Ikaw, Ang Toss Coin at Si Michael Jordan

At kapag dumating na yung oras na binigyan ka ng buhay ng isang pagkakataon para baguhin ang kapalaran mo na palagi na lang nabibigo, biglang tulala ka na lang sa kinatatayuan mo – na parang nakakita ng multo. Biglang hindi mo na alam ang gagawin. Bakit? Kasi ganito…Sa isip mo, may larawan ng dalawang lagusan, kung baga eh parang parallel universe – magbabago ang kapalaran mo, at magaganap lamang ang isang pangyayari depende sa iyong pipiliing lagusan. Ngunit sa pagpili mo ng isang lagusan ay sya ring paglaho ng kabila. At hindi mo na kailanman masisilip ito, kahit ano pang pilit mo. Hindi mo na malalaman ang sumunod na naganap SANA sa basketball, kung naipasok nya ang bola. Sapagkat naganap na ang namintis nya ang bola at nawala na ang pagkakataon.

Sa kaliwa mo, kukumbinsihin mo ang sariling mong gawin ang ninanais. Hindi mo iniisip ang sakit na magiging kinahinatnan nito sa huli, kung sakaling ikaw ay mabigo. At kapag ginawa mo ito at nagtagumpay ka, ay lubos na kasiyahan ang mararamdaman mo. Sarap na wala ka nang hahanapin, at masasabi mong “Pwede na akong mamatay”.

Sa kanan mo, sasabihin mo sa sarili mo na hindi mo na lang susubukan – dahil ayaw mong magaya ulit ang nangyari noon. Ayaw mo nang masaktan nang ganoon katulad dati.  Maraming beses ka nang sumubok noong nakaraan, at maraming beses ka na ring nabigo at nasaktan. At ngayon kapag nabigo ka ulit, ay lubos na kalungkutan at sakit ang mararamdaman mo. Sasabihin mo rin sa sarili mo na “Sana namatay na lang ako.”

Ito ang digmaan na nagaganap sa kalooban mo ngayon. Away ng puso at isipan. Away ng pag-asa at kawalan nito. Away ng kagustuhan mo at ng takot. Sabi nila, kapag nahihirapan ka daw gumawa ng desisyon, mag toss coin ka. Kapag tao ang lumabas, sabihin na nating gagawin mo na ang iniisip mo. Kapag ang kabila naman, hindi mo na lang sya isasakatuparan. Pero hindi dyan nakikita ang desisyon na gagawin mo. Nagaganap ang desisyon sa pag toss ng coin, hindi depende sa kung ano ang lumabas sa tao o ang kabila – kundi ang panalangin na sinambit mo habang umiikot sa ere ang baryang pinitik mo galing sa iyong mga daliri. Ang desisyon ay nabubuo ayon sa kung ano talaga ang kagustuhan mong maging kapalaran ng baryang nasa ere at kung paano mo ito gustong lumapag ayon sa kondisyon na binigay mo sa magkabilang mukha ng barya, at hindi kung ano ang ipahihiwatig sa aktuwal na paglapag nito.

Sinubukan kong i-toss ang aking coin. At nalaman ko habang pinagmasdan ko syang umikot sa ere, ang sambit ko na sana ay tao ang lumabas, para magawa ko na ang matagal ko nang inaasam. Sa  pagkakataong ito, naliwanagan nga ako na dapat ko talaga syang gawin, dahil ito ang gusto ko, at ito ang magdudulot sa akin ng lubos na kasiyahan. Pero nabagabag akong muli, dahil yung kabilang mukha ng barya ang lumabas paglapag nya sa palad ko, at ipinatong ko sa braso. Ang pahiwatig na hindi ko sya dapat gawin. Nandyan pa rin ang takot, at walang kasiguruhan na hindi ako masasaktan.

Pero ano nga ba ang saysay no’n? Tinoss ko sya, pinaniwala ko ang sarili ko na gagawin ko ang nararapat. Pero natatakot pa rin ako sa huli, at nagdadalawang isip. Parang magulo, ano?

Sabi nga ni Michael Jordan, “I can accept failure, but I cannot accept not trying.” Sa katayuan nyang iyon ay madali nya itong nasabi. Dahil sa interview na ‘yon ay may naabot na sya. Narating nya ang pangarap nya dahil kagustuhan nya iyon. Hindi katulad ko, isang normal na tao lang, hindi dyos ng basketball. At hindi ko pa naaabot ang itaas ng pinapangarap ko. Pero, noong panahon na wala pa sya sa itaas, isang normal na tao lang din ang turing nya sa sarili nya, marahil ay mas mababa pa. Nagkaron din sya ng takot. Ngunit dahil sa pagharap nya dito, at sa lubos na kagustuhan nyang matupad ang pangarap, ay natamo nya ang pagiging dyos… ng basketball.

Ako kaya…? Maipapanalo ko ba?

Mahirap matanggap ang zero-over-twenty. Pero mas mahirap ba ito sa zero-over-zero?

I-toss mo na ang coin. Tinira ko na ang bola. Pipikit na lang ako. Bahala na si Batman.

8 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published.