Isa sa Pinakamalupit na Kalaban ng OFW

(photo credit: barnsley.gov.uk)
(photo credit: barnsley.gov.uk)
(Photo Credit: barnsley.gov.uk)

Bawal daw magkasakit ang OFW; o parang wala lang karapatan, hindi kaya? Ngunit sino nga ba naman ang nagnanais na magkasakit lalo pa at napakalayo mo sa iyong pamilya?

Ngunit hindi naman natin hawak kung ano’ng mga susunod na mangyayari. Naisulat ko ito dahil tatlong araw na akong may trangkaso, at ito ang pinakamahirap na pinagdaraanan ko ngayon. Marahil, sa ilan ay kababawan lamang, ngunit base sa aking ilang taong pagiging OFW, ito na ang pinakamalupit na aking kalaban; ang pagkakaroon ng trangkaso na malayo sa aking pamilya.

Una, dahil wala ang tatay ko na magpapahid ng langis sa aking likuran. Nakasanayan ko na ito mula pagkabata, at iba naman talaga ang haplos ng magulang; nakagagaan ng pakiramdam.

Pangalawa, sana nandito ang aking Nanay, Ate o mga kapatid na mangungulit kung ano ang nais mong kainin; mainit na sabaw ba, maasim ba, mainit na tsokolate  o ang walang katapusang royale na pinaniniwalaang nakapagpagagaling ng may sakit, (daw po to ha, ‘di rin ako sure).

Bilang OFW kasi, ikaw lang ang aasahan ng sarili mo, ikaw ang magluluto kahit pa nanghihina ka, ikaw ang mag-iisip kung ano ang nais mo. Dahil kahit may mga kasamahan ka sa bahay, alalahanin mong sila ay may pinagkakaabalahan din, busy sa trabaho at ilang bagay. Ngunit suwerte pa rin naman ako dahil mababait ang kasama ko sa bahay, sila ay may butihing puso.

Isama na natin iyong kailangan nating pumasok sa trabaho, sa kabila ng katotohanan na hindi mo pa kaya; sayang naman kasi ang kita. Pero entitled din naman tayo ng sick leave, at kung sinusuwerte ay may mga mababait din naming mga employer na maiintindihan ang iyong kalagayan.

Hindi ko na sana sasabihin sa aking magulang na ako ay may karamdaman, ngunit sa way kasi na iyon, kahit paano naiibsan ang nararamdaman ko; tunay ngang ang pagiging magulang ay walang expiration date. Super Thankful ako kay God, kasi he gave us the best parents in the world!

At sana katulad ng homesickness, ang makausap ang pamilya via Skype or ano pa mang means of communication; marinig ang kanilang mga halakhak at makita na sila ay masaya, kahit paano’y nakababawas ng lungkot na ating nararamdaman. Na sana ang trangkaso o ang pagkakasakit ay kayang ibsan ng iba’t-ibang uri ng gamot na ating iniinom ang tunay na lumbay na ating nararamdaman, na higit sa sakit ulo, ng katawan o kalamnan.

O siya, sige po, ang senti ko kasi kaya dito ko na lang idinaan. Salamat po sa pagbabasa. God bless and keep safe po sa lahat.

About kambal

Simple lang ako. At naniniwala sa kasabihang " Ang pagiging masaya ay hindi ang pagkakaroon ng mga bagay na gusto mo, kundi pagiging kuntento sa kung anong pinag kaloob sa iyo."