Incest

incest

Hindi ko naman itinatanggi na naging prosti ako.

Marami ang nagpakasasa at nagpakasawa sa aking katawan mga iba’t ibang lahi pa nga; Kastila, Amerikano, Hapon at iba pa. Hindi ko sila lubos na natanggihan at kung tatanggi man ako’y hindi rin sapat ang aking paghindi. Anong magagawa ko eh mahina lang ako? Isang kayan-kayanan at api-apihan. Hindi naman ako likas na malandi pero sa katagalan nang paggamit nila sa akin nakasanayan ko na rin, kailangan eh. Marami ang umaasa sa akin at dapat lang akong kumayod ng husto. Kaya’t kahit hindi na kaya ng katawan ko pinipilit ko pa rin mapunan lang ang pangangailangan ng marami kong anak.

Mahirap talaga ang maging mahirap mistula kang alipin ng mga may salapi at makapangyarihan. Walang boses ang bawat sasabihin, walang nakikinig sa bawat hinaing, walang lakas ang bawat pagtutol.

Tanggap ko na ang kapalaran kong ito at kahit na anong gawin ko’y hindi na rin maibabalik pa ang nakalipas at nakaraan. At kung maibabalik man ito may kakayahan ba ako na ito’y baguhin?

Tanggap ko na, na ganito ang naging kapalaran ng aking buhay.

Tanggap ko na, na madrama at malungkot ang aking kasaysayan.

Ngunit ang hindi ko lubusang matanggap ay ang patuloy na pangyuyurak at panghahalay sa akin ng mismong mga anak ko! Hanggang kasalukuyan.

Batid nilang higit kong kailangan ang pag-aaruga at pagkalinga dahil sa kalunos-lunos kong kalagayan pero mga wala silang pakialam. Medyo may katandaan na ako’t gusto ko na ring magpahinga at maranasang may nagmamalasakit at nag-aalaga sa akin. Ngunit sa halip ay hindi pa rin sila tumitigil sa pagluray sa aking kapurian. Parang mga demonyong humahalay sa aking kalamnan. Mga hayok na nilulustay ang natitira ko pang kaunting kayamanan.

Awang-awa na ko sa aking sarili.

Tingin ko’y sobra na ‘kong namaltrato at naabuso. Nais kong sumigaw at iiyak ang poot na namamahay sa aking puso. Ngunit gusto ko ring kamuhian ang aking sarili dahil sa hindi yatang magandang pagpapalaki ko sa kanila. Ako ba ang dahilan kung bakit naging ganyan sila kasama? Kung ganoon nga isa pala akong walang kwentang Ina!

Ginawa ko naman ang lahat ng alam ko upang maging mabuting Ina sa kanila at sila nama’y maging mabuting mga anak sa akin, tinuruan sila kung papaano maging responsableng mamamayan at maging mapagkalinga sa kanyang mga kapatid pero ako’y nabigo. Nagpakaputa ako upang matustusan lang ang kanilang pangangailangan halos pati kaluluwa ko’y ibinigay ko na sa mga oportunistang naghahangad sa akin noon, noong ako’y sariwa at higit na maganda kaysa ngayon. Sinikap ko ring makaipon para sa magandang kinabukasan ng aking ibang mga anak pero kahit na hindi ganoon karami ang mga suwail at walanghiya kong mga anak sila pa rin ang nananaig at nangingibabaw parati. Sila kasi ang mas malakas at mas makapangyarihan kumpara sa nakararaming mahihina na mapagkakatiwalaan at responsable pero tahimik lang at tila walang pakialam.

Pero hindi lahat ng anak ko’y puro sakit ng ulo at kademonyohan ang nasa pag-uutak marami sa kanila ang talagang may pagmamahal at pagmamalasakit sa akin. Handang ibuwis ang kanilang buhay makalaya lang ako sa pagiging alipin at puta. May pagmamahal na kahit dumanak ng dugo ay hindi alintana at nababahala maipagtanggol lang ako sa mga putanginang dayuhang humahalay sa akin. Kahit alam nilang walang panalo ang kanilang mga tabak laban sa malalakas na armas sila’y hindi nagpadaig at natakot. ‘Yung isa ngang anak ko bolpen lang ang sandata pero parang kanyon sa lakas ang naging pagsabog. Sa kasamaang palad ang lahat ng mga anak kong ito’y maagang binawian ng buhay. Kung sino pa ang matino ‘yun pa ang maagang namatay. Sayang.

Siguro kung nabuhay sila ng matagal-tagal iba ang naging kapalaran ko ngayon. Hindi sana ako nasadlak sa ganitong kahirapan. Hindi sana ako ikinahihiya ng ibang anak ko. Hindi tulad ng isa kong anak na sa pagnanais na mapanatili ang bansag na bayani kinamatayan na ang pagtatakip sa totoong kasaysayan.

