Ika-walo ng Marso Taong Dalawang Libo at Labing Walo

Kasalukuyan akong nagluluto and Indomie Nasi Goreng nang may nag-message sa FB messenger.

Ang sabi nung nag-message sabihin ko daw kung paano ka puntahan sa lugar kung saan ka naroon dahil susurpresahin ka daw niya sa inyong ikapitong buwan na pagsasama bilang magkabiyak.

Ang sabi ko pa, hindi ko maibibigay dahil hindi ko naman siya kilala, at doon na siya nagpadala sa ‘kin ng mga larawan na magkasama kayo. Nainggit ako, ang tamis ng inyong mga ngiti, ang saya ng inyong mga mata, ang inyong pagmamahalan ay kitang-kita sa mga larawan.

Bigla na lang ako napayakap sa aking sarili. Tumulo na lang ang aking luha. Bumagsak ang mundo. At napatanong sa sarili ko, ano ba ang nagawa ko?

Pitong buwan mo na pala akong niloloko.

tears photo
Photo by StockSnap (Pixabay)

Damang dama ko ang hapdi, at unti-unting inalala ang mga masasaya at mapapait na sandali ng anim na taon nating pagsasama.

Ika-walo ng Marso taong dalawang libo at labing dalawa; ‘yan ang petsa na naging tayo.

Ang araw na nagsimula tayong nangarap, nagsimula tayong lumaban sa hamon ng buhay nang magkasama. Napakasaya ng araw na yan, dahil ang araw na ‘yan ang simula ang pag-ikot ng aking mundo.

Nalampasan natin ang mga pagsubok kahit na magkalayo hanggang sa dumating ang araw na nakasama na kita dito sa Singapura.

Ang saya saya ng mga panahon na ‘yon. Simple lang tayo noon eh. Ang mahalaga ay magkasama.

Tuwang-tuwa ka pa nung una mong pagtapak sa paliparan, dahil ‘yun ang una mong pagsakay sa eroplano. At kasabay ng iyong paglapag sa bansang Singapura ay ang paglipad ng iyong mga pangarap.

Sa una, masaya, ramdam ko na mahalaga ako. Ramdam ko na importante ako. Pero habang lumalaon, nawawala na ang saya hanggang sa napuno na ng lungkot at pangamba.

Dumating ang araw na kinakatakutan ko, ang araw na matuto ka nang lumipad, ang araw ng iyong paglisan dahil buo na ang iyong mga pakpak, malakas na ang iyong mga buto at handa nang suungin ang malakas na hangin at mababangis na kaaway.

At ikaw ay nagsimula na ngang lumipad…

tears photo
Photo by geralt (Pixabay)

Ang dating ibong maya ay unti-unting naging lawin. Hinayaan kita na magpaikot-ikot sa himpapawid habang ako ay naghihintay sa ating pugad. Nagbabakasakali na baka kapag nagsawa ka na ay babalik ka ring muli at mamamahinga sa piling ko. Ngunit nawala ka na at ni minsan ay hindi na ako nilingon pa.

Sumama ka na sa iba.

At sa aking pagkabigla hindi lang pala isang pugad ang iyong sinisilungan; ang dami pala.

Isang taon na din nang iniwan mo ako.

Isang taon na akong puno ng katanungan kung paano mo nakalimutan ang maraming taon na pagmamahalan.

Isang taon na akong nagdurusa sa tuwing maaalala ka ay nagbabalik ang sakit na gumuguhit sa laman.

Isang taon na akong malungkot at pinipilit na maging masaya habang ikaw ay masayang kasama siya.

Paano mo ko nalimot? Pano mo ko nasaktan? Pano mo ko nagawang iwan nang ganun ganun na lang?

Isinama kita sa lahat ng aking pangarap. At unti-unti inabot ko ang tagumpay at inialay sa iyo.

Ipinagpatuloy ko ang mga plano natin noon at nagbabakasakali na kung ikaw ay babalik, masasabi kong ang aking tagumpay ay para sa iyo. Ngunit habang lumilipas ang araw, lumuluwang ang awang na nasa aking puso.

Ang palasyong ating magiging tahanan ay marangya ngunit walang laman at napuno ng lungkot dahil puno ng iyong alaala.

Ang sakit sakit pa rin.

Pinipilit kong maging masaya dahil alam kong masaya ka na at hindi na babalik pa. Ngunit ang kirot ay sagad hanggang buto.

Ipagpatuloy mo lang ang paglipad. Mananatili akong nakatanaw sa ating pugad. At kung sakaling mapagod ang iyong mga pakpak, nandito lang ako, naghihintay at patuloy na magmamahal.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.