Ikaw itong malakas pero parang ikaw itong lumpo

Image by: Marinduque First Saturday Movers, Inc.

Bakit ganoon?

Bakit may mga taong malalakas pero kung makautos akala mo’y siya ang hari na nagpapakain at bumubuhay sa iyo?

‘Yung malakas at masakit magsalita at puro parinig, pero wala namang ganap.

Mga taong magaling magreklamo sa buhay, gayung sila naman itong walang ginagawa?

Kung  sa araw-araw ay wala ka nang ibang maririnig kundi ano ba ito? bakit ganyan? Para saan ‘yan? Nasaan na?

Walang katapusang reklamo.

Mga tanong na wala namang kakwenta-kwenta.

 

Luminga-linga ka sa paligid. Kay raming malalakas, buo ang katawan at pag-iisip.

Ngunit bakit nagkalat sila at patambay-tambay

at may mga unli bisyo pang ipinagmamalaki?

Walang trabaho pero sagana sa luho.

Hindi kumikilos ngunit laging may nakakain.

 

Samantalang heto ang ilan at nagkakandakuba at nagkakandapuyat,

ang gabi ay nagiging araw, aabutan ng dilim at liwanag ay nagtatrabaho pa rin.

 

Ang hindi makalakad na tindero ng pandesal ay nagbibiskleta kahit mabagal,

makapagtinda lamang. Makapaghanapbuhay. Ayaw maging pabigat sa pamilya.

 

Nariyan na ang parasite. Bubuwisitin ang naghahanapbuhay, lolokohin, tatawanan.

Ang mahihirap na bata na namamasura ay bubulyawan, palalayasin, lalaitin ang karungisan.

Pagbibintangang may tangkang magnakaw gayung basura lamang ang hinahalukay.

Maraming tao ang ganito. Mapagmataas gayung wala namang naabot.

Umaasa lang naman sa iba ngunit ang asal ay senyorito.

 

Mapapaisip ka tuloy…

Sino nga ba ang tunay na may kapansanan?

Ang pilay na mapagkumbabang naghahanapbuhay?

O ang pilatong dinadaan sa delihensiya ang kanyang ikabubuhay?

Natutukso na akong sabihin kay Manong…

“Ikaw itong malakas pero parang ikaw itong lumpo!”

 

 

 

#DFbloggers              #DefinitelyFilipino   #DFBI

 

 

 

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.