Ikinahihiya Kong Katulong Ako!

Vitality-Domestic-Office-Helpers_52928_imageNakauniporme ako araw-araw sa pagtatrabaho ko bilang kasambahay. Araw-araw, sunud-sunuran ako sa mga amo ko. Isa akong katulong. Wala akong karapatan magreklamo sa mga pinapagawa sa akin.

Umaga palang, nakalilimutan ko na mag-ayos dahil aligaga na ako sa pag-aasikaso sa almusal ng mga amo ko. Aasikasuhin pa ang alaga pagpasok sa eskuwela. Pagkatapos niyan, sunud-sunod na ang trabaho ko. Maglalaba, mamalantsa, magkukuskos ng kubeta at magpapakintab ng mga gamit sa bahay.

Wala akong pahinga! Pati pagkain ko, nakaliligtaan ko na. Minsan naman, hindi na ako nakakakain dahil wala ng natira sa pagkaing inihanda ko sa mga amo ko at minsan, tinitipid pa ako.

Sinasaktan pa ako ng mga amo ko kung hindi ko nagagawa ang utos nila. Tanga raw ako dahil paulit-ulit nila sinasabi sa akin ang gusto nila, nakaliligtaan ko pa rin gawin. Hindi na ako nasasaktan sa pagtawag nila sa akin ng kung anu-anong salita dahil sanay na ang tainga ko sa kanilang pang-iinsulto. Basura kasi ang tingin nila sa isang tulad ko.

Ang hindi ko malilimutan ay nang pinagsamantalaan ako ng aking among lalaki. Nagsumbong ako sa amo kong babae dahil sa ginawa sa akin, ako pa ang lumabas na masama. Inakit ko raw ang asawa niya kaya ako napagsamantalahan. Simula noon, may baon na akong patalim sa aking unan upang madepensahan ang aking sarili.

Tatakas sana ako, bantay sarado naman. Iniisip ko na lamang na may katapusan din ang lahat ng aking paghihirap. Pasasaan ba at ang kontrata ko’y matatapos din.

Ang sahod ko, hindi pa buo kung minsan at nahuhuli pang iabot sa akin. Hindi naman daw ako lumalabas kaya hindi ko kailangan. Kahit na ang pamilya ko sa Pilipinas ay naghihintay na dahil maraming babayaran, si madam ko ay hindi ako pinaniniwalaan dahil gumagawa lamang daw ako ng dahilan upang makalabas. Sa tuwing nagpapadala ako, siguradong may kasama ako dahil takot silang iwanan ko sila o kaya ay magsumbong ako sa kanilang ginagawa sa akin.

Magsusumbong ako? Kanino? Minsan, wala na rin akong tiwala sa embahada at agency ko. Sinubukan kong humingi ng tulong, ang sagot sa akin, “Pagiging domestic helper ang pinasukan mong trabaho. Ano gusto mo, ituring kang prinsesa? Hindi ba dapat handa ka sa dadatnan mo?”

Lahat na yata ng hirap, napagdadaanan ng isang katulad ko. Ang baba na ng tingin ko minsan sa sarili ko lalo na sa tuwing nakatatanggap ako ng pagmamaliit sa akin. Maigi pang marinig sa mga among dayuhan ang panlalait sa isang tulad ko dahil sanay na akong makatanggap ng komento mula sa kanila kaysa sa lumabas sa bibig ng isang kababayan ang salitang “nakahihiya” ang isang kasambahay na tulad ko dahil hindi ako marunong mag-ayos at mukha akong aso na sunod nang sunod sa mga amo ko.

Ikinahihiya kong katulong ako sa tuwing may nakasasalubong akong kabayan dahil takot akong ako’y kanyang iwasan at pagtawanan. Masakit kasi na ang inaasahan mong kapwa mo na susuporta sa iyo ay siya pa ang unang bababa sa iyong pagkatao.

Ngunit mali na ako’y magpapatalo dahil sa pagiging katulong ko, natuto ako. Tumatag ang kalooban ko. Nakapagtapos ang mga kapatid ko. Nabago ko ang buhay ng pamilya ko.

Maling hahayaan ko sila sa pangmamata sa akin. Hindi ako dapat yuyuko sa katulad nilang nagmamaliit sa aming may ganitong trabaho. Ang pagiging domestic helper ko ang dahilan kung bakit lahat ng pagsubok sa buhay ay kaya kong harapin. Ito ang dahilan kung bakit marunong ako sa mga gawaing bahay. Dito ko napatunayan na kaya kong mag-isa at tumayo sa sariling paa.

Hindi dapat ako mahiya dahil marangal ang trabahong aking pinasok. Mas nakahihiya ang mga taong mapagsamantala sa kapwa, magnanakaw at nanlalamang upang sila’y umangat.

Higit sa lahat, mas nakahihiya ang mga taong hindi alam ang hirap na pinagdaraanan ng mga katulong. Malinis man ang kanilang suot na uniporme, mataas man ang sahod na kanilang tinatanggap, kung wala silang pagpapahalaga sa mga taong tulad ko, mas mababa pa rin sila sa paningin naming mga kasambahay.
___________

Isinulat ito upang ilahad ang iba’t ibang pinagdaraanan ng isang kasambahay. Ang mga karanasang nabanggit ay hindi ko tunay na karanasan. Naging inspirasyon ko lamang ang bawat kasambahay sa sinulat kong ito.

About Racz Kelly

29years old OFW based in Canada. An award winning author of 2 books about OFW, An owner of the award winning OFW blogsite, a former teacher, a caregiver, an inspirational speaker, a community volunteer, a sister and a daughter. Books: Tiis, Sipag at Tiyaga (OFW Stories) Sindi ng Lampara Blogs: www.ofwstories.com FB: Racz Kelly email address: [email protected] http://www.amazon.com/Sipag-Tiyaga-Racquel-Delfin-Padilla/dp/1475207484/ref=lh_ni_t I was featured by GMA News here: http://www.gmanetwork.com/news/story/270315/pinoyabroad/pinoyachievers/pinay-caregiver-in-canada-writes-book-about-lives-of-ofws