Isang Kahon ng Pagmamahal [An OFW Story]

Image by The Market Monitor

Workaholic na OFW?

Minsan nasasabi ko sa aking kasama na kung puwede ay maghanap naman siya ng oras para sa sarili niya at makapagpahinga naman siya nang maayos. Pero ang laging tugon niya sa akin ay kaya siya nangibang bansa ay upang mabigyan niya ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya. At hindi para magpahinga.

May isang araw sa bawat linggo na puwede kaming magpahinga, pero mas pipiliin niyang gawing overtime na mga araw na iyon. Kahit masama ang pakiramdam o dili kaya ay may sipon o ubo ay hindi niya inaalintana. Dadaan lang sa klinika at hihinga ng gamot tapos balik ulit sa trabaho.

Hindi rin biro ang kanilang mga ginagawa dahil maghapon silang nakababad sa araw. Gigising ng alas kwatro para kumain at maligo tapos papasok na. Alas- Sais ng umaga ang umpisa ng oras hanggang alas singko ng hapon. Pero itong kakilala ko ay naghahanap pa ng dagdag oras. Sa maliit niyang sahod na hindi pa aabot ng sampung libo ay pipilitin niyang umabot kahit labing limang libong piso para lamang kahit papaano ay makakatulong sa kanyang pamilyang nasa probinsiya.

Kapag araw na ng sahod ay halos ipadala na niya lahat ang kaniyang kinita. Panay nga kuwento niya sa akin na huwag lang magkakasakit ang kanyang mag-anak at kahit papaano ay mabubuhay naman nang maayos ang kanyang pamilya.

Doon sa natitirang pera niya para sa sarili ay pinambibili niya ng mga sabon, pabango, tsokolateng por kilo at mga laruang gawa rin sa china. At ilalagay niya ito sa isang kahon.

Ang kuwento niya sa akin ay sa ganitong paraan lang siya makaiipon ng mga gamit na kanyang ipapasalubong matapos ang kanyang labing walong buwan na kontrata. Pati mga pinaglumaan ng uniporme at mga maliliit na bagay tulad ng marker o bolpen ay isinasama niya sa kanyang iniipon.

Halata mo naman ang kanyang sakripisyo sa pamilya. Ang ibang mga kasama niya ay nagkakaroon ng mga usong cellphone habang siya ay may lagpas ng anim na taon na burado na ang mga letra, gasgas na ang screen at mabilis nang maubos ang baterya. Pero para sa kanya ay ito ang isa sa mga pinakamahalagang gamit niya dahil ang mga mensahe na galing sa kanyang anak at asawa ang siyang nagbibigay ng lakas na lumaban sa pagkakaulila sa pamilya.

Dumating na ang araw ng kanyang pag-uwi sa Pilipinas at nung aking sipatin ang laman dahil kailangan dumaan sa inspection ang mga gamit na lalabas ay makikita mo na sari sari ang mga laman ng kanyang kahon.

May mga corned beef na delata, sabon na lux , gamit na gloves, nylon na lubid, ilang pirasong bolpen at stabilo, mga tissue paper na binigay sa kanila. Pinaglumaang jacket, mga bagong tshirt na hanes at mga tsokolate at laruan. Maliliit na bote ng pabango, mga baseball cap at kung ano pang puwedeng ipadala.

Ito ang kanyang alkansya, Dito mo makikita ang bunga ng kanyang pagtitiis at ang pagiging masinop niya sa mga bagay.

Ito ang hindi nakikita ng karamihan.

Ito ang kahon ng pagmamahal.

(Photo Credit: 123rf)

Maisip lang niya na sa pagbukas ng kahon na ito ay hindi maipaliwanag na kasiyahan at ngiti na makikita sa kanyang mga anak at asawa ang siyang magpapawi sa may ilang buwan niyang pagkawalay sa kanyang pamilya.

“Kakayanin ang hirap gaano man kabigat ito….”

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.