Instant Mami

(Photo Credit: Foodtrippings)
(Photo Credit:  Foodtrippings)
(Photo Credit: Foodtrippings)

Isa ako sa pinakamatabang bata noong Grade 2  pa lang ako. Tuwing dadalaw kami sa mga tiyuhin at tiyahin ko, ang palaging sinasabi sa ‘kin eh, ‘Parang napabayaan ka sa kusina ah!’ o kung hindi naman, siguradong mapapahiran ng maraming thumb marks yung mapula kong pingsi sa dami ng kurot. Hindi ko alam kung ako lang yung ganoon pero talagang fan na fan ako ng instant mami.

Sabi nila sa research ngayon, masama na raw ang kumain ng sobrang daming mami. Una, dahil matagal daw ito manatili sa sikmura ng tao. Marami na rin daw namatay sa bangungot (may kakilala akong namatay na dahil dito), at yung iba, namatay dahil nagsawa sa kakakain nito tuwing may relief operation sa Pilipinas. Basta ako, kahit anong mangyari, okey palagi sa’kin ‘yung 3-5 minutong pagluluto ng sabaw na galing sa isang plastik. Solb kaagad. Ito na rin siguro yung dahilan kung bakit ako tumaba noong nasa ikalawang baitang pa lang ako.

Bago ako pumasok sa iskul, automatic na ito kaagad yung default na kasama ng almusal ko. ‘Yung napakainit na sabaw ng instant mami. Pero ibang klase yung sa nanay ko, palaging mayroong itlog na kasama.

Sabik na sabik akong pumasok sa paaralan dahil sa sarap ng almusal ko. Instant Mami wid itlog. Da best.

Isang araw nagdeklara ang buong paaralan na wala raw pasok. Isa ito sa pinakamagandang balitang natatanggap ng kahit na sinong estudyante. Ibig sabihin, tambay na naman sa bahay. Nakaharap na naman ako sa TV habang pinapanood ang mga paborito kong si Cedie at si Remi. Usong-uso rin yung teks noon saka POG.  Ngayon?  Lahat nasa tablet na  o laptop. Kung babalikan ko, isa itong paraiso. Pero dahil nga paraiso, mahirap na balikan.

“Jared, kumain ka na! Kanina ka pa nakaharap diyan sa TV ah!” utos ng tatay ko.

Hindi ko siya pinapansin dahil iniintindi ko bawat salita na sinasabi ng bawat tauhan ng paborito kong cartoon noon.

Walang tao sa bahay at kaming dalawa lang ng tatay ko. Hindi ko na matandaan kung nasaan ‘yung kapatid ko at nanay, pero ang alam ko, dalawa lang kami ni erpats.

Nalipasan ako ng gutom dahil sa kasabikang manood ng TV at dahil na rin siguro sa kapagurang kulitin ako kumain, nakatulog yung tatay ko sa sofa.

Nagutom ako bigla.

Hindi ako marunong magluto at isang bagay lang ang nirereklamo ng mala-bola kong tiyan. INSTANT MAMI!

“Dad! Gusto ko ng Lucky Me!” ginising ko siya. Hindi ko napansing naantala na ang kanyang tulog.

“O, sige sige. Maghintay ka lang ng sandal,” sabi niya.

Umupo muna ako para buksan ang TV ulit habang naghihintay sa pagluluto.

Dumeretso na ang tatay ko sa kusina at narinig kong binubuksan na niya yung kuwadradong plastik na mayroong matigas na noodles at isang paketeng pampalasa sa sabaw.

Nalibang ako sa panonood at naalala kong hindi pala tatay ko ang nagluluto ng mami sa’kin araw-araw. Kaya hindi niya alam kung ano yung gusto kong luto. Dapat may itlog.

“Dad, gusto ko yung may egg ha!” sumigaw ako mula sa sala

Hindi siya nagsalita at naniwala na lang akong narinig niya.

Matapos ang 10 minuto,tinawag na niya ako sa hapag-kainan.

“O, Jared eto na yung Lucky Me mo, may itlog na rin to!”

Agad-agad akong tumakbo at dahan-dahan kong binuksan ang takip ng pinaglutuan ng noodles.  Ang bango.

Pero nagulat ako sa nakita ko.

Yung noodles ko ay mayroong itlog. Pero bakit parang iba kaysa sa nanay ko?

“Dad! Bakit ganito yung itlog? Gusto ko yung durog-durog. Buo yan e.” reklamo ko.

“Ah, ganoon ba, oh ito durugin natin” kinuha niya yung kutsara at literal na dinurog durog yung itlog sa instant mami ko.