Kay sarap balikan ang alaala ng aking mga anak na tunay na nagmahal sa akin literal nilang inialay ang kanilang buhay sa pagnanais na maitakas ako sa kamay ng mga dayuhang nanamantala sa akin. Mayroon akong isang anak na namumukod-tangi ang tapang at may ibinulong siya sa akin noon na hanggang ngayon ay tumatak sa puso’t isip ko. Wala na raw hihigit pa sa pagkadalisay at pagkadakila ng pag-ibig niya sa akin! Napakaganda ng sinabi niyang iyon masarap sa tainga at lubos talaga itong nagpataba ng aking puso. Kaya ganoon na lang ang lungkot at hinagpis ko nang mabalitaan kong pinaslang siya ng kanya mismong mga kapatid!

Sa sunod-sunod na pagkasawi ng magigiting kong mga anak akala ko’y lubusan na akong mamahalin ng mga naiwang iba pa dahil sa habiling pangaral at magandang aral sa kanila. At muli akong nagkamali. Nakalulungkot isipin na marami na ang hindi ganap na dumadalisay at dumadakila sa akin mayroon siyempreng mangilan-ngilan na nagmamalasakit pero ang iba’y unti-unti na ring nilalalamon ng bulok na sistema at nagiging gahaman na rin kalaunan hanggang sa mawalan na rin ng pagmamalasakit. Ang iba naman’y nagpasyang mang-ibang bansa hindi lang dahil sa pagnanasang kumita ng mas malaki kundi dahil sa kagustuhang magpakalayo-layo at tuluyan nang ikinahihiya ang pangalan kong nakakabit sa kanila. Nasaan na ang sinasabi nilang pagmamahal? Nasaan na ang dalisay na Pag-ibig?

‘Di ko maintindihan kung bakit sa tuwing nasa ibang bansa ang mga anak kong ito’y napakabubuti, masisipag at walang reklamong sumusunod sa mga batas na doo’y umiiral na halos wala namang ipinagkaiba sa mga batas natin dito. Pero pagdating dito hirap na hirap sumunod sa itinakdang batas na kahit simpleng pagtawid sa tamang tawiran ay hindi ginagawa ‘yun na kasi ang nakagisnan at nakasanayan kaya hayun halos lahat na sila pasaway. Mabait kasi akong Ina, kung noon pa man ay pinagsabihan at pinaalalahanan ko na sila sa mga bawal nilang gawain siguro ngayon lahat sila ay matitino at may disiplina. Eh ngayon matitigas na ang mga ulo, maraming tarantado at ayaw nang nasasabihan sa mga pagkakamali nila. Kaunting puna lang sobrang pikon na pero kung sila naman ang mamumuna napakagagaling at hindi lang mga walang pinag-aralan ang may ganitong ugali kahit nga mga edukado pa. Magulo na nga yata talaga ang mundo.

Tulad ng mga anak kong mga “edukado at mararangal” na may magugulong pag-uutak. Hindi ko alam kung bakit sino pa ang anak kong may magandang edukasyon o may mataas na karangalan sila pa ang halinhinang nagmamaltrato sa akin. At paulit-ulit pa. Mga may dignidad kung ituring pero palihim na ang kanilang Ina’y ginagawan ng kawalanghiyaan. Ang kakapal ng mukha! Silang mga abogado, heneral, ekonomista, elitista, makamasa, militar, artista, propesor at iba pang propesyonal raw pero halos pare-pareho lang ang uri. Kay yayabang at taas-noong sasabihing taos ang pag-ibig para sa akin ngunit hinahalay naman ako sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataon.

Ang ibang mga anak ko naman na hindi nakapagtapos ng pag-aaral na nasa akin pang poder ay ‘di nga nakikisawsaw sa panghahalay pero kinukupitan ang kani-kanilang ate at kuya o umaasa sa mga padala ng mga nasa abroad. Sila-sila ang nag-oonsehan. Gusto ko mang ikahiya na sila’y aking mga anak ay ‘di ko magawa bagkus umiisip pa rin ako ng paraan upang magkasundo-sundo lahat sila. Oo lahat sila. Pero alam kong imposible itong mangyari ngayon.

Kung maari lang sigurong pumili ng magiging anak baka magdalawang-isip ako kung sila pa rin ang pipiliin ko. Pasensya na. Ganun na talaga kasama ang loob ko ngayon. Napakaraming pagkakataon ang ibinigay ko sa kanila para magbago pero lahat iyon ay nasayang lang. Habang nakikita nila akong may sugat at gumagapang sa hirap hindi man lang ako alalayan o alagaan mayroon pa ngang kumukulimbat sa kakaunting pera ko na dapat sana’y pambili ko ng aking medisina. Ang iba namang naaawa sa akin ay wala namang aksyong ginagawa. ‘Wag na kayong magtaka kung isang araw ay bigla na lang akong mabaliw o atakehin sa puso sa sobrang depresyon at sama ng loob.

