Isang Liham Para sa Aking Minamahal na Kasintahan

IMG_5853

Aking Sintang Bisente,

Sana pagdating ng araw, pag kinwento mo ako sa mga apo mo, ang sasabihin mo ay: Mahal na mahal ko ang “LOLA” nyo.

Lagi mong sinasabi sakin na magpapakasal tayo. Inaamin ko naman na kahit paano ay umaasa ako. Naghihintay pa rin ako sa panghabang buhay na kasama ka. Alam kong maraming pagsubok pa ang kailangan nating harapin bago natin maisakatuparan ang mga pangarap natin. Pero ang lagi mong sinasabi sa akin pag nanghihina ako- Kaya natin ito!

Oo, kakayanin natin ito. Kakayanin nating ayusin ang mga bagay bagay at kakayanin nating harapin ang mga susunod na unos sa ating relasyon. Magiging matatag tayo. Hindi tayo susuko at papatunayan natin sakanila na hindi imposible na magkatuluyan tayo. Sa ilang mga araw na nalulungkot ako, nanlulumo at umiiyak at tila ba bibigay na, ikaw pa rin ang naging lakas ko at nagturo sa akin na tumayo at bumangon muli at ipaglaban kung anong meron tayo. Tinuruan mo akong lumaban kasama mo. Binigyan mo ako ng kalasag, ng sandata at ng determinasyon kaya nakakaya kong lumaban na muli. Nagsakripisyo ka kasama ko at naging masaya ang bawat araw nating magkasama. Pag dating ng araw, maiintindihan rin siguro nila kung bakit natin pinaglalaban ang isang magandang pagmamahalan.Magiging ayos din ang lahat.

Hindi man ordinaryo ang “love story” natin ay ayos lang. Hindi na mahalaga kung paano tayo nagsimula, ang mahalaga ay kung paano nagpatuloy ang kwento natin at kung paano pa ito magpapatuloy pa. Sana hindi tayo maging “once upon a time” na lang. Mas masaya kung maging “happily ever after” ang kwento natin.  Ako si Cinderella at ikaw si Prince Charming ayos ba yun? Gusto kong maging dahilan ng bawat ngiti sa mga labi mo at ang dahilan ng bawat tibok ng puso mo. Mahal kita at yan ang sinisigaw ng puso ko. Alam ko naman na mahal mo ako, minsan gusto ko lang talagang makasigurado.

Salamat sa isang magandang kwento na ibinahagi mo sa akin at sa mga susunod pang bahagi na pagsasaluhan natin. Salamat mahal ko sa lahat ng pag-aalala at pagaaruga, sa pang-unawa at sa pagtitiis. Wag kang mag-alala andito lang ako lagi para suportahan ka, partner tayo diba?

P.S. Pag nabasa mo ito, yakapin mo ako ha. 🙂

Mula sa iyong irog,

Selya