Ibang iba ang itsura niya kaysa sa gusto kong klaseng luto ng nanay ko. Wala na akong ibang tanong sa mundo noon. Isa lang, “Bakit iba ito?!”

Nagsimula akong mainis dahil gutom na gutom na ako. Kinuha ko yung tinidor at dinurog durog ko mag-isa ang itlog na buo. Pero hindi ko pa rin maintindihan kung bakit hindi ko magaya yung gawa ng nanay ko. Nalungkot ako nang sobra.

“O,sige anak..ganito..maglalaga na lang ako ng isa pang itlog tapos dudurugin natin tapos ilalagay natin yun sa instant mami mo. Okay ba ‘yon?” tanong ng tatay ko.

Hindi na lang ako nagsalita at umalis ako sa hapag-kainan. Bumalik ako ulit para manood ng telebisyon. Gutom na gutom na ako. Tuwing may nakikita akong commercial ng instant noodles, mas natatakam ako at mas naiinis din dahil hindi maluto-luto ng tatay ko ‘yung gusto ko.

Matapos ang 10 minuto, tinawag ako ulit ng tatay ko para kumain. Naramdaman kong pagod na rin siya.

“O,eto na anak!” sabik na pakita ng tatay ko sa bagong lutong mami na may kasama pang durog na itlog.

Wala siguro akong pakiramdam noon, pero hindi ko maintindihan kung bakit magkapareho ‘yung luto ng tatay ko saka sa niluto niya 10 minuto ang nakalipas.

Tiningnan ko nang masama ang tatay ko at nagsabi ako, “Nasaan ba si Mommy? Hindi mo makuha ‘yung gusto kong luto ng instant mami. May itlog yun! Hindi ganyan!” iyak ko.

“Anak, itlog ‘yan. May instant mami na. Pareho lang yan. Hindi ko maintindihan ‘yung gusto mo. Nakikinig lang ako sa ’yo.” Nakakaawang paliwanag ng tatay ko.

Pinilit kong kainin yung instant mami na niluto ng tatay ko habang tumutulo ang aking luha.  Naghalo ang lungkot, galit at inis dahil hindi ko malasahan yung gusto kong luto ng instant mami. Kalahati pa lang ang nakain ko, galit na galit kong sinabi sa tatay ko na  “hindi ka marunong magluto!”

Hindi nagsalita ang tatay ko at sinabi niyang ubusin ko na lang daw yung niluto niya. Kasi sayang naman.

Hindi ako nakinig sa kanya.

Niligpit na lang ng tatay ko yung natirang malamig na sabaw at dumeretso na lang ako sa TV para manood.

Dumating bigla yung nanay ko.

“O, kumain na ba kayo?” tanong niya sa aming dalawa ng tatay ko.

Bago pa man magsalita yung tatay ko, tumakbo kaagad ako sa nanay ko para magsumbong.

“Ma,si Daddy hindi marunong magluto ng instant noodles na may itlog.”

Hindi ko na matandaan yung nangyari dahil nag-usap silang dalawa sa kusina at hindi ko na narinig. Narinig kong tumatawa ang tatay ko at nanay ko.

Makalipas ang ilang sandali nilapitan ako ng tatay ko.

“Galit ka ba sa ’kin?”

Hindi ako nagsalita.

“Yung luto palang gusto mo anak eh, nilalagay kaagad dapat ‘yung itlog kasama ng noodles. Magkasabay silang malulusaw sa init. Alam ko na yung sinasabi mo. Hindi mo naman kasi pinaliwanag kaagad.”

Niyakap niya ako at nag-sorry.  Nagluto siya ulit ng panibagong noodles. Pero sa pagkakataong ito, pareho na kay Mommy.

Tuwing binabalikan ko ‘yung alaala ng “maling luto” na ‘yun, nahihiya ako sa sarili ko. Masyado akong naging makasarili at hindi ko nakitang pareho lang ang pagmamahal na ipinakita ng nanay at tatay ko sa ’kin. Pareho silang marunong “magluto”.  Ang pinagkaiba nga lang, iba ang istilo nila. Iba ang luto ng itlog.

Pero kapag pinaghalo mo lahat, ganoon pa rin ang laman ng lutuan.

Instant mami noodles na may itlog.

Walang mahirap lunukin. Walang mahirap nguyain kapag nanggaling sa tunay na pagmamahal.

Pero sila, nilunok nila ang ugali ko.

 

Twitter: @jaredpuge

About Jared Richard Uy

Full-Time Teacher. 66% Humanist. Cultural LDS. INFP. http://maligaligako.wordpress.com