hindi pa naman isang magulang.  Nai-imagine ko lang kung halimbawang yung nanay ko ang lumugar sa kaopisina ko at ako yung anak na lagi na lang naghihintay sa kanya.  Ini-magine ko lang din na mga bandang 5 years old lang ako sa sitwasyon na yun.  Ngayon, kung saka-sakaling may makabasa nito na isang opisyal ng gobyerno (good luck na lang sakin), may tanong ako: Kelan ba darating ang araw na hindi na ko laging tanong ng tanong?

Sobrang init na talaga.  Gusto ko ng humiga at matulog sa green pasture.

7 Comments

  1. Hi Uymelvin…..ang tanging masasabi ko lang sa artikulo mo….kung saan ka masaya humayo ka……malayo ka nga sa minamahal mo sa buhay…nakatikim ka nga ng green pasture….ang tanong masaya ka ba?

Leave a Reply

Your email address will not be published.