“Isabit Na Ang Parol”

Isabit na ang Parol, huwag nang humagulhol, tapos na ang bagyo. Pero ang Pasko ay paparating pa lang, kampana’y malapit nang kumalembang.

Isabit na ang Parol, tigilan na ang pagmamaktol. Tapos na ang unos. Kaya sa trabaho tayo ay mag-pokus. Para siguradong may Krismas bonus.

Isabit na ang Parol. Huwag sa “celfon” pa-kontrol. Nagmumukha ka nang gamol. Umaga, tanghali hanggang hatinggabi, para ka na diyang kiti-kiti. Hindi mapakali, nagpuputok ang butsi, ‘di pa siya nagre-reply k’se.

Isabit na ang Parol, huwag kalimutan, ating mga lumang nakagisnan. Dito’y walang mahirap. Wala ring mayaman. Dahil iisa lang ating inaasam. Isang “Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon”, at tayo’y pagpalain ng ating Mahal na Poon.

Photo credit: hi165.wordpress                                                                                                                               

Isabit na ang Parol, doon sa may bintana. At nang ito’y ating nakikita. Kahit sobrang pagod ay ‘di alintana, ngiti ng Parol ay nagpapasigla. Ito ang simbolo ng  tunay na diwa ng Pasko, sana tayong lahat ay magkaisa. Walang “color coding” – hindi  tayo krayola. Isa lang ang kulay natin –  Kayumanggi, ang kulay na kinukutya’t pinupuri. Walang “ay sa pula, o ay sa puti”, dahil diyan tayo’y ‘di magwawagi.  Lalo na doon sa mahihilig sa “isang kahig, o isang tuka”, ‘ayun ginawa nang “tinola” ni Lola – ‘tara higop tayo ng sabaw habang mainit pa!

Isabit na ang Parol, mga Kababayan. Pasko’y atin nang simulan. Tigilan na ang kaliwa’t kanang “unli-bangayan”, wala tayong  mapapala riyan. Masdan mo na lang mga  bituin sa langit. At huwag kang maiinip, munting kahilingan balang araw ay makakamit. Maniwala ka lang sa diwa ng Pasko, hindi lahat ng pangako, napapako.

Pagsapit ng Pasko, walang “Pro o Anti”, ako lang naman siguro ang “Puro ‘Antay”  – puro paghihintay, kailan matatapos ang kani-kanilang away. (Haha!) Sana naman sila’y magkamayan (huwag magpatayan), maging tunay na magkaibigan, kahit hindi Araw ng Pasko. Dahil ang totoo, ang kawawa’t talo ay walang iba kundi tayong mga Pilipino.

Hindi po ako “right” pero hindi rin po ako “wrong”, but guess I know where I belong – sa Hari ng lahat, kay Hesukristo, Siya ang rason bakit tayo ay may Pasko. Kaya ‘tong mumunting Parol sa Kanya’y aking alay, pinagbutihan ko aking pagkukulay.

Para nawa tayo’y Kanyang mabendisyonan ng buhay na payapa, mga aning masagana, malayo sa mga problema. May pagkain sa hapag-kainan, malusog na pangangatawan, pamilyang masaya at puno ng tawanan.

Gaya ng nakita ko, sa isang bahay-kubo, si Kuya ay nakatungtong sa “bangko”,  may hawak na martilyo, pinupukpok ang isang pako. Isa, dalawa, tatlo –  “Okay na ‘to! Nasaan na ang Parol at isasabit ko!?”

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:indayluwag420