“Ikaw Ba Ang Iniwan?”

Akala mo ‘andyan siya parati sa tabi mo. Kahawak-kamay. Kausap. Kayakap. Kakulitan. Kaasaran. Kabiyak ng iyong puso. Karugtong ng iyong buhay, pero hindi pala.

Akala mo, ang presensya niya sa buhay mo ay hindi maglalaho na parang bulang sumasayaw sa hangin, unti-unting nawawala sa ‘yong paningin.

Akala mo sapat na ang nagmamahal ka at minamahal (?), pero hindi pala.

Photo by Pexels (Pixabay)

Minsan, sa ganitong sitwasyon ay mas gugustuhin mo na lang ang mapag-isa. Mas pipiliin mo na lang na makahinga nang maluwag sa espasyo ng katahimikan, kaysa makinig sa kasinungalingan na lumalabas sa bibig niya. Pag tahimik, mas napakikinggan mo ang iyong puso. Mas dama mo ang kanyang pagdurugo. Ang kanyang paghihirap. At ang  pagnanais nitong kumawala sa kamay na puro  pasakit ang kayang ibigay.

At sa pagkakaintindi ng puso at kukote mong punung-puno ng mga maling akala -panahon na para isipin mo naman ang iyong sarili at harapin ang kanyang mga kalokohan.

Mga – dahil hindi lang isang beses kang niloko. Kung tutuusin, mahihiya ang sampung daliri mo kung bibilangin mo kung ilang beses na ba talaga?

Ganun ka ka-loyal – hindi  sa kanya kundi sa pagiging tanga.

Pero naiiintindihan ko. 

Dahil sino nga ba ang mag-aakala na magkakamali ka ng akala?

Siya ‘yung tipong hindi ka lolokohin. ‘Yung  tipong seryoso? ‘Yung bawat salita, kilos o galaw – sagrado? ‘Yung unang tingin mo pa lang,  maglalaglagan lahat ng bituin sa langit ’cause “He’s your Knight in shining armor, coming to the rescue.”

Pero may uso sa mundong ito na hindi naluluma. Yung abUSO galing sa taong minamahal mo. ‘Yung tingin ka sa salamin sabay hampas sa noo! “Akalain mo? Naloko ka?!” Hindi sa hindi ka na nadala, o hindi ka na natuto. Naniwala ka. ‘Yun ang pagkakamali mo. 

Kung hindi niya kayang itama ang kanyang pagkakamali, ikaw kaya mo? O, natatakot ka? Dahil alam mong gagawa ka ng isang desisyon na babago sa iyong ngayon.

Pero ano nga ba’ng meron sa iyong ngayon? Makulay pa ba? O, peligroso nang matabunan ng lumbay? Kung dati matingkad, parang bahaghari? Ngayon, singdilim na ng gabi?  Alin ang mas masaya? Papaano mo masasabing masaya ang ngayon, kung  nasasaktan ka?

Pero hindi lang ikaw. 

Lahat ng nagmamahal, nasasaktan. Pero hindi lahat, iniwan. Pero ‘yung iba pamilyar ang mga ganitong sagot. “Kapuy biya t’yabaw.” “Di lalim!” “Mag-unsa na lang kung kami, mura ko’g nagbigti?” Iilang sagot sa aking katanungan; “Ikaw ba ang iniwan, o nang-iwan?”                                                                 

Ako? Iniwan ko rin. Bakit? Dahil hindi na siya masaya. Mas masaya siya sa piling ng iba. Kung saan siya masaya,  doon siya. Hindi naman malaking kawalan sa buhay ko ang mawalan ng isang tulad niyang “manloloko.” Hindi ko rin kinunsinti dahil ang “pangungunsinti” ay masasabi ko ring “panloloko” sa ating mga sarili.  Alangan namang habambuhay kaming maglolokohan?

Hindi biro ang pumasok sa isang relasyon. Ano’ng meron dito? “Ikaw at ako. Dalawa tayo.” Pero pag pinagsakluban ng tadhana, aalis kang mag-isa.  

Ano ba ang ang alas ko at nagawa ko? Hindi ba daw ako nanghinayang?

Hindi.  Mas sayang ang buhay ko kung pinaikot ko lang sa iisang mundo – ng panloloko.  

Nakahihilo. Sa sobrang hilo, tinangay pati kahuli-hulihan mong respeto (para sa kanya).  Wala ka nang kakapitan. Wala ka  na ring idadahilan.

sweet couple photo
Photo by DWilliams (Pixabay)

Panahon na para isarado ang pinto at pagbuksan ang sarili sa bagong simula.

Malaya ka na.”

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:indayluwag420