Ikatlong Hagdan papuntang 2nd floor

(Photo Crerdit: 123rf)
(Photo Crerdit:  123rf)
(Photo Crerdit: 123rf)

“Riiing!”

“Riiiinnnngg!”

Patuloy na umiiyak ang alarm ng kulay dilaw kong selpon na 3310 habang madilim dilim pa ang paligid. Naririnig ko na ang tunog ng tasa at mga kubyertos sa kusina. Si Nanay, gising na.

Hindi ko alam kung ano ang dapat ko maramdaman noong araw na ‘yon. Basta para sa’kin, it’s a new chapter in my life. Aba siyempre, unang araw ko ito sa kolehiyo. Excited ako, pero naramdaman ko rin ang kaba dahil unang beses kong mamamasahe sa siyudad nang hindi ako hinahatid at sinusundo.

Isa akong tutang pinakain ng maraming Pedigree nang ilang taon at at pinilit makisalamuha sa mga Dobermann.

Pero, ayos pa rin sa ’kin kasi it’s time to meet new people.

Bumangon ako, naghanda ng gamit, sinukbit ko ang Jansport ko at hinatid ako sa terminal ng jeep. This is it!

Nang makarating ako sa pamantasan, napansin kong napakahaba ng pila mula pa sa labas ng paaralan. May hawak silang puting papel. Nagtanong ako.“Pare, para saan yan?”

“Study load,”  masungit na sagot ng lalaking puno ng taghiyawat.

Hindi ko alam kung ano yung study load, pero may natandaan akong puting papel na sinabi sa akin na dalhin ko raw sa unang araw ng klase. At oo, pinatong ko ito sa ibabaw ng alkansya kong Astro boy. Nasa bahay. Dead.

Tinawagan ko ang tatay ko para ihatid ang study load na ‘yon. Matapos ang isang oras, dumating siya sa paaralan dala ang munti kong papel. Buti na lang alas 8 pa ‘yung una kong klase. Kumaripas ako ng takbo patungo sa silid kung saan ako dapat naroon. Tahimik ang lahat at nagsasalita ang prop namin. May bakanteng upuan sa likod na pinapalagitnaan ng dalawang lalake.

“Okay, I’ll just meet  you tomorrow! Goodbye,” sabay labas ng propesora sa klasrum wala pa yatang isang minuto matapos kong dumating. Next class ko, 10 a.m pa. Alanjo!

Nagsimulang mag-ingay ang klase at makipag-usap sa bawat isa. Tahimik ang mga katabi ko. Baguhan din. Ako na mismo ang naglakas loob upang kausapin sila.

“Pula, pare. Business Ad.. kayo?”  sabay lingon sa katabi.

“Rocky. B.A. din.” inabot niya ang kamay niya.

“Jose, B.A.” sabi ng isang kaklase ko sa kanan.

Natuwa ako at nakahanap kaagad ako ng mga kasama. Naging maayos ang kuwentuhan namin at nalaman naming blockmates pala kami. Para ulit akong nasa High School. Kasa-kasama ko sila kahit saan.

Naging madali ang adjustments ko sa buhay kolehiyo nang makilala ko sina Rocky at Jose. Dumali lahat at sumarap. Magkakasama kami sa kalokohan. Mula sa paghahanap ng mga bagong kaibigang babae, hanggang sa pagtugtog ng gitara sa kantina, hanggang sa pag-cut ng mga klase para manood ng sine.

“Ito pala ang college!” sabi ko sa sarili ko.

Paborito naming tambayan ang ikatlong hagdan papunta sa 2nd floor ng commerce building. Doon kami umuupo at nanonood ng mga taong dumadaan habang nakikinig ako ng mga usong kanta ng Puddle of Mud mula sa aking CD Player.

Parang may soundtrack ang buhay college ko noon. Ipagpalagay na lang nating lahat ng kanta ng Blink 182 sa album nilang Enemy of the State ay angkop sa buhay ko.

Pero may napansin ako nang lumabas na ang midterm exams results namin.

Mababa ang mga grado ko. Lagapak. Inututan lang ako ni Rocky at Jose. In short, nangamote ako nang maaga. Puro bagsak. Hindi ko maintindihan kung paano nila nagagawang tumambay at makakuha ng sobrang tataas na mga marka.