Dumating din naman sa punto na akala ko’y tuluyan nang magkakaisa ang mga anak ko nang minsa’y silang magtipon-tipon at madramang naghawak-kamay at winawagayway ang dilaw na laso na simbolo raw ng pagkakaisa nila pero muli akong nagkamali. Naging daan lang pala ito upang muli akong abusuhin! At hindi lang ‘yun dumami pa silang nagpakasasa sa katawan ko. Kaliwa’t kanan ang kahalayan at kababuyan. Halos wala ring pinag-iba noong halayin ako ng mga lintek na mga dayuhang humimod sa katawan ko. Simula noon ipinagpasa-Diyos ko na lang ang kapalaran ko sa kamay ng mga anak ko.

Sa positibong banda marami akong anak na madiskarte at maabilidad na kayang mag-adjust at mamuhay sa kahit saang lupalop ng mundo; sa disyerto, sa malamig na snow, sa bansang komunismo, sa bansang diktaturya, kahit sa bansang may digmaan naroroon sila, nagtatrabaho at nagtitiis. Ang mga dolyares na pinapadala nila ay malaking tulong sa akin dito ko kinukuha ang mga biglaan kong pangangailangan at ‘yung iba pambawas sa mga utang siyempre ‘yung iba kinukupit (hindi na yata maiiwasan ‘yun). Hindi naman kami mayaman pero balita ko ipapautang ng anak ko ang kaunting naipon kong dolyares.

Siguro kung napangalagaan lang ng husto ang kayamanan ko hindi na kinakailangang mag-abroad ng marami kong anak. Hindi na sila nagpapaalipin sa Hongkong, Saudi, Canada, Amerika, Europa at iba pa. Dito sana sila nagtatrabaho kasama ako at ang kani-kanilang pamilya. Pero wala akong magawa waldas at barubal ang mga anak kong may hawak ng aming budget kaya hayun! Iba ang naapektuhan.

Ang ikinababahala at ikinakakaba ko ngayon ay ang aksyong gagawin ng isa kong anak sa pambu-bully ng isa kong kapitbahay. Balak kasing kunin ng kapitbahay kong ito ang aking nasasakupan, gagong iyon porke’t alam na mahirap at mahina lang kami kinakayan-kayanan ako! Bumabalik tuloy sa aking alaala ang hindi magandang nangyari sa akin dati nang sinalbahe ako ng mga dayuhan. Marami ang nasawi noon at pinapanalangin kong ‘wag naman sana ‘yung maulit.

Saka akin naman talaga ang lupang iyon eh! Kahit sino pang itanong na ibang kapitbahay ko lahat sila’y magsasabing akin ‘yun. Ninanakaw na nga ng mga anak ko ‘yung kaunting kayamanan ko pati ba naman itong letseng kapitbahay ko balak din akong nakawan. Ayoko namang mang-away o awayin sila dahil sigurado wala akong laban du’n lampa kasi ako. Hangga’t maari gusto kong matapos at maresolba ito sa isang matino at payapang pag-uusap. Isa pa baka mapahamak lang ang mga anak ko. Ayokong isiping makabubuti na ipamigay ko na lang ang lupaing iyon para sa ikabubuti ng marami kahit na alam kong wala ring mangyayari kung ipapamahala ko ‘yun sa anak ko. Sayang na lamang ang ipinaglaban ng mga namatay kong anak kung basta na lang itong ipamigay sa mga naghahari-harian.

Minsan nagtataka ako kasi matataas naman ang pinag-aralan ng marami kong mga anak na napagtapos ko sa aking pagpuputa pero ewan ko ba kung bakit hindi ginagamit ang pinag-aralan sa tamang paraan. Mabuti pa ang mga anak ko sa labas na may dugong banyaga paminsan-minsan ay nagbibigay sa’kin ng kasiyahan at karangalan pang world class ang ipinapakitang talento; mahuhusay sa kantahan, sa larangan ng sining, sa moda at maraming pang iba. Ang iba namang mga kapatid niya sinasakyan ang bawat karangalan na nakakamit ng mga anak kong ito samantalang ang iba namang mga insecure kong anak pilit na sinisiraan at hinahanapan ng kapintasahan ang kanilang half-brother o half-sister kahit wala naman itong ginagawang masama sa kanila.

Sadyang noon pa yata ay naghihilahan na ang aking mga anak. Batuhan ng batuhan ng mga putik sa halip na linisin nila ang sarili nila. Hindi pa nakontento at pati ako na sarili nilang ina’y hindi mapakali na gawan ako ng kahalayan! Nakakahiya. Kung sukang-suka ako sa mga dayuhang nagpakasasa sa aking katawan sa tuwing ito’y aking naalala parang higit pa roon ang pagkasuklam na nadarama ko sa kanila dahil dugo sa dugo at laman sa laman ang kanilang nilalapastangan. Pero wala akong magawa.

Iniluluha ko na lang ang bawat hinanakit ko sa buhay. Ang sama-sama na nga ng nakaraan ko pati ba naman ang buhay ko sa kasalukuyan ay ganoon pa rin?

Hanggang kailan ba ako magtitiis? Kailan ko ba mararanasan ang kaginhawaan? Kailan ba ako maituturing at maigagalang na ina?

Kung ang tawag sa panghahalay at pang-aabuso ng mga anak sa isang Inang tulad ko ay Incest isa pala itong karumal-dumal na krimen na araw-araw kong nararanasan. Krimen na dapat sanang mabigyan ng hustisya’t katarungan pero kanino ako lalapit at dudulog? Sino ang aking lalapitan?

‘Di bale na. Ayaw ko rin naman silang mapahamak mas gugustuhin kong sila’y magbago at magbalik-loob na lang sila sa’kin kaysa mapiit sila sa bilangguan. Saka hindi pa naman siguro huli ang lahat…may pag-asa pa alam ko. Sabi nga sa isang kasabihan habang may buhay pag-asa pero sana hindi lang laging pag-asa ang tangi kong maging sandigan at sandalan.

Hanggang dito na lang. Maraming salamat sa pakikinig sa mga litanya ko. Pasensya ka na rin at napahaba itong aking mga sintimyento. Hindi naman ako humihingi ng payo gusto ko lang mapakinggan mo ang mga hinaing ko sa buhay wala naman kasi akong ibang mapagsasabihan. Alam ko masyado na naman akong naging madrama kaya ayan tuloy ‘di ko napansin ang oras at nakalimutan ko na marami pa pala akong gagawin. Aalis na muna ko ha? Magpapakain pa kasi ako ng mga alaga kong baboy.

Hindi ko na siguro kailangang magpakilala pa sa’yo dahil sigurado naman akong kilala mo na ako mula ulo hanggang paa. Minsan mo na ring nabasa ang aking mga drama at daing heto na naman ako muling dumadrama, muling umeeksena. Sana hindi lang pakikinig ang kaya mong gawin sana umaksyon ka rin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong ikinahihiya ang pangalan ko pero kung ganoon ka man bukas-palad pa rin kitang tatanggapin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong gumagawa ng kahalayan sa akin pero kung ganoon ka man gusto kong sabihin sa’yong mahal ko pa rin kayong lahat at hindi ko pa rin kayo itinatatuwa sa kabila ng lahat ng ‘yan.

Ako pa rin ang inyong Ina.

Ako pa rin ang Ina ninyong hindi mauubusan ng kuwento. Ina ninyong mareklamo at madaing pero mapagmahal. Ina ninyong martir at mapagbigay. Inang malaya raw pero mistulang inaalila at inaalipin.

Siguro alam mo na kung sino ako at kung hindi mo pa rin ako kilala siguro mas nakakaawa ang kalagayan mo kaysa sa’kin. Makabubuting tulungan at kilalanin mo munang maigi ang sarili mo bago mo ako tulungan.

About ragubalane

Walang pormal na edukasyon sa pagsusulat pero hindi ito naging handlang upang huminto sa pagsusulat ng kanyang mga saloobin. Nagbuhat sa isang tipikal na pamilya, nag-aral sa pampublikong paaralan mula elementarya hanggang sekondarya. Iginapang ng magulang ang kolehiyo at pinagtibay ito ng diploma at lisensya na iginawad halos dalawampung taon na ang nakararaan. Nag-aral, nagsikap hanggang marating ang destinasyong kanyang nilakbay. Umasam, umasa hanggang matupad ang ilang kanyang inaasam sa buhay. Sumubok, sumulong hanggang makamit ang ilang minimithing tagumpay. Nangangarap ng mabuti at magandang Pilipinas sa kabila ng kawalan ng pag-asa ng iilan. Katulad ng karaniwang tao pilit na binubuhay ang pag-asa kahit habol-hininga na lang ito, hindi bibitiw at susuko kahit batid na ang resulta ng pagkabigo. Hindi matalino pero naipasa ang anumang pagsusulit, hindi matino pero nagpupumilit na gumawa ng katinuan. Madalas na napuputikan dahil sa daigdig na kanyang kinabibilangan ngunit agad na naglilinis at naghuhugas gamit ang inuusal na dasal.