Kahit hindi sila nagsasalita, nakaramdam ako ng pagsisisi, pero naisip kong dahil pangit ito nagsimula, hindi ko na lang aayusin. Natapos ang unang semestre at may dalawa akong bagsak. Hindi na kasi ako pumasok sa mga klase. Nagsawa ako. Nanlumo.

Sinubukan kong magbagong buhay noong sumunod na semestre, pero wala pang dalawang linggo ay umayaw na ako. 16 taong gulang pa lang ako, pero parang nilublob na ang buong katawan ko sa asido nang patiwarik. Tumigil ako nang pag-aaral.

Lumipas ang ilang taon, kung saan-saang kolehiyo ako pumasok. Iba’t ibang kurso. Para akong babaeng nagsusukat ng bra na hindi naman kasya sa kanya. Parang lalakeng pinipilit ipasok ang dalawang malaking hita sa masikip na brip. Hindi ako nagsawa, sa palagay ko nagsawa na rin yung mga paaralang pinasukan ko. Hindi ko inaayos ang pag-aaral. 19 na ako at ang status ko pa rin ay first year college.

Nahumaling ako sa pagtugtog.  Nangarap ako maging isang rockstar. Pero nagising rin ako sa mismong lamay ko. Hindi ko talaga kaya. Buhol-buhol ang sintas ng buhay ko na ako rin mismo ang nagsusuot.

Maaga akong namatay. Nanaba ako nang sobra. Hindi na inayos ang sarili at nagsilayo ang mga babaeng alam kong may gusto sa akin noon.

Umalis ako at nagpakalayo. Sa isang bayang walang nakakakilala sa akin. Dalawang taon ‘yon. Pero binago nito ang buhay ko.

Matapos ang dalawang taong nasa labas lamang ako ng paaralan, naglakas loob akong bumalik sa pag-aaral. Bumalik ako sa paaralang unang yumakap sa akin. Ibang kurso na. Ibang mga tao na. Ibang isip na. Mas matanda na, mas marunong at mas responsible.

Kahit naisip kong mauuna pa magtapos ang bunso kong kapatid sa akin, hinayaan ko na lang. 21 ang edad ko noon, ang mga kaklase ko…16.

Nasaan na kaya sina Rocky at Jose? Tiningnan ko ang study load ko na nasa loob ng bag ko at napansin kong ang klase ko ay sa 2nd floor ulit.

Napaaga ako nang kaunti kaya naupo muna ako sa ikatlong hagdan kung papunta sa 2nd floor. Hindi ko maiwasang makaramdam ng lungkot, panghihinayang at kaba sa mga oras na ‘yon. Nakikita ko pa na katabi ko ang dalawang kaibigan ko noong unang beses ako niyapos ng kolehiyo.

“Riiiinggg” tumunog na ang bell ng paaralan. Kailangan ko nang pumasok. ULIT.

Sa loob ng apat na taong paghihinagpis sa pag-aaral, nakatagpo ako ng tunay na mga kaibigan. Natagpuan ko ang mahal ko sa buhay at muli kong binalikan ang dapat balikan. Matataas ang mga grado ko hanggang sa makatapos ng kolehiyo. Nakita ko ang mga kaibigan ko noon; si Rocky at Jose. Mag-aabogasya na si Rocky at may sariling restawran na si Jose.

Ako? Isa nang guro. (O, ngiti naman diyan)

Masaya ang buhay lalo na kung babalikan ang mga alaala.

Minsan nakatatakot harapin ang minsang nagpatumba sa atin.

Pero, sabi nga nila.. tulad ng kasabihang “walang lihim na hindi nabubunyag”, dapat ang pakatandaan ng bawat isa ay “walang nakalipas na maaaring takasan”.

Haharap at haharap tayo talaga, saan mang lupalop ng mundo kayo nagtagpo. Harapin ito nang may dahilan para hindi ka niya makalimutan.

Nito lamang Marso 2013, bumalik ako sa dati kong paaralan noong kolehiyo upang humingi ng rekomendasyon sa mga dati kong propesor para makapag-aral ako ng pagdadalubhasa sa pagtuturo.

“Boss, nasaan si Dr. Elizaga?” tanong ko sa isang guwardiya.

“Nasa 2nd floor, puntahan mo na lang. Sagutan mo muna raw iyang form. Diyan ka muna maghintay sa hagdan.”

About Jared Richard Uy

Full-Time Teacher. 66% Humanist. Cultural LDS. INFP. http://maligaligako.wordpress